After everything?

Itinakip ko sa mukha ang mga palad habang patuloy na umiiyak. Hindi ako nag-abalang tumayo sa pagkakaupo ko sa sahig ng kwarto ko. Hindi ko mapigil ang pagpatak ng mga luha ko.

“Cherinna?” narinig ko ang pagtawag ni Kol sa akin. Agad siyang lumapit sa akin nang nakita ako. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko.

“Hey, look at me…” mahinang bulong niya sa akin. “Cherinna, look at me…” hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko at pilit na pinatingin ako sa mukha niya.

“He doesn’t care about me anymore…” mahinang bulong ko. Muli, pakiramdam ko ay ilang beses tinusok-tusok ang puso ko. “Hindi niya ako mahal…” pagsusumbong ko kay Kol. Hindi ko na rin pinigilan ang malakas na pag-iyak. “Hindi niya ako mahal… wala siyang pakialam sa akin…” patuloy lang ang paghagulgol ko.

“Cherinna…” pilit na pinupunasan ni Kol ang pisngi ko. “Just calm down…” hinapit niya ako at ikinulong sa mga bisig niya. “Even before I've decided to let him go… binitawan na niya pala ako…” sabi ko habang yakap-yakap ako ni Kol.

“Ang tanga-tanga ko…” paulit-ulit kong sabi.

“You’re not, stop it. Makakasama sa’yo ‘yan, alam mo ‘yon,” bulong ni Kol sa may tainga ko. Hindi ako nagsalita. Sa halip ay patuloy lang akong umiyak habang nakakulong sa mga bisig ni Kol.

Nang sa wakas ay huminto ako sa pag-iyak ay inalalayan ako ni Kol upang magtungo sa kama ko. “Just stay here, magdadala akong pagkain mo…” marahang sabi niya sa akin. Hindi ako nagsalita. Huminga ng malalim si Kol bago naglakad papalabas ng kwarto ko.

Nakatingin lang ako sa comforter na nasa kama ko. Iniisip ang nangyari. Iniisip si Jahann.

Maybe he realized that he just love me as a sister. Siguro ay natauhan na rin si Jahann na mali ang lahat.

Dapat ay ganoon din ako… pero ang sakit sakit.

Pakiramdam ko ay sasabog ang dibdib ko dahil sa tindi ng emosyong nararamdaman ko pero pilit kong pinipigilan ang sarili ko.

Pumasok sa isip ko ang mukha ni Jahann. Kung paano niyang iiwas ang bawat pagtingin niya sa akin. Kung paanong tila ayaw niya akong tignan.

Ilang sandali pa ang lumipas nang pumasok si Kol muli sa kwarto ko. May dala itong isang tray na puno ng pagkain. “You need to eat,” sabi niya nang tila makita niya ang pagkagulat ko sa dami ng pagkain na nasa tray.

“I’m not really hungry…” sagot ko sa kanya. Nawalan ako ng ganang kumain at pakiramdam ko rin naman ay wala akong panlasa. Any food would taste bland.

“You need to eat,” ulit ni Kol sa akin bago inabot sa akin ang kutsara. “Kakain ka ng ikaw lang o gusto mong subuan kita, dahil kapag ginawa ko ‘yon, ipapaubos ko sa’yo lahat ‘yan…” masungit na sabi ni Kol sa akin. Napapailing na inabot ko na lang ang kutsara mula sa kanya.

“You don’t want to talk about it, I get it…” Sumandal si Kol sa headboard ng kama ko habang nagsimula akong kumain. Mahapdi pa rin ang mga mata ko dahil sa nangyari kanina. Pinili ko na lang na huwag magsalita habang kumakain ako.

“Ayoko na…” untag ko kay Kol nang hindi ko na mapilit ang sarili ko na lunukin ang pagkaing isinusubo ko. Halos isang-kapat lang ng dalang pagkain ni Kol ang nabawas ko.

“You need to eat more, Cherinna…” nag-aalalang paalala niya sa akin. “Busog na ako…” pinilit kong ngumiti pero hindi man lang ngumiti si Kol sa akin. “Kakain na lang ako ulit mamaya…” sabi ko sa kanya. Wala namang nagawa si Kol kung hindi ang tumango sa akin at alisin ang tray sa kama ko. “Magpahinga ka na muna…” tila may gusto pa siyang sabihin pero hindi niya itinuloy.

Played by Fate - Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon