Three

2.3K 38 6
                                    

Pakiramdam ni Kody barado ang baga niya, ang hirap huminga. Nakapikit na siya pero malinaw pa rin niyang nakikita ang ginawa ni Jax. Gaano na ba siya katagal na niloloko ni Jax? Ang sabi nito sa kanya ay puro barkadang lalaki ang kasama nito sa Palawan. One week ang paalam ni Jax, bukas makalawa pa dapat ang dating.

Biglang kumawala si Jeff sa pagkakayakap sa kanya. Bago pa niya mapigilan ang binata ay palapit na ito sa kapatid. Nanlaki ang mga mata ni Kody. Ano'ng gagawin ni Jeff? Sinigawan ni Jeff ang dalawang magkayakap pa rin, agad na naghiwalay si Jax at ang babae sa gulat.

"Ano'ng problema mo?" Dinig ng dalagang sita ng nakakatandang si Jax. Parang tinusok ng libu-libong pako ang dibdib niya sa nakikitang pagkapit ng babae sa braso ng boyfriend niya.

Boyfriend nga ba? Ekisan mo na, anang maliit na boses sa isipan ni Kody.

"Ikaw! I told you to stop!" ganting singhal ni Jeff.

"Mind your own business." Balewalang tatalikod na sana si Jax pero nahagip ni Jeff ang kuwelyo nito. Napabitaw naman ang babaeng nakahawak sa braso ni Jax.

"Gago ka pala eh!" Inundayan ni Jeff ng suntok sa panga ang kapatid. Gumanti si Jax hanggang sa nagkagulo na. Nagtitili ang babae, nagsibabaan na rin ang apat pang lalaki na sakay ng pick-up.

Noon lang naikilos ni Kody ang katawan. 'Pag nakialam ang barkada ni Jax, kawawa si Jeff. Lima laban sa isa 'pag nagkataon. Tinuyo niya ang sariling luha at humugot ng malalim na paghinga. Buti na lang waterproof ang eyeliner at mascara niya, hindi siya magmumukhang baliw na panda.

Saka siya tumakbo para awatin ang dalawa. Hawak na ng dalawang lalaki si Jeff, nagawa nilang paghiwalayin ang magkapatid. Nagdurugo ang kilay ng binata. Ang dalawa pa ay pigil din si Jax na putok ang labi.

"Jeff!"

Napalingon si Jeff sa kanya. Si Jax naman ay namutla, napamura nang mahina. Pero wala sa boyfriend niyang taksil ang pansin ng dalaga. Maubusan man ito ng dugo sa kinatatayuan ay wala na siyang pakialam. Magsama sila ng haliparot na babaeng mas maiksi pa sa suot na shorts ang buhok! Hindi niya tinapunan ng tingin si Jax nang makalapit siya kay Jeff. Hinawakan niya ito sa braso, bumitiw naman agad ang dalawang may hawak sa binata.

"Okay ka lang?" mahinang tanong niya, sinipat ng tingin ang guwapong mukha nito. Six feet si Jeff, para siyang nakatingala sa poste sa tangkad niyang five two. Naka-flats pa siya. Gumalaw-galaw ang panga ni Jeff pero tumango naman.

"K-Kody... " Dinig ng dalagang sambit ni Jax. Lumaki ang nararamdamang bara ni Kody sa lalamunan. Pero hindi niya bibigyan ng satisfaction si Jax na makitang nadudurog siya. Inignora niya iyon, kay Jeff niya itinuon ang buong atensyon.

"Come on, hatid mo na 'ko."

"K-Kody, l-let me explain," agaw ni Jax.

"Explain?" aniyang napatingin kay Jax. "Para mabilog mo na naman ang ulo ko? 'Wag ka nang magsayang ng laway."

"It was a misunderstanding!" pilit ng binata.

Sa narinig ay nanlaki ang butas ng ilong ni Kody. Kumawala siya sa pagkakahawak sa braso ni Jeff at nilapitan si Jax. Nanlilisik ang mga matang nasampal niya ang lalaki. Lintek lang talaga sa kapal ng mukha 'to, huli na nga eh.

"Kung dati nagogoyo mo ako sa tuwing lumalandi ka, na kinukunsinti ng mga tarantadong 'to," aniya sabay turo sa mga barkada ni Jeff, "ngayon hindi na."

"Wala kaming kinalaman d'yan," anang isa sa mga kabarkada ni Jax. Napaatras sila nang tingnan ni Kody nang masama.

"K-Kody... "

"Stop it!" Nakasigaw na siya, hindi na niya alam ang salitang kalma.

"Come on, Kody. Baka hinahanap ka na sa office," boses ni Jeff.

"Puwede ba 'wag kang makialam?" Inis na baling ni Jax sa kapatid.

"Sino ka para pagsabihan si Jeff?"

"Bakit, labas naman talaga siya dapat sa usapan ah? Boyfriend mo ako, tayo ang dapat mag-usap para ayusin 'to."

"Ah, oo. Boyfriend kita." Tiningnan niya ang wristwatch na suot. "That was roughly ten minutes ago. Before you shoved down your tongue down her throat!" Tinuro niya ang babaeng pugita na kahalikan ng taksil niyang boyfriend kanina.

"W-what do you mean?" tanong ni Jax.

"Di mo na-gets? Kung sabagay may pagkabobo ka. Kaya nga insecure ka sa kapatid mo, wala siyang ka-effort effort kung umani ng uno sa school," taas ang kilay na tuya niya. "Pero sige, para hindi mahirapan ang kakapiranggot mong utak sa pag-intindi. Ipapaliwanag ko sa 'yo in asshole speak. Break na tayo, gago!"

Ang inaasahan niyang galit ni Jax ay hindi nangyari. Sa halip ay natahimik ito, nakayuko lang. Namagitan ang tensyonadong katahimikan sa kanilang lahat. Ilang sandali pa ay nag-angat ng tingin si Jax.

"I guess I deserve it, lahat ng 'to. Pero ang hirap mong mahalin, Kody. Ang taas ng standards mo, nakakapagod abutin. Hindi kaya ng bobong katulad ko. Pasensya ka na kung ano lang ang nakayanan ko," anitong nangingislap ang mga mata.

Hindi makapagsalita ang dalaga. Nasorpresa siya sa narinig kay Jax. May ganoong sentimiyento pala si Jax, hindi niya alam. Para siyang lobong tinakasan ng hangin. Hindi niya alam kung ano na ang susunod niyang gagawin. Basta lang siyang nakatayo doon, hindi makapaniwala sa narinig. Bakit hindi man lang niya napansin na may pinagdadaanan palang ganoon si Jax?

Masyado ka kasing self-centered. Puro na lang ikaw, sa 'yo umiikot ang mundo.

Ayaw man niyang aminin pero tinamaan siya sa sinabi ni Jax. Siguro nga may kasalanan din siya. Pero sapat na ba 'yon para magawa nitong lokohin siya?

"Mahirap ba akong kausapin, Jax? Kaya ka naghanap ng iba?"

Bago pa mahulog ang mga luha niya ay tumalikod na si Kody.

Always Been You (First Five Chapters Only)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon