Ikalawang Bahagi

1.7K 87 17
                                    

Ang Higanteng Ibon at si Gamay

Written by: ajeomma


IKALAWANG BAHAGI

Matiyagang nangunguha ng maliliit na bulate si Gamay upang ipakain kay Puti.

"Ang sarap, no? Pinili ko 'yan para magkasya sa bibig mo. Sige, kumain ka nang kumain para lumaki ka agad at makababa sa pugad mo."

Tila naiintindihan ang sinasabi ng nagsusubo ng pagkain, lumilikha ng tunog si Puti.

"Ang galing-galing mo, Puti!" humahanga niyang sabi.

Lalo namang nagpakitang gilas si Puti. Ikinampay ang maiigsing pakpak at saka patalun-talon sa pugaran.

Pumapalakpak pa siya nang datnan ng ina. Naaliw rin ang ginang habang nagpipilit kumampay ang alaga ng anak.

Lumipas pa ang mga linggo, ang paglaki ni Puti ay hindi naging pangkaraniwan. Tumubo na rin ang mga balahibo nitong kasing puti ng bulak. Mabigat na, kaya hindi na kinakaya ng basket na pugaran. Kasing laki na ito ng barakong pato.

Upang hindi lamigin, itinabi ito ni Gamay sa higaan. Nakasiksik sa ilalim ng kili-kili ng batang tuwang-tuwa naman.

KINABUKASAN...

Habang naghahanda sa gagawing pagtitinda, panay ang sunod ni Puti kay Gamay.

"Hindi ka maaaring sumama sa akin, Puti. Mapapagod ka lang. Maghintay ka na lang dito sa atin, at samahan ang Inay. Babalik ako agad, pramis." Sabi niya sa alaga habang hinihimas ang balahibo nito.

Lumikha ng tunog si Puti, animo umiiyak at nagpapaawa.

Nilinga niya ang ina at nagpasaklolo kung ano ang dapat gawin.

"Hindi ko alam, anak. Tiyak na pagkakaguluhan siya ng mga kapitbahay oras na makita. Wala pa siyang isang buwan pero napakalaki na niya." Nag-aalalang sabi ni Aling Jesel.

Ipinaling niya ang paningin kay Puti, "Narinig mo ba ang sinabi ng Inay? Kapag isinama kita, baka mapahamak ka. Baka tiradurin ka ng mga bata, o kaya naman gawin kang ulam ng mga mama sa labasan. Gusto mo ba 'yon?"

Natigilan naman si Puti, waring kinatakutan ang sinabi niya. Bahagya pa itong umurong at saka iniyuko ang ulo.

Muli niyang hinaplos ang balahibo nito, "Pagdating ko maglalaro tayo, pramis. Kaya huwag ka nang malungkot, ha. Uuwian kita ng matatabang bulate at hinog na bayabas. Masarap 'yon. 'Di ba peyborit mo 'yon?" pang-aalo niya sa alaga.

Masiglang tunog ang nilikha ni Puti.

"Ayan! Ang bait mo talaga. Aalis muna ko, huwag kang lalabas, ha. Samahan mo ang Inay sa pagdidilig ng mga pananim sa likod bahay. Okey ba?" Nakangiti niyang tanong.

Humuning muli si Puti.

Napapangiti na lang si Aling Jesel habang pinanonood ang anak at ang puting ibon. Hindi nito alam kung anong uri o saan nabibilang ang ibong kinakalinga ng anak. Hindi rin alam kung nagkakaintindihan nga ba ang dalawa. Dahil kung pagbabasehan ang kilos ng anak at ng ibon, tila nag-uusap ang mga ito..., na parang tao.

ISANG ARAW...

"Hoy! Pahingi nga ng pandesal!"

Luminga si Gamay sa pinanggalingan ng tinig. 

"Ako ba ang tinutukoy mo?

"Bakit? May iba pa bang nagtitinda ng pandesal dito maliban sa'yo?" Matapang na tanong ng batang lalaking matangkad. May kasama itong isa pang bata.

"Sige, pero tag-isa lang kayo, ha. Ititinda ko kasi ang mga pandesal. Tapos pagkaubos isasauli ko kay Mang Migo ang pinagbilhan. Pero kung mababawasan ng dalawang piraso, ayos lang," nakangiti niyang sabi.

Nagkatinginan ang dalawang bata at saka nagngitian. Kinuha ng mas malaking bata ang basket na hawak niya. Kumuha ito ng tatlong piraso at ibinigay sa batang kasama. Pagkatapos ay muling kumuha at sunod-sunod na isinubo sa bibig.

Inawat niya ang mga ito sa pagkain, kinukuha ang basket ngunit ayaw ng mga itong isauli. Nahulog ang mga pandesal sa lupa nang ihagis iyon ng mga ito pabalik sa kanya.

Umiiyak niyang pinulot ang nadumihang pandesal, habang ang dalawang bata naman ay nagtatawanan. Lumapit pa ang matangkad na bata at tinisod ang pandesal na dadamputin sana niya, habang malakas pa ring nagtatawanan.

"Ak... ak..." 

Kasabay ng nagngangalit na tunog ng ibon ang malakas na pagaspas ng hangin.

"P-puti!" Sambit ni Gamay pagkakita sa sumusugod na alaga.

Hindi niya alam kung paano nakarating si Puti sa bukid, at lalong hindi niya alam kung paano ito pipigilin. Dire-diretso ito sa dalawang batang nandidilat ang mga mata sa pagkamangha at labis na takot.

Gamit ang matutulis na kuko, pinagkakalmot ni Puti ang mga batang hindi malaman kung paano tatakbo.

"Puti! Tama na! Tama na!" sigaw niya. 

Nagdurugo na ang mukha at mga braso ng dalawang bata. Umiiyak na ang mga ito.

"Tama na, Puti! Kawawa naman sila!" muli niyang sigaw.

Tumigil si Puti at lumapag sa tabi niya. Nagtakbuhan palayo ang dalawang bata habang sumisigaw at tinatawag ang mga tatay nila.

"Puti, bakit ka pumunta rito? Saka... bakit mo sila sinaktan?"

"Aaak...aak."

"Salamat sa pagliligtas sa akin. Masaya ako kasi nag-aalala ka kaya sinundan mo ko. K-kaya lang... may nakakita na sa'yo. Baka kung ano ang gawin ng nanay at tatay nila kapag nakita silang may sugat at nagdurugo. Natatakot ako, Puti. Baka kung ano ang gawin nila sa'yo," umiiyak niyang sabi.

Ang pag-aalala sa kaligtasan ng alaga ay agad niyang naisip. Kasing laki na niya si Puti, at kahit sino ang makakita ay siguradong matatakot kahit napakaganda ng balahibo nito. Kulay asul ang mga mata ng alaga niya at ang mga paa nama'y kulay ginto. Subalit ang laki nito ay pambihira, at iyon ang inaalala niya.

Pinauwi niya si Puti at siya naman ay nagtungo sa panaderya upang ipagbigay alam kay Mang Migo ang nangyari. Pinalitan naman nito ang paninda niyang pandesal upang madala sa mga suki. Nagpasalamat siya sa mabait na may-ari ng panaderya bago umalis.

MATAPOS MAKABILI ng bigas at ulam, nagmamadali na siyang umuwi. Alalang-alala na siya kay Puti.

Gaya ng inaasahan, nagsuguran nga sa kanila ang mga magulang ng mga batang nasugatan. Galit na galit! Malayo pa ay natatanaw na niya ang mga taong nagkakagulo sa tapat ng kanilang bahay.

"Ilabas mo ang halimaw na nanakit sa mga anak namin, Jesel! Ilabas mo! Kailangang patayin ang higanteng ibon na 'yan bago pa mahuli ang lahat!"

Nangilabot siya sa narinig. Nakikita niya ang inang nagpapaliwanag subalit hindi napapakiusapan ang mga tao. 

Napatakbo siya palapit nang makita itong bumagsak sa lupa matapos hawiin ng isang lalaki makapasok lamang sa loob ng kanilang bahay.




Ang Higanteng Ibon at Si GamayWhere stories live. Discover now