Papasok na ako sa sasakyan nang bigla ko namang makita si Gwen na naglalakad pauwi.

Kinilala ko pa kung siya talaga. Para kasing nag-iba ang itsura niya. Sobra siyang nangayayat. Kinapalan ko na ang mukha ko, sinalubong ko siya. Baka sakaling matulungan niya ako.

"Gwen." Hinawakan ko siya sa siko.

Gulat na gulat nga siya. Nanglaki ang mga mata. Pero hindi siya nagsalita, kumalas lang agad siya sa kapit ko.

Yumuko ako. Alam kong hindi kami okay at nagkaro'n kami ng kasalanan sa isa't isa, pero kailangan ko siya ngayon. Wala na akong ibang maisip na makakatulong sa 'kin kung hindi siya.

"Si Desa." 'Yon pa lang ang nasasabi ko pero tinalikuran na niya ako agad.

Umikot ako para harangan siya. "Nakikiusap ako, sabihin mo sa 'kin kung nasa'n siya sa Cebu."

Tinitigan niya ako nang matalas. "Pagkatapos ng nangyari sa 'kin, sino ka para makiusap sa 'kin na tulungan ka?"

Natahimik ako ro'n. Umiwas ako ng tingin.

Ba't siya ganito umasta. Kung tutuusin, may kasalanan din naman siya sa 'kin. Hanggang ngayon hindi niya pa rin inaamin kung sino talaga ang totoong nakabuntis sa kanya dati. Hindi pa nalilinis ang pangalan ko. Pero hahayaan ko na. Kung sa 'kin niya gustong ibaling ang lahat ng sisi, sige. Kasalanan ko na lahat.

"Sorry," sabi ko na lang sa kanya. "Alam ko 'yong nangyari sa bata—"

"Please . . ." bigla niyang hinarang ang kamay niya. ". . . wag mong simulang ungkatin pa ang isang bagay na matagal ko nang kinalimutan. Nakakairita lang na ang kapal-kapal ng mukha mo. Nagpapakita ka pa rin dito. Lalapit ka sa 'kin pero hindi para mag-alala sa sinapit ko, pero para pa rin sa kapatid ko. Imbis na nakakaahon na ako nang tuluyan, lumulubog na naman ako, eh. Sabihin mo nga, nananadya ka ba?" Tinalikuran na ulit niya ako.

"Gwen, gusto ko lang makausap nang personal si Desa. Gusto kong malaman kung totoo ba 'yong sinabi ni Karina na may iba na siyang boyfriend."

Natigilan siya sa paglalakad. Humarap siya sa 'kin nang nakangisi. "Si Evo?"

Kumunot ang noo ko.

"Bakit?" Tumaas ang isa niyang kilay. "Hindi ka naniniwala kay Mama?"

"Alam kong hindi 'yon magagawa ni Desa sa 'kin."

Bigla siyang natawa nang mayabang. "Talaga? Bakit Baron, gaano mo na ba katagal kakilala ang kapatid ko? Ilang taon ba kayong nagkaroon ng relasyon at sa tabas ng dila mo ngayon e parang kilalang-kilala mo na siya?" Nag-krus siya ng mga braso. "Sorry, but I know my sister better. Malungkot siyang tao, at bored. Akala niya mahal ka niya pero ang totoo, gusto niya lang talaga 'yong pakiramdam na may nakakapansin sa kanya."

"Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa kanya."

"E kawawa ka naman pala. Nabilog ka niya." Inayos niya ang pagkaka-bitbit sa bag niya. "Wag mo nang sayangin ang oras mo, tigilan mo na ang kapatid ko. Ayaw na niya sa 'yo."

Bago pa siya makaalis ulit, nilapitan ko na agad siya. Hinawakan ko siya sa braso. "Si Desa lang mismo ang pwedeng magsabi kung ayaw niya na ba talaga sa 'kin." Binitiwan ko siya. "Gwen, ikaw na lang ang alam kong pwede kong mahingan ng tulong. Sabihin mo na kung nasa'n siya. Handa akong puntahan siya kahit nasa'n pa siya."

"Pwede ba! Pabayaan mo na nga sa Cebu si Desa! Masarap ang buhay niya ro'n. May trabaho siya at alagang-alaga pa siya ni lola at ni Evo, kaya wag mo na siyang guluhin."

Pumikit ako. "Kung sakali mang ipinagpalit niya na nga talaga ako sa lalaking 'yon, gusto kong malaman kung bakit. Hindi maayos ang paghihiwalay namin, ang dami kong tanong. Kailangan ko ng sagot kung bakit biglang nagka-ganito."

"Naghahanap ka pa ng sagot? Hindi mo na lang ba naisip na ang gago mo at ang sama mong impluwensya kaya ka kinalimutan ni Desa? Sinasabi ko na sa 'yo, walang-wala ka kay Evo. Kaya nga hindi na ako nagtaka na pinagpalit ka ng kapatid ko sa kanya."

"Tama na." Kinuyom ko ang kamao ko sabay tigas ng panga. "Hindi ko gusto na sa 'yo ko naririnig 'yang mga 'yan."

"Eh 'di umalis ka na!"

Lumuhod ako. Dito mismo sa harapan niya. Tangina, ewan ko na kung ano'ng nangyayari sa 'kin. Wala na ako sa sarili. "Hindi ako aalis hangga't hindi ko nakukuha ang kailangan ko."

"T-tumayo ka nga diyan," utos naman niya na hindi ko sinunod.

"Sinabi nang tumayo ka!"

Hindi pa rin ako sumunod.

Hinila niya na lang ako sa manggas ng t-shirt ko patayo. Tapos bigla niya akong sinampal. "Nakakainis ka! Nakakainis ka alam mo 'yon!"

Hinayaan ko kahit masakit. Mukhang kailangan ko 'yon para magising ako. Sinilip ko siya, naluluha na siya sa inis niya. Umiwas na lang ulit ako ng tingin.

"Ginagawa mo lahat ng 'to para kay Desa?" sabi niya. "Nagmamakaawa ka at lumuluhod para lang sa kanya, ha? Baron, maayos na si Desa sa Cebu. Ang swerte-swerte niya na nga doon eh, to the point na hinihiling ko na sana ako na lang ang dinala ro'n, kaysa 'yong nandito nga ako kina Mama pero parang hangin naman ako sa paningin nila. Hindi pinahihirapan doon si Desa. Pinaghihigpitan lang siya nina Mama dahil ayaw nila siyang matulad sa nangyari sa 'kin. Kasi ako, napariwara ako dahil wala namang pakialam sa akin ang mga magulang ko. Tingnan mo, nabuntis ako pero parang wala lang din sa kanila. Sandali lang silang nagalit, tapos wala na. Nakunan na rin ako't lahat-lahat pero hindi ko pa rin nakuha ang buong atensyon nila. Pero si Desa, hindi niya nakikita na sobrang mahal siya nina Papa. Pinrotektahan siya at nilayo sa mga demonyong katulad mo."

Pinahid niya ang mga luha sa gilid ng mga mata niya. Bago pa niya ako tuluyang iwan, tumitig pa ulit siya nang matalas sa 'kin. "Umalis ka na. Ayaw na sa 'yo ng kapatid ko at kahit kailan hinding-hindi mo na siya makukuha. 'Yan ang parusa mo para sa lahat ng mga kagaguhan mo, kaya tanggapin mo at magdusa ka." sabay alis niya.

Sobrang tumagos sa 'kin lahat ng salita niya. Tangina, nang-liit ako. Parang wala na akong mukhang maihaharap kahit na kanino. Kahit na kay Desa.

Hinang-hina na lang din akong umalis at pumasok sa sasakyan.

Pagkaupo ko rito sa loob, hindi ko napigilang mapaluha. Pinahid ko agad ang mga mata ko gamit 'tong leegan ng T-shirt ko. Nakakagago 'tong pakiramdam ko. Sinandal ko na lang ang ulo ko para matigil na ako sa kakaluha. Nilabas ko ang cellphone ko galing sa bulsa. Nag-dial ako ng number bago tinapat sa tenga ko.

Matapos ang ilang ring, sumagot. "Hello?"

Pumikit ako nang madiin. "Mama . . ."

"Baron? Oh, napatawag ka?"

"Ma, hindi ko na kaya. Uuwi na muna ako sa 'yo." 

TLAD: Behind the Tattoos [Companion Book]Where stories live. Discover now