Chapter 18: Oo Nga Pala

79.8K 1K 88
                                    



Dedicated to Aimee Leong!



• • • • • • • • • • • • • •



Chapter 18: Oo Nga Pala



"Ang tagal naman nung babaeng iyon!" reklamo ni Faith habang naghihintay kami sa 7-eleven.



"Hayaan mo na, maaga pa naman," sabi ni Maren.



"Kahit na! Lagi na lang siyang late kapag may pupuntahan tayo! Tsaka gusto kong makapunta ng maaga doon! Para malibot yung buong school."



"Hindi naman tayo pupunta doon para maglibot, Faith," sabi ni Aldrin.



Siguro nagtataka kayo kung anong meron ngayon 'no? Kukuha kami ng entrance exam sa UST. Dahil hindi naman ako gala, hindi pa ako nakakapunta sa Manila ng hindi kasama sina Mama at Papa. Kaya ngayong araw na ito, napagdesisyunan ko na sumabay na lang sa classmates ko para hindi ko na sila maabala. Ayos na sana kung ako, si Faith, si Maren tsaka yung late na si Lyka yung magkakasama eh...



"Dala mo ba lahat ng kailangan?" tanong ni Dan Gab.



Tinignan ko yung loob ng bag ko. "Hmm. Nandito na yung test permit ko. Eto yung I.D. ko. Ano pa bang kailangan?"



"Lapis, meron ka?"



Tinampal ko yung noo ko, "Ay, oo nga! Ano ba 'yan. Yung pinakaimportante pa yung kinalimutan ko. Makabili nga muna."



"Huwag na." Naglabas siya ng dalawang lapis mula sa bag niya.



Hinila ko yung bag niya tapos sumilip sa loob. "Ilang lapis ba ang laman nito?" pabiro kong tanong.



"Apat. Dalawa sa iyo, dalawa sa akin."



"Ang swerte ko naman at nagdala ka ng extra."



"Eh kasi naman alam kong makakalimutan mo yung lapis. Naaalala mo ba nung grade 6? Yung exam para sa mga graduates? Wala kang dalang lapis no'n. Halos magkandarapa ka na sa pagtakbo sa labas para lang makabili ng lapis. Eh nung second year? Wala ka ding dalang lapis. Pinahiram ka pa ng adviser natin no'n. Last year, meron din-."



"Oo na, sige na, nakuha ko na yung point."



Mga ilang minuto pa kaming naghintay kay Lyka. Pagdating niya, niratrat na agad siya ni Faith tungkol sa punctuality. Kami naman, hindi siya maawat. Kawawa naman si Lyka.



Medyo nagtagal din kami sa paghihintay ng bus papuntang Lawton. Linggo kasi kaya walang masyadong nadaan na bus. Konti lang yung umaalis ng bahay nila. Feeling ng mga classmates namin male-late na kami kaya sumakay agad kami sa unang bus na dumaan. Na isang namang maling desisyon...



Nasabi ko nga kanina na konti lang yung bus. Pero ang daming estudyante. Feeling ko lahat sila magte-take din ng entrance exam. Sikat na sikat din naman ang UST. Wait, hindi iyon ang point.



Isa isa kaming umakyat sa bus. Si Faith, tapos si Lyka, Maren, ako, si Dan Gab, at si Aldrin. Nakahanap sina Faith ng upuan, hiwa-hiwalay nga lang. Pagdating sa akin, wala ng upuan kaya nakatayo na lang ako. Na maling mali dahil noong umandar ng yung bus-at dahil na din nabiyayaan ako ng NAPAKAGALING na footwork-na-out of balance agad ako.



Una nadala ako sa likod ng bus. Hindi ko maipigil yung paa ko sa sahig. Tapos nag-break bigla yung mamang driver kaya napatalsik ako papunta sa harap naman. Buti ng lang nakahawak agad ako sa balikat ni Dan Gab bago pa man tuluyang sumalpak yung mukha ko sa sahig.



"Kung gusto mo ng hug, Sofia, sabihin mo lang. Hindi mo kailangan gumawa ng ganito," naka-smirk siya. Ugh! Nakakainis naman ang mga lalaking ito! Ang hilig mag-smirk!



Tinanggal ko yung kamay ko sa balikat niya tapos humawak sa isang upuan kasi hindi ko abot yung railing sa itaas. Ang hangin mo din 'no, Dan Gab? Baka sa sobrang daming hangin na laman ng utak mo, wala kang masagot sa exam mamaya."



"Sus, ikaw naman," tapos hinila niya yung kamay ko at sinuportahan yung tayo ko nung binalot niya yung kamay niya sa bewang ko. "Ayan, para hindi ka na ma-out of balance." Tapos kinindatan ako.



Na-awkward ako. Oo, naa-appreciate ko yung tulong niya. Pero hindi ba, may nililigawan siya ngayon? Siya na nagsabi no'n kay King nung intramurals. Naku baka sabihin ni Aldrin iyon sa babae... kung sino man siya.



Pinatong ko yung kamay ko doon sa kamay niya na nasa bewang ko at tinangkang alisin. "Salamat sa tulong pero baka magalit yung babaeng nililigawan mo."



Natuwa ata sa sinabi ko. "Basta ayos lang sa iyo, ayos lang sa kanya."



Anong klaseng babae naman kaya iyon?



Buti na lang at saglit lang ang pagkatayo ko kasi may bumaba na din. Hihiwalay na sana ako kay Dan Gab kaso hindi niya ako pinakawalan. Nilapit niya yung bibig niya sa tenga ko tapos bumulong, "Sofia, wala ka talagang alam. Kaya ipapaalam ko na sa iyo. Liligawan kita. Sa ayaw o sa gusto mo. Hindi ko na gagawin yung ginawa ko nung grade six tayo. Hindi na kita papakawalan." Tinitigan pa niya ko ng matagal. Siguro para makasigurong nag-sink in sa akin yung mga sinabi niya.



Pagkatapos ng "speech" niya, umupo na ako. Nakahiwalay ako sa kanila pero ayos lang iyon. Gumagana ang wheels sa utak ko.



Ano yung sinabi ni Dan Gab? Hindi ko ata narinig ng mabuti. Naalala ko lang yung salitang liligawan tapos wala na. Parang hinarang na nung utak ko yung sinabi niya. Lumingon ako. Unang nahagod ng mata ko ay si Dan Gab. Ngumiti siya sa akin kaya bigla kong inalis yung tingin ko sa kanya. Kasi nung ngumiti siya, bumalik lahat nung sinabi niya sa akin...



Liligawan kita. Sa ayaw o sa gusto mo. Hindi ko na gagawin yung ginawa ko nung grade six tayo. Hindi na kita papakawalan...



Oh. My. Gosh. Sinabi talaga iyon ni Dan Gab? Ako pala yung sinasabi niyang babae ng liligawan niya? Eeehhhhhh!!! Ano ba iyan?! Ayoko, ayoko!



Don't get me wrong. Gusto ko si Dan Gab. Pero bilang isang kaibigan lang. Friendzone na king friendzone. Oo, madalas akong maasar sa kanya. Oo, mabait siya, gwapo, matalino, masayang kasama. Pero hindi ko talaga maisip na i-reciprocate yung feelings niya. Alam ko na hindi ko siya sasagutin. Ayoko siyang paasahin. Kasi alam kong masasaktan ko siya sa huli. Kasi this time, alam kong seryoso na talaga siya.





"Pagkatapos niyo, kita-kita tayo sa tapat ng Main Building," sabi ni Maren bago sila humiwalay sa akin. Pare-pareho sila ng building na pagkukuhanan ng test. Ako lang ang nahiwalay kaya ako yung hinatid nila.



"Good luck," sabi ni Dan Gab na nagpaiwan pa.



Nakatingin ako sa sahig at tumango. Hindi ko magawang tignan si Dan Gab sa mata. "Sa 'yo din."



Hinawakan niya yung baba ko at tinaas para nakatingin ako sa kanya. "Masanay ka na." At umalis na siya.



Gusto kong magalit sa kanya. Pero hindi ako makakuha ng lakas na gawin iyon. Ano ba iyan! Kelan ba naging parang madrama yung mga iniisip ko? Ah, simula nung hindi na ako inimik ni King nitong nakaraang linggo. Huh. Eh ano naman kung hindi niya ako kausapin? May mawawala ba sa akin? Ako ba may kasalanan ng lahat? Kung hinarang niya lang yung hinlalaki niya, hindi ko sana siya nahalikan-



Napatigil ako sa paglalakad sa hallway at naramdaman kong uminit yung pisngi ko. Bakit ba bigla na lang pumasok sa isip ko iyon? Tama na nga.



Room 301. Tinignan ko yung test permit ko para makasiguro kung nasa tamang kwarto ako. Nung nakumpirma ko na, pumasok na ako sa loob. At napatigil.



Tahimik naman sa loob. Hindi pa gaanong madami kasi maaga din akong nakarating despite the fact na akala namin male-late kami. Pero hindi talaga iyon ang nakapagpatigil sa akin sa pagpasok. Lumabas pa ako para siguraduhing 301 talaga yung nakasulat na numero sa pinto. So, ito talaga.



Pumasok uli ako. Totoo talaga yung nakita ng mga mata ko kanina. Kasi pagpasok ko, andon si King na nakaupo sa tabi ng bintana, may nakasalpak na earphones sa tenga at nakatingin sa labas.



Tumabi ako sa kanya. "King."



Halata sa mukha niya na nagulat siya. "Sofia?" tinaggal niya yung earphones niya. "Anong ginagawa mo dito?"



"Magte-test. Ano pa ba? Feeling mo siguro sinusundan kita, Asa ka."



Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko iniisip na sinusundan mo ako. Pero noong sinabi mo, na-realize ko na baka nga sinusundan mo talaga ako."



"Ha? Ulitin mo nga yung sinabi mo. May sira ata yung tenga ko ngayong araw na ito. Ano? Sinusundan kita? Last time I checked, demokratikong bansa ang Pilipinas at malaya akong gawin ang lahat ng gusto ko. Isa pa, hindi ako ang nag-assign sa sarili ko sa kwarto na ito. At hindi ako desperadong makita ka para lang sundan kita."



Silence. Wala siyang isinagot. So balik na naman kami sa panahong lagi na lang cold shoulder ang ibinibigay sa akin ni King? Ano ba naman kasing pinagsasasabi ko? Lahat ng frustrations ko kay Dan Gab ay nabuhos ko kay King.



"Sorry."



Wala pa ding imik.



"Hoy, King. Sorry na."



Tumango siya. "Ayos lang. Naiintindihan kita. Ganyan naman talaga ang babae kapag binibisita sila hindi ba?"



"Binibisita?"



"Alam mo na. Period. Menstrual cycle. Alam ko na iyan. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit parang lagi kang meron."



May sira na talaga yung tenga ko. "For your information, wala akong period ngayon."



Kinagat niya yung labi niya na parang pinipigilang tumawa. Ano ba naman yung sinabi ko?



Gamit yung kaunting dignidad na natitira sa akin, umupo ako ng tuwid tapos sinabi, "Kakatapos ko lang." At hindi na niya ata napigilan, tumawa siya ng malakas. Wow. Ngayon ko lang narinig si King na tumawa ng ganito. Kaya hindi ko mapigilang tumawa din.



"Teka nga, maiba muna. Bakit ka nasa Accountancy na room? Hindi ba sabi mo Business Ad ang gusto mo?" Alam kong bawat room ay hati-hati depende sa kung anong course choice ng estudyante. Sabi kasi ni Maren, ganoon daw dito eh.



"Hindi ako ang may gusto no'n, si Papa." Naghihintay ako ng karugtong. Alam kong nakita niya iyon noong lumingon siya sa akin. Nagbuntong-hininga muna siya. "Look, hindi ko iku-kwento sa iyo ito kaya huwag kang umasa-"



"Pero gusto mo."



"Ha?"



"Gusto mong ikuwento sakin. Sabi mo lang naman hindi mo iku-kwento. Hindi naman ibig sabihin noon na ayaw mo nang ikwento iyon sa akin."



Tumango siya. "Tama ka. Kahit saglit lang gusto kong may masabihan ng iniisip ko. Pero hindi ko itutuloy"



"Bakit?"



"Kasi it's none of your business."



Aray. Wala akong maisagot. Tama din naman si King. Wala naman akong kinalaman doon sa problema nila sa pamilya. Pero syempre curious pa din ako kung sino si King. Hindi lang naman siya isang estudaynte, yung side na lagi kong nakikita. Syempre anak din siya, at siguro naman, tulad ko, iba din siya kapag nasa bahay siya. Nasilip ko iyon noong minsan akong naimbitahan sa bahay nila.



"Naiintindihan kita," tumayo na ako sa upuan. Gusto ko munang lumayo sa kanya.



"Sofia." Napatigil ako at lumingon sa kanya.



"Hmm?"



"Galingan mo sa exam," kumunot yung noo niya na para bang mali yung sinabi niya.



Nginitian ko na lang siya. "Ikaw din."







"Sumabay ka na sa amin pauwi," aya ko kay King paglabas namin ng room. "May kasama ka ba?"



"Wala."



"Sasabay ka?"



Nag-isip pa siya. Tapos nagkibit-balikat. "Sige. Wala namang mawawala."



"Talaga?! Tara. Puntahan na natin sila dun sa harap Main Building," Ang giddy ko. Kulang na lang mag-skip ako habang naglalakad eh.



"Sofia, hindi nakatali yung sintas mo."



"Ah, oo nga." Tinali ko yung sintas ko na kanina pa alis ng alis yung buhol. May sira ata yung laces nito, ang loose kaya tuloy kanina pa ako tali ng tali.



Kami ni King yung unang nakarating sa harap ng Main Building. Hindi naman kami naghintay ng matagal kasi maya-maya lang dumating na si Dan Gab.



"Anong ginagawa mo dito, Rodriguez?" salubong niya sa amin.



"Inimbitahan ko siyang sumabay sa 'tin. Wala naman siyang kasabay pumunta dito eh." Hindi na nagsalita si Dan Gab pero tinignan niya lang si King ng masama. Anong meron dito sa lalaking ito? Hindi ba niya nasagutan lahat ng tanong kaya bad trip na bad trip siya?



"Guys!!! Kumusta yung test?" masiglang tanong ni Faith noong nakarating na siya. Wala nang sumagot kasi alam naman naming tutuloy lang siya sa pagsasalita. "Anyway, may magandang idea itong si Aldrin. Gumala muna daw tayo! Ano? Gusto niyo ba?" Pause. Walang sumagot. "Tara!"



"Teka lang. 6 pm na. Anong oras pa tayo makakauwi?" Ang paalam ko lang sa mga magulang ko ay kukuha ako ng test sa UST. Isa pa, mahaba ang biyahe. Mga isa't kalahating oras pa kung hindi traffic.



"Si Sofia naman, ang K.J. Kakain lang tayo. Okay? Tapos uuwi na."



Sa huli, pumayag ako. Nagugutom na din kasi ako. Ayoko namang ipagkait sa tiyan ko ang pagkain, hindi ba?



Naglalakad kami sa gilid ng open field, doon sa tapat nung Santisimo Rosario Parish Church kung saan may nagaganap na misa. Nahuhuli na ako sa paglalakad. Sa harap, pinag-uusapan pa din nila kung saan kami kakain. Mahaba-haba na nga din yung nalakad namin. Gusto kasi talagang libutin ni Faith ang UST. Pagdating namin sa tapat ng library, medyo napapagod na ako.



"Sofia," tawag ni King na nasa likod ko. Tapos hinila niya yung braso ko at nagpunta sa harap ko. Pagkatapos no'n lumuhod siya ng isang tuhod lang ang nasa sahig. Sinimulan niyang itali yung shoelaces ko na hindi ko na pinapansin. Nung natapos na siya, tumingala siya. "Mahigpit ba?"



Pinakiramdaman ko muna yung paa ko. "Hindi. Ayos lang." Tapos ginalaw-galaw ko yung paa ko para i-test kung matatanggal pa iyon sa pagkakatali. "Ang galing. Hindi na natatanggal."



"Tinuro sa amin iyan ni Coach. Mahirap na kasi kapag nagba-basketball ka at maya-mayang natatanggal ang sintas ng sapatos mo." Nakatingala pa din siya sa akin. Ang ganda sana ng itsura namin. Imagine-in mo, may nakaluhod sa harap mo, sinong babae naman ang ayaw ng ganito, hindi ba?



"Hoy! Bilisan niyo ngang dalawa diyan!" sigaw ni Aldrin "Gutom na ako."



Kumain kami sa KFC. Nakakatuwa naman, panay biruan, asaran, tsismisan. Grabe ang tawa ko ngayon. Noong dumating na yung pagkain namin, medyo naghinay-hinay lang ang kakulitan. Pero medyo lang iyon.



"Hoy, kulot. May gravy ka sa pisngi mo," puna ni King noong tapos na kaming kumain.



"Ha?" Hinawakan ko yung pisngi ko. "Saan?"



Idinutdot niya yung hintuturo niya sa plato niyang may natirang gravy. Tapos ipununas sa pisngi ko. "Ayan oh!"



Na-shock ako. Talaga bang pinunasan ako ni King ng gravy sa pisngi?! "Humanda ka sa akin."



And all hell broke loose. Ginaya na kami ng mga kasama ko. Kahit nga si Dan Gab, tuwang-tuwa sa ginagawa niya. Siya ata may pinakamaraming gravy na pinahid sa mukha ko. Ang gagamol tuloy namin.



Tumunog yung cellphone ni King. Ako lang ata yung nakapansin kasi una, katabi ko siya. At ikalawa, may gravy fight pang nagaganap kaya occupied pa yung mga bata kong kasama sa paglalaro.



"Hello, Joana?"



"King!" Narinig ko sa kabilang linya. "Ano? Kamusta yung test? Madali lang ba?"



"Ah. Oo kakatapos ko lang..."



Wala na akong narinig pagkatapos noon. Pakiramdam ko nabagok yung ulo ko at nagising na ako. Oo nga pala, si Joana yung gusto ni King. Siguro seryoso na talaga sila para tawagan ni Joana si King. Oo nga pala, tinulungan ko silang dalawang maging malapit sa isa't isa. Oo nga pala, tulay lang ako. Bakit nakalimutan ko iyon? Bakit nag-assume agad ako na baka kahit konti, konti lang, eh may gusto sa akin si King? Na imposible naman. Assumera kasi ako.



Lumingon ako at nakita ko si Dan Gab na nakatingin sa akin na parang isa akong libro at hindi niya maintindihan kasi Japanese yung nakasulat. Gusto kong matuwa-sa itsura ba naman niyang puno ng gravy ang mukha-pero hindi iyon ang naramdaman ko. Habang tinitignan ako ni Dan Gab, feeling ko, para akong batang gumawa ng mali at pinapangaralan ng mama niya. Para maiwasan ko si Dan Gab, nag-excuse muna ako para linisin yung mukha ko. Nagsi-sabayan na din naman silang lahat.



Ako yung huling nakalabas ng CR. Alam ko sa loob loob ko na ayaw ko nang gumala pa. Gusto ko nang matulog dahil sa pagod na din sa buong araw. Kinuha ko yung cellphone ko sa bag. Tapos tinignan ko para kunwari may binabasa ako. "Guys, nagtext na si Papa. Pinapauwi na niya ako. Pwede ba akong kumuha ng direksyon pauwi? Mauna na ako sa inyo."



"Sasamahan na lang kita," sabi ni Dan Gab kasabay ng pagsabi ni King ng "Sasabay na ako sa iyo."



"Huwag na. Dito na lang kayo. Ayokong sirain yung gala niyo dahil lang sa akin."



"Hindi naman talaga ako dapat gagala ngayon. Inaya mo lang akong sumabay sa inyo kaya ako nandito. Kaya sasabay na ako." Alam kong hindi ko mapipigil si King na sumama sa akin. Kaya pumayag ako.



"Sasama ka ba?" Tanong ko kay Dan Gab.



Parang kidlat ang bilis ng pagkakatayo niya. "Tara na." At hinila niya yung kamay ko, si King nasa likod namin. Under normal circumstances, magpupumiglas ako kay Dan Gab pero hindi ko ginawa iyon.



Umakyat kami sa bus. Swerte kami ngayon kasi may mauupuan na. Doon ako umupo sa three seater. Saka ko lang na-realize na mali pala yung desisyon ko noong tumabi sa akin si King. Akala ko kasi si Dan Gab yung tatabi sa akin. Napunta yung tingin ko kay Dan Gab na nakatayo pa din na akmang uupo na sana. Sa isip ko lang ata ito pero parang kinakagat niya yung dila niya tapos naka-clench yung fist niya. Maya-maya pa umupo na siya.



Ang awkward. Grabe. Walang nagsasalita. Wala naman akong masabi. Kaya sumandal na lang ako sa salamin ng bus. Kahit nga iyon ang awkward ng posisyon ko. Hindi kumportable.



Biglang may nag-angat ng ulo ko at pinatong ni King sa balikat niya. "Sasakit ang leeg mo kapag natulog ka ng ganyan."



Gusto kong tanggalin yung pagkakasandal ko kay King pero wala na akong energy na iangat pa yung ulo ko. Okay, sige na, palusot ko lang iyon. Pero minsan lang mangyari ito...



Patulog na ako nang marinig ko ang boses ni Dan Gab, "Lumayo ka na sa kanya."



"Anong sinasabi mo, Dan?"



"Layuan mo na si Sofia. May girlfriend ka na, King. Huwag ka nang dumikit sa kanya."



"Bakit naman ako lalayo sa kanya? Wala naman akong ginagawang masama ah. At ano naman ang karapatan mong sabihin sa akin 'yan. Ano ba siya sa iyo?" May girlfriend na siya. Si Joana. Hindi niya itinanggi kaya totoo siguro.



"Nililigawan ko siya."



Naramdaman kong gumalaw yung katawan ni King noong tumawa siya. "Nililigawan mo pa lang siya. Hindi mo siya pag-aari."



"Mas lalo namang hindi sa iyo."



Hindi ko na narinig yung sinagot ni King. Naramdaman ko na lang yung sarili kong tangayin ng antok...





• • • • • • • • • • • •



to be continued...


LimerenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon