First

7 1 0
                                    



First

Dati, akala ko isa akong protagonist. Kagaya ng mga idol sa TV, ako iyong magaling sa sports, matalino, at kaibigan ng lahat. Katulad sa video games, naisip kong ako ang hero sa totoong buhay at ang mga kaibigan ko ay supporting characters. Mas lumaki pa ang tingin ko sa aking sarili nang makilala ko ang prinsesa ko at sinagip siya.

Hindi, tinangkang sagipin siya.

Simula ng pagkatalong iyon ay dahan-dahan akong ibinalik sa posisyon ko sa mundo. Hindi ako isang importanteng tao, kung hindi isang indibidwal na tumatakbo sa isang 10K school-wide marathon. Sa dami ng tumatakbo ay hindi ko makita ang dahilan kung bakit may nagsisikap pa rin kahit nasa gitna pa kami ng track.

Kagaya ng maliit na iyon.

Nawawalan na siya ng hininga, pero patuloy pa rin sa pagtakbo. Ayun, nadapa siya at dumugo ang binti niya. "Hoy, ayos ka lang ba?" Hindi siya sumagot at tumayo lang para tumakbo muli. Manhid ba siya o hindi niya ako narinig? "Hoy, ano bang ginagawa mo?! Dumudugo 'yang binti mo!"

"Tumahimik ka nga. Pabayaan mo ako." Ganyan ba ang trato niya sa taong nagtangkang tulungan siya?!

Hindi ko siya mapabayaan. "Mas mabuti pang maglakad ka na lang," suhisyon ko. Ako ang nahahapdian sa ginagawa niya!

"Marathon ito. Dapat tumatakbo tayo."

"Hindi naman sa sinasaway kita, pero alam mo namang buong eskwelahan ang tumatakbo, 'di ba?" Hindi siya sumagot. "Ba't mo ba ginagawa 'to?"

Sinabayan ko siya. "Kasi... may gusto akong ma—kita," humihingal na sabi niya. "Pakiramdam ko... hindi ko na siya makikita pa muli kung susuko ako ngayon. Kaya patuloy akong tumatakbo." Mas uunahin niya pa ang taong iyon kaysa sa sarili niya? Nahihibang na ba siya?

Hindi kapani-paniwala pero nakaabot kami sa finish line... at hindi siya huminto kahit saglit. Nawalan siya ng malay at sinalo ko siya. "Anong nangyari?" tanong ng isang kaklase nang nasa bisig ko na siya.

"Hyperventilation. Dalhin ko lang sa clinic."

Pinanood ko siyang natutulog sa infirmary bed. Sa bawat paghinga ay mapapansin ang pagod niya. Kahit nasa 81st siya, namangha pa rin ako sa kanya. Nagsisikap pa rin siya kahit anuman ang place number ang makukuha niya o kung ano ang sasabihin ng iba... Isang bagay na hindi ko magagawa.

Kaya sa mga mata ko kanina, kumikinang siya.

"Nandito ka pa?" tanong ng nurse. "Ako na ang magbabantay sa kanya kaya pwede ka nang bumalik sa klase mo."

"...Okay." Sinulyapan ko muli ang mukha niya. "Ma'am, alam mo ba ang pangalan niya?"

"Let's see. Naalala kong ang pangalan niya ay..."

"Jamie! Jamie Ayento!" Kumaway ako. "Naalala mo ba ako? 'Yung sa marathon 'nung Hunyo?" Hindi ako makapaniwalang makikita ko siya muli rito. Dahil naging busy na ang schedule pagkatapos ng takbong iyon, hindi ko na siya nakita pa muli.

Ilang sandali niya akong tinutukan. "Ah!" Paulit-ulit siyang tumango. "Salamat pala sa tulong mo noon!" Hindi ako makapaniwalang makikita ko siya muli rito. Magkaparehas kami ng kurso at block ngayong college!

"'La 'yun." Umupo sa likuran niya. Noon ko pa talaga siya gustong makilala. Pakiramdam ko kasi magiging magkaibigan talaga kami. "May sasalihan ka bang club?" tanong ko.

Tumalikod siya sa akin. "Hindi." Lumamig ang sagot niya...? Imahinasyon ko lang iyon, hindi ba? Pero mukhang hindi ako nagkakamali. Hindi na kami nagkausap pa muli at sa tingin ko ay nakikipagkompitensya siya sa akin. May ginawa ba ako sa kanya? May hinanakit kaya siya sa akin?

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 03, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Sweet NothingsWhere stories live. Discover now