Kabanata 2 - Tanong

8.1K 269 206
                                    

Tuwing araw ng palengke ako nagpupunta sa bayan. Kahapon iyon, pero heto uli ako. Narinig ko kasi na may pagdiriwang na magaganap at gusto kong makiusyoso. Dumiretso muna ako sa pinagbabagsakan ko ng paninda. Nagreklamo agad si Aling Lina nang makita ako.

"Galing dito si Baste. Aba'y galit na galit!"

"Bakit naman?" nagtatakang tanong ko.

"Hindi raw tumalab 'yong gamot na binili n'ya. Pinapasauli nga 'yong binayad n'ya!"

"Ano? Subok ko na 'yon. Napakabisa n'yon at talagang gaganahan kang kumain 'pag ininom mo 'yon."

"Gaganahang kumain? Aanhin naman ni Baste 'yon? Nakita mong napakataba na ng tao. Kaya pala ang sabi n'ya, lumakas daw s'yang lumamon!"

Kumunot ang noo ko dahil sa pagkalito. "Pampagana ang hiningi mo, 'di ba?"

"Ay, sus! Ano ka, inosente? Ibang pampagana ang tinutukoy ko."

Unti-unting nagkakaroon nang linaw sa akin ang lahat. Naalala ko iyong usapan nina Nanay at Lola noon. Sabi ni Lola, ayaw niyang gumawa ng gamot kung si Baste rin lang ang gagamit niyon. Ayaw niyang maging parte ng pagkalat ng lahi nito dahil wala naman daw itong sapat na kakayahang magparami pa.

Nagsimulang uminit ang parteng leeg at mukha ko. Siyempre hindi napansin ni Aling Lina ang pamumula ng aking pisngi, dahil nakayuko ako at may saklob sa ulo.

"Linawin mo kasi. Saka, matagal nang wala akong makitang gano'ng halaman sa gubat," pagdadahilan ko.

"Nagbakasakali lang 'yong isa, baka raw mayro'n pa."

"H'wag na s'yang umasa pa."

Nagpaalam ako matapos niyang magbayad. Naglibot-libot ako at inusyoso ko ang paligsahan na nagaganap. Nakita ko ang grupo ni Diego sa isa sa mga palaro. Umiwas ako, ayaw ko nang makaengkuwentro pa si Mang Nardo.

Nagdesisyon akong umuwi na. Akala ko, magiging masaya ako habang pinanonood sila subalit lalo ko lang nararamdaman ang pag-iisa. Wala kasing pumapansin sa akin.

"MAY bata bang nakatira sa gubat, Lola?" malakas na tanong ng lalaking may baritonong boses. Si Diego iyon.

Muntik na akong mapasigaw sa sobrang gulat. Mabuti na lang, hindi ko nagawa iyon dahil kung nagkataon, baka nabukong hindi ako matanda.

"D'yaskeng bata ka! Ba't bigla ka na lang sumulpot d'yan?" pagalit na tanong ko. Pinatanda ko na rin ang boses ko. "At p'wede ba h'wag mo akong bulyawan? Hindi ako bingi!"

Paano nga bang nakalapit si Diego nang hindi ko namamalayan? Ang laking tao niya pero may pagkapusa ito kung kumilos. Tahimik!

"Hindi ka bingi?" nagtatakang tanong niya.

Sa halip na sumagot ay humakbang akong palayo sa kaniya. Akala ko, tatantanan niya na ako ngunit sumunod pa rin siya sa akin.

"Lola, sandali!" tawag niya.

Hindi ko alam kung saan ako mas maiinis, iyong tawagin akong tanda o lola. Tuloy-tuloy lang ako ngunit sinabayan niya ako sa paglalakad.

"Gusto ko lang malaman kung may batang nanirahan sa gubat."

"Palagay mo, may batang tatagal do'n?"

Hininaan niya ang boses nang sumagot. "Hindi na siya bata ngayon, malamang dalaga na 'yon."

Natisod ako. Muntik na akong madapa kung 'di agad ako nakahawak nang maigi sa tungkod ko. Nakatulong din iyong maagap na pagkapit ni Diego sa braso ko.

"Mayro'n ba?" pangungulit niya.

"Kahit kailan, wala akong nakitang bata o dalaga ro'n. At kung ako ikaw, mag-iingat ako sa pagtatanong tungkol sa bagay na 'yan, baka isipin ng tao na nababaliw ka!" mahina ngunit mariing sabi ko.

SilakboWhere stories live. Discover now