[19] Avellino High

267K 9K 1.5K
                                    

Tulad nga ng sinabi ni Jasmine ay nagkaroon ako ng bagong tyansa na mamuhay ng tahimik dahil mapayapa ang Avellino High kumpara sa mga paaralan na dati kong pinapasukan. Kahit na isa akong transferee ay wala akong nahuli ni isa na nakatingin sa akin. Walang pumapansin sa akin at tila may sari-sariling mundo ang lahat...Isang bagay na matagal ko ng ipinagdadasal.

Sa dalawang subject na lumipas ay wala akong napansin na masama sa kanila. Para akong nasa catholic school at lahat ng estudyante ay required na maging mabait. Nang break na namin ay naiwan lang akong mag-isa sa loob ng classroom dahil ang lahat ay naglabasan.

Sanay naman ako sa palipat-lipat ng school pero tila ngayon ay hindi na ako sanay. Hinahanap-hanap ko ang kakulitan sa akin ni Storm. Kung kailan naman nagkaroon na ako ng maituturing na mabuting kaibigan ay saka pa nawala.

Lumabas din ako ng classroom upang libutin at obserbahan ang bagong paaralan na nilipatan ko. Kulay brown ang uniporme namin at halos katulad lang din ng sa Tan Siu at talagang ang kulay lamang ang pinagkaiba.

Hindi mo aakalain na napakalawak pala masyado ng Avellino High dahil hindi ito ganoong kalaki sa labas. Yun nga lang, wala itong soccer field di tulad ng sa Tan Siu. Di tulad sa mga dating paaralan na nilipatan ko noon ay ngayon lamang ako mapayapang nakakapag-ikot ng school. Bukod kasi sa walang nambubully sa akin rito ay wala rin kasing katao-tao na siya namang ipinagtataka ko.

Walang kaalam-alam ang mga magulang ko na lumipat ako ng paaralan. Ang buong akala nila ay ang unipormeng suot-suot ko ngayon ay isa sa mga uniporme ng Tan Siu. Nakakaguilty man pero kuntento na ako sa paaralang nalipatan ko ngayon. Ayoko na rin bigyan pa sila ng alalahanin kapag sinabi kong lumipat ako dahil ang buong akala nila ay maganda ang sitwasyon ko sa Tan Siu.

Hindi ko namalayan na ang tinatahak ko na pa lang lugar ay papuntang cafeteria. Pakiramdam ko ay sa sobrang laki ng school na ito ay maliligaw ako ng madalas. Dahil sa cafeteria na rin naman ang punta ko ay napagdesisyunan ko na lang na bumili ng makakain at para na rin makita kung ano ang itsura nito.

Pagpasok ko sa loob ay ingay ng mga estudyante ang sumalubong sa akin. Napangiti ako nang wala ni isa ang nakapansin sa akin na pumasok. Lahat ay may kani-kaniyang pinag-uusapan. Nang makabili ako ng tinapay at juice na makakain ay naupo ako sa isang bakanteng upuan kung saan ay hindi masyadong matao. Nakakatuwang isipin na pwe-pwede din pala akong maging normal na estudyante.

"Sigurado kang taga Tan Siu iyon?"

Isusubo ko na sana ang tinapay na binili ko nang marinig iyon mula sa mesa sa bandang likuran ko.

"Hinaan mo ang boses mo. Baka may makarinig sa'yo. Alam mo namang ipinagbabawal ang pangalan ng paaralan na 'yun dito," bulong ng kasama niya.

Gusto kong lumingon upang makita sila pero naunahan ako ng takot. Sa paraan ng pag-uusap nila ay tila isang malaking kasalanan ang pagbabanggit ng pangalan ng dati kong paaralan. Tila isang malaking kaparusahan ang kabalikat nito. Mukhang totoo ang mga sinabi ng Jasmine na iyon kahapon.

Napatingin ako sa babaeng nasa katabing lamesa ko nang padabog itong tumayo at galit na lumakad papunta sa may likuran ko.

"Narinig ko ang pinag-uusapan niyo," galit na puna niya.

Bigla nalang naging malamig ang aura sa paligid. Natahimik ang mga estudyante na kanina ay may kani-kaniyang usapan at lahat ay itinuon ang atensyon sa bandang likuran ko. Pakiramdam ko ay mauubusan ako ng dugo sa mukha dahil sa kaba buhat ng tensyon na nararamdaman ko.

Kahit na hindi nasa akin ang tingin nila ay pakiramdam ko'y sa akin pa rin sila nakatingin dahil nasa likuran ko lang ang mga taong tinitignan nila. Gusto ko ring lumingon upang tignan ang nangyayare pero hindi ko magawa dahil sa takot.

BY THE WAY, HIS NAME IS JACK FROSTWhere stories live. Discover now