Act XIII: "Mahika ng Salita"

757 30 7
                                    

Act XIII: "Mahika ng Salita"

..~*+*~*+*~*+*~..

"Ang pag-iral mo sa isang kuwento ay siyang magiging dulot ng wakas at panimula. Ang iyong mga luha ay siyang bubuhay sa sikretong matagal na nakatago. Ang iyong mga ngiti ay siyang magwawakas sa nakaukit na sumpa. At kasabay ng lahat ng ito ay ang muling pagbuo ng puso't pagkatao."

Agad iminulat ni Yuri ang kanyang mga mata at napaupo. Umakyat-baba ang dibdib niya at pinagpapawisan siya ng malamig.

Iyon na naman... napanaginipan na naman niya iyon...

Ilang taon niya na bang napapanaginipan iyon?

Paulit-ulit... halos gabi-gabi na lang niyang napapanaginipan iyon. Sobrang tagal na iyon, pero hanggang ngayon ay malinaw na malinaw pa rin ang eksenang iyon sa kanya.

Ilang taon na ang lumipas mula noong nagpunta siya sa Japan para dalawin ang pamilya ng kanyang ina. Bata pa siya noon, nasa elementarya pa lamang. Dahil naaliw sila sa paglalarong taguan kasama ang mga pinsan niya sa bundok, hindi namalayan ni Yuri na naligaw na siya. Kung saan-saan siya napadpad hanggang sa may nakasalubong siyang isang matandang babae. Magtatanong na dapat siya ng direksyon noong bigla itong nagsalita sa lengwaheng kinagisnan niya.

"Ang pag-iral mo sa isang kuwento ay siyang magiging dulot ng wakas at panimula. Ang iyong mga luha ay siyang bubuhay sa sikretong matagal na nakatago. Ang iyong mga ngiti ay siyang magwawakas sa nakaukit na sumpa. At kasabay ng lahat ng ito ay ang muling pagbuo ng puso't pagkatao," sabi ng matandang babae.

Pagkasabi niyang iyon ay tumalikod na ang babae. Naiwan si Yuri na napako sa kinatatayuan, nanlalamig sa pawis at takot. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang naging epekto ng mga salitang iyon sa kanya. Kinilabutan siya nang hindi maipaliwanag hanggang sa ang kilabot ay naging takot.

Dali-dali siyang tumakbo at sa kanyang pagtakbo ay bumunggo siya sa isang batang lalakeng nakaitim at nakamaskara. Tandang-tanda niyang nagsisisigaw siya sa takot hanggang sa nawalan siya ng malay. Pagmulat niya, naroon na siya sa paanan ng budok at pinaliligiran ng nag-aalalang mukha ng mga pinsan niya.

Hanggang ngayon ay isang kilabot pa rin ang pangyayaring iyon kay Yuri. Siguro ay bata pa lamang siya noong mga panahong iyon kaya siya natakot at tumatak na sa kanya ang pakiramdam na iyon dahil kung tutuusin at kung ngayon iyon nangyari sa kanya, alam niyang hindi naman siya matatakot.

Pero wala eh, tumatak na iyon sa sistema niya, at simula noon ay halos gabi-gabi na niyang naririnig ang boses ng matandang babae sa panaginip niya.

Pakiramdam ni Yuri ay isinumpa siya.

Umiling-iling siya at isinantabi pansamantala ang napanaginipan. Kailangan niya nang bumangon dahil excursion ng College of Fine Arts and College of Performing Arts. Pupunta sila sa Monte Aura, ang kabilang bayan sa tabi ng Arco Iris. Tulad ng Arco Iris, malaki rin ang bayan ng Monte Aura, ngunit hindi ito laganap sa makabagong teknolohiya. Ito ay isa sa mga tinatawag na preserved historical village.

Ang Monte Aura ay isang bayan kung saan inayos at muling binuhay ang mga gusali noong panahon ng mga Kastila. Ayon din sa nakararami, ang iilang mga gusali at bahay ay nauna pa bago dumating ang mga Kastila sa lugar na iyon. Maging ang pamumuhay sa Monte Aura ay nanatiling simple, malayo sa kabihasnan, at malayo sa modernong mundo. Ang bayang ito ay dinadagsa ng mga turista at nasa pangangalaga ng administrasyon ng Arco Iris.

Ilang araw din sila mananatili doon bilang mga Alagad ng Sining. Maninirahan sila sa isang luma, ngunit pinakamalaking gusali sa Monte Aura. Doon isasagawa ang kanilang preliminary examinations.

Ayon sa mga dating estudyante ng College of Fine Arts at College of Performing Arts, ginaganap ang ganitong tradisyon noon pa man, ngunit walang makakapagsabi kung anong taon ito gaganapin. Walang specific year o date.

Obra de Teatro (Stage Play)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon