She smiled. "Sige. Hintayin kita."

Diniinan nito ang paghalik sa kanya at hinawakan pa ang batok niya para mas lumalim ang halikan nilang dalawa.

"Uhm..." Napadaing siya sa bibig nito bago pinakawalan ang mga labi niya.

"I love you and I'll be back shortly, okay?"

Tumango siya. "Ingat ka."

"Ikaw rin."

Nginitian niya ito at tiningnan habang naglalakad palabas ng kuwarto nila.

Nang makalabas si Cali, umalis siya sa kama. Magaan ang pakiramdam niya. Hindi mawala ang ngiti sa mga labi niya habang inaayos ang kama at naglilinis ng bahay.

Napatigil lang siya sa paglilinis nang marinig ang pag-iingay ng doorbell. Pinatay muna niya ang vacuum, saka iniwan iyon at nagtungo sa pinto para pagbuksan ang nasa labas.

Nakangiti siya habang naglalakad. Pero nawala ang ngiti na sa mga labi niya nang buksan niya ang pinto at makita si Khatya.

"Hi, Annette." Parang may kabaliwang kislap sa mga mata nito. "Akala mo hahayaan kitang maging masaya?"

Kumunot ang noo niya. Medyo kinabahan siya sa emosyong nakikita niya sa mga mata nito. "Ano'ng kailangan mo?"

Humakbang ito palapit sa kanya. "Akin si Cali. Palagi mong tatandaan 'yan."

Umingos siya. "Kung sa 'yo siya bakit ako ang pinakasalan?"

Mas tumalim ang mga mata nito, nanlilisik. "Kasi inakit mo siya! Pero kami ang nakatadhanang magmahalan!" Para itong baliw na tumawa.

Umirap si Annette sa hangin, saka akmang isasara ang pinto nang biglang may inilabas na baril si Khatya mula sa dala nitong bag at itinutok sa kanya. Doon nalamig ang buo niyang katawan sa takot na lumukob sa kanya. "A-ano'ng..."

Malabaliw ito kung ngumisi. "May lamang bala ang baril na 'to kaya huwag kang lalaban dahil hindi ako mangingiming barilin ka sa ulo."

Napaatras siya at si Khatya naman ay humakbang papasok sa kabahayan.

Abot-abot ang kabang nararamdaman ni Annette habang humahakbang paatras. Nanginginig ang kamay niya sa kaba at takot. Nanlalamig ang kamay niya at parang nanginginig din ang mga tuhod niya.

This was like a déjà vu. Nangyari na ito sa kanya noon!

"Khatya, ibaba mo ang baril na 'yan," sabi niya sa nanginginig na boses. "Baka—"

Mas ipinagduldulan nito ang dulo ng baril sa lalamunan niya. "Manahimik ka!" galit nitong sigaw. "Pinatahimik na kita noon, magagawa ko uli 'yon ngayon." Tumawa ito. "Bakit ka pa kasi bumalik? Kung hindi kita napatay noon, sisiguruhin kong mamamatay ka na ngayon!" Tumawa na naman ito. "Para mawala ka na sa landas namin ni Cali. Kapag wala ka na, mamahalin na niya ako, magkakasama na kami."

Napaawang ang mga labi niya. Hindi siya makapaniwala sa narinig. "Ikaw ang may gawa n'on sa 'kin?" Namuo ang galit sa dibdib niya. "Hayup ka! Hindi kami nagkasama ni Cali ng dalawang taon nang dahil sa 'yong hayup ka!"

Galit na sinunggaban niya si Khatya at pilit na inagaw ang baril na hawak nito. Pero malakas si Khatya. Mahigpit ang hawak nito sa baril at hindi niya maagaw-agaw iyon.

"Hayup ka!"

"Akin si Cali! Akin!"

Patuloy ang pag-aagawan nila ng baril hanggang sa sikuhin nito ang tiyan niya dahilan para bitawan niya ito at sapuin niya ang sinapupunan.

Ang baby niya!

Niyakap niya ang sinapupunan at galit ang mga matang tumingin kay Khatya. "Magbabayad ka sa ginawa mo sa 'min!"

POSSESSIVE 12: Cali SudalgaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon