Huling Bahagi

1.2K 80 7
                                    

Ang Higanteng Ibon at si Gamay

written by: ajeomma


HULING BAHAGI

Galit na galit ang mga kapitbahay nila nang hindi matagpuan ang hinahanap. Siya ang binalingan.

"Gamay! Nasaan ang halimaw mong alaga?! Kailangan siyang mapatay bago pa maminsala! Baka sa susunod ay mandagit na siya at tumangay ng mga batang naglalaro sa kalsada. Saan mo itinatago ang iyong ibon, Gamay? Saan?!"

"Sige na, Gamay. Ituro mo na kung nasaan si Puti. Sabi ko naman sa'yo lutuin mo na lang siya, e. Kita mo sinalakay niya sina Rolan at Totoy sa bukid. Naglalaro lang silang dalawa tapos dinagit na ni Puti. Paano kung lumaki pa siya? Kakainin niya tayong lahat, Gamay. Ituro mo si Puti para mapatay siya agad ng mga tatay namin bago pa tayong mga bata ang patayin niya," pakiusap ni Buboy.

Umiling siya nang umiling.

"Walang ginawang masama si Puti, Buboy. Pinagtanggol niya lang ako. Hindi siya nangangain ng bata. Mabait si Puti," umiiyak niyang paliwanag.

"Huwag mong ilagay sa kapahamakan ang baryo natin, Gamay. Halika! Ituro mo sa amin kung nasaan ang Puti na sinasabi ni Buboy!"

Hinawakan siya sa braso ng tatay ni Buboy at hinila. May dala itong itak ganoon din ang iba pang tatay at kuya ng mga kalaro niya.

SAMANTALA...

Mula sa mataas at mayabong na puno, nakikita ni Puti ang paghila ng lalaki sa braso ni Gamay. Nakaramdam siya ng galit nang makita ang pag-iyak ng batang nag-alaga at nagmahal sa kanya. Nasasaktan ang kaibigan niya! Nasasaktan si Gamay!

Ikinampay niya ang pakpak at pasugod na lumapit sa mga kalalakihang naglalakad.

Nagsigawan ang mga tao!

Nagkagulo at nagtakbuhan pagkakita sa kanya!

Panay ang iling ni Gamay. Sinasaway ang alaga sa balak gawin. Nagpulasan na ang mga tao. Binitawan siya ng tatay ni Buboy upang asintahin ng nahawakang buho.

"Puti! Tumakas ka na! Tumakas ka na!" malakas niyang sigaw.

Nag-alanganin si Puti. Nagdalawang isip kung ano ang gagawin. Umikot ito sa himpapawid, lumilipad sa kinaroroonan niya.

Dahil sa takot, nagtakbuhan ang mga tao sa iba't ibang direksiyon.

Ang ilan ay nakarating sa matarik na bangin na ang hangganan ay naglalakihan at matutulis na bato sa ibaba.

Namali sa paghakbang si Buboy at ang ina nito.

Nagsigawan ang mga nakakita. Nakabitin ang mag-ina sa bangin at ang tanging kinakapitan ay malaking ugat ng puno!

Nagtatakbo si Gamay, kasunod ang tatay ni Buboy. Si Aling Jesel ay tumakbo na rin upang kunin ang anak at ilayo sa nagkakagulong kapitbahay.

"Puti! Tulungan mo sila! Iligtas mo sila!" sigaw ni Gamay.

Umikot sa paglipad ang malaking ibon. Ang mahaba nitong buntot ay isinasayaw ng hangin. Animo isang malaking saranggola sa himpapawid.

Napanganga ang lahat nang makita ang maingat na paglapit ng malaking ibong tinutugis nilang lahat upang patayin.

"Buboy! Huwag kayong matakot ni Aling Ella. Nandiyan na si Puti! Ililigtas niya kayo!" Sigaw ni Gamay sa kalaro.

Nasaksihan ng magkakapitbahay nang kumapit si Puti sa damit ng mag-ina at iangat ang mga ito patungo sa patag na lupa.

"Salamat Puti..." Bulong ng tatay ni Buboy habang yakap ang asawa't anak.

"Salamat, Puti!" Sigaw ni Gamay habang kumakaway. Tumutulo ang luha habang tinatanaw ang papalayong alaga; ang papaalis na kaibigan.

Dahil sa pangyayari, nahimasmasan ang mga tao. Nagpaliwanag si Gamay at sinabi ang buong pangyayari. Hindi na nagkaila pa ang dalawang bata at inamin ang pagkakamaling ginawa.

Matapos humingi ng paumanhin sa mag-ina, nagpaalam na ang magkakapitbahay at nagsibalik sa kani-kanilang tahanan.

Masaya si Gamay dahil natapos na ang kaguluhan. Masaya siya dahil walang nangyaring masama kay Puti. Subalit nalulungkot din sapagkat umalis na ito at hindi niya alam kung makikita pang muli.

*****

"ANAK, KAILANGAN mong tanggaping wala na si Puti. Alam naman nating iba ang mundong kinabibilangan niya. Malalagay lamang sa panganib ang kanyang buhay kung mananatili siya sa atin. Isa pa'y palaki na siya nang palaki. Hindi na sasapat ang mga bulate at hinog na bayabas na pinakakain mo sa kanya. Sa pupuntahan niya'y higit siyang mapapabuti." Paliwanag ni Aling Jesel sa anak.

"O-opo, Inay. Saka baka hinahanap na siya ng nanay at tatay niya." Nakangiting sagot ni Gamay. Ikinukubli ang nararamdamang kalungkutan upang hindi mag-alala ang ina.

Mula nang umalis si Puti, gabi-gabing nagsisiga si Gamay sa likod-bahay. Nagpapalipas ng oras at naghihintay. Umaasang babalik ang ibong inalagaan, minahal at itinuring na kaibigan.

"Anak, mahamog na. Halika na sa loob at baka magkasakit ka."

"Sandali na lang po, Inay. Sandaling-sandali na lang po," pakiusap niya. 

"Puti, mis na mis na kita." Pinahid niya ang luha at saka tumayo mula sa malaking sanga ng kahoy na inuupuan. Patalikod na siya nang may marinig na tunog. Tila hampas ng malaking... pakpak!

Kumabog ang kanyang dibdib. Pumihit siya at naglakad sa bahagi ng kanilang bakurang bahagyang madilim.

"I-inay!" Nahihintakutan niyang sigaw nang makakita nang anim na liwanag sa ere!

Patakbo na siya nang...

"Aaak... aak..."

Natigilan siya at agad nagluha ang mga mata.

"P-puti? Puti!" 

Nagtatakbo siya upang salubungin ang alagang mas lumaki pa kaysa dati. Nakatingala na siya kahit pa yumuko na ito nang makalapit.

Hindi rin nakapagsalita si Aling Jesel nang makita ang higanteng ibon. Lalo na nang lumapit ang dalawa pang kasama nito.

"Sila po ang mga magulang ni Puti, Inay."

Laking mangha ni Aling Jesel nang maunawaan ang nililikhang tunog ng malalaking ibon; naiintindihan ang ibig sabihin ng mga ito!

"Maraming salamat sa pag-aalaga sa aming anak. Bilang ganti, tanggapin niyo ang balahibong ito at ibaon sa lupa. Magsisitubo ang magagandang gulay at halamang namumunga sa inyong bakuran. Makapamumuhay kayo ng masagana."

Nagpasalamat si Aling Jesel sa mga magulang ni Puti. Masaya na silang nag-usap at nagpalitan ng masasayang kwento.

Nang magpaalam si Puti, hindi na umiyak si Gamay. Dahil ... nangako itong babalik at papasyal sila sa ibabaw ng ulap pagkaraan.

WAKAS

To GOD be the Glory.

Dedicated po ang kuwentong ito kay RJ Jorge Antivo na gumanap bilang si Gamay. Maraming salamat po sa inyong pagsubaybay. Abangan niyo na rin po ang susunod na kuwentong pambatang gagawin ko at ihahain sa inyong lahat na may pinamagatang... Si Butsoy at Si ANTONINOng Gala ngayong nalalapit na ang kapaskuhan. Hanggang sa muli, mga bebe kong mahal.  :)

Ang Higanteng Ibon at Si GamayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon