Chapter 8

13 1 0
                                    

ABALA si Ayumi sa tinatapos na final touches ng iginuhit niya nang umagang iyon. Alam niyang hindi pa niya maiistorbo si Vince sa workshop nito hanggang hindi pa oras ng pagkain nito. Isa pa, ibinaling niya roon ang nararamdamang pag-aalala para sa binata nang mapansin niya ang katamlayan nito. Bagaman sinabi nito na wala namang problema, hindi pa rin siya mapalagay.

Sa katunayan ay gusto na niyang sugurin ang workshop nito at bulabugin ito para lang kumalma siya kapag natiyak niyang wala naman talagang problema ang binata. Pero dahil tinamaan ng hiya at paggalang na rin sa working hours nito sa pagtapos ng obra nito, pinili niyang manatili sa silid niya. Kalaunan ay napatungo siya sa pool area nang maisipang ituloy na lang ang naudlot na sketches niya nang mahulog siya mula sa veranda. Kahit ayaw niya, naaalala niya ang takot na naramdaman noong mga panahong nahulog siya mula roon. If it wasn't for Vince catching her on time, tiyak na siya ang inaalagaan ngayon at hindi ang binata.

Kumunot ang noo niya nang maulinigan ang tila humahangos na kasambahay sa loob. Nang lingunin niya iyon, nagtaka siya sa pagkatarantang nakikita niya sa mukha ni Manang Belen habang palapit ito sa kanya. Inilapag niya sa isang tabi ang sketchpad at lapis na hawak.

"Ano po'ng problema, Manang?" hindi niya napigilang usisa sa babae.

Hinayaan muna niyang makahinga ito nang maayos bago ito nakasagot. "Si Senyorito Vincent, Ayumi! Mataas ang lagnat!"

Bigla ang pagbundol ng matinding pag-aalala para kay Vince nang tuluyang rumehistro iyon sa isipan niya. "Lagnat? Paano ho nangyari iyon? Nasaan na siya? Naroon pa rin ba sa workshop?"

"Binuhat na siya ni Mang Torio papunta sa silid ni Senyorito. Kinakatok ko kasi siya kanina dahil tumawag si Donya Margaret para mangumusta pero walang sumasagot. Nang makita kong hindi naman naka-lock ang pinto, pumasok na ako nang diretso. Pero nakita ko naman na siyang walang malay at inaapoy ng lagnat."

Iyon lang at walang lingon-likod na tinungo niya ang nasabing silid para makita ang kalagayan ng binata. Hindi magkaugaga ang mga maids na naroon sa paghahanda ng mga kakailanganin para mapababa nila ang lagnat nito. Bagaman gusto niyang pagtakhan kung paano nangyaring nagkatrangkaso si Vince, isinantabi na lang niya iyon sa kanyang isipan. Ang mahalaga sa mga oras na iyon ay masigurong gumaling ang kaibigan niya.

Inabot din ng ilang oras na pagpapalit ng basang bimpo at pagpunas sa tumatagaktak na pawis bago nila nagawang mapababa kahit bahagya ang temperatura ni Vince. Pero hindi pa rin kumakalma si Ayumi. She had to make sure na talagang wala na itong lagnat bago pa niya masabing okay na nga ang binata at wala na siyang dapat na ipag-alala. Come to think of it, kailan nga ba huling nilagnat ang lalaking ito noong magkasama pa sila ten years ago?

Grabe, hindi na niya matandaan. Sipunin ito noon, oo. Pero hindi pa niya nababalitaang nilagnat ito nang ganoon. Ngayon lang, kung kailan naman malaki na sila pagkatapos ng sampung taong hindi nagkasalubong ang mga landas nila.

"Ang tindi mo pala pagdating sa pagbibigay ng alalahanin sa akin, 'no, Baby Boy? Kung alam mo lang, hindi ko na makuhang kumalma. Please hear this, Vince. Magpagaling ka na, please. Para sa akin. Ayoko kasing nakikita kang nahihirapan, eh. Mas lalo akong nahihirapan para sa iyo, alam mo ba 'yon? Ganoon katindi ang epekto mo sa akin." Huminga siya nang malalim at hinawakan ang kamay nito. Dinala niya iyon sa mga labi niya at ginawaran ng isang masuyong halik. "I hate it when you suffer like this, Baby Boy. Siyempre, ikaw lang ang nag-iisang Baby Boy ng buhay ko, eh. Kaya handa akong ipagtanggol ka mula noon hanggang ngayon. Simpleng lagnat man ito, you need to overcome this, okay?"

Hay... Bakit ba nakuha pa talaga niyang magdrama? Besides, as if Vince could actually hear it. Pero ano nga kaya ang gagawin niya kung narinig nito ang mga sinabi niyang iyon? How would he interpret it?

✔ | We'll Always Be Each Other's BabyWhere stories live. Discover now