Unang Bahagi

2.2K 101 14
                                    


Maraming salamat po sa mga naglagay ng kuwentong ito sa inyong reading list at library. Dahil diyan... naipasya kong ihain sa inyo nang buo ang kuwento upang maikuwento niyo naman sa inyong mga anak, pamangkin, apo, etc, bilang bed time story (pampaantok)  :) Ingat po tayong lahat at nawa'y patuloy na ingatan ng ating DIYOS sa lahat ng oras at pagkakataon.

P.S.

Maigsi lang po ito, ha.  :)

To GOD be the Glory!


UNANG BAHAGI

"Tutuloy na po ako, Inay." Paalam ni Gamay sa kanyang ina. Magtutungo siya sa suking panaderya upang kumuha ng ilalakong pandesal.

"Oo, anak. Mag-iingat kang palagi, ha." Nakangiting bilin ni Aling Jesel.

"Opo. Huwag din po kayong magpapagod. Sandali lang naman ako kaya ako na po ang bahalang magtanggal ng mga damo sa ating pananim." Nakangiti niyang sagot at saka ipinagpatuloy ang paglabas ng bahay.

Masigla na siyang nagpatuloy sa paglakad. Habang patungo sa panaderya ni Mang Migo, nananalangin siyang sana ay makaubos uli ng paninda. Gusto niyang makapag-uwi ng bigas at ulam, at kung papalarin, makakapaglagay pa ng ilang sinsilyo sa alkansiya. Patay na ang kanyang tatay kaya gusto niyang tulungan ng nanay niya kahit sa maliit na kakayanan. Ayaw niyang ito ay mapagod at magkasakit tulad ng kanyang tatay.

Isa pa'y hangarin din niyang makaipon ng pambili ng gamit sa pag-aaral. Sa susunod na pasukan ay grade one na siya. Noong una, ayaw siyang payagan ng nanay niya. Pero dahil nangako siyang mag-iingat at hindi lalayo, pumayag na rin ito. Hindi naman siya napapagod. Para lang siyang naglalaro kapag naglalako ng pandesal. Nasasanay pa siyang magbilang dahil sa pagtanggap ng bayad at pagsusukli sa mga bumibili, nakakapamasyal pa sa bukid.

Katatapos lang niyang maghatid ng pandesal sa bahay ng suki nang may mapansin sa gilid ng pilapil.

"Itlog ba 'yon?" Naitanong niya sa sarili. Kamuntik pa siyang madapa sa pagmamadaling makalapit upang alamin kung hindi ba nagkakamali.

Yumukod siya upang mapagmasdang maigi ang bilo habang hugis na kulay puti.

"Itlog nga! Pero bakit ang laki naman?" Muli niyang tanong. Iginala niya ang paningin sa paligid ng bukid. Tumingala rin upang hanapin ang pinagmulan ng malaking itlog.

"Kawawa ka naman. Naiwanan ka siguro dito ng nanay mo. Gusto mo ba isama na lang kita sa bahay namin? Huwag kang mag-alala, ako ang mag-aalaga sa'yo hanggang sa makalabas ka sa bahay mo. Okey lang ba sa'yo?" Tanong niya sa itlog.

Napangiti siya na animo narinig ang pagsang-ayon ng inakay na nasa loob. Maingat at dahan-dahan niyang kinuha sa lapag ang itlog at inilagay sa loob ng basket na dala.

"Dito ka muna sa loob ng basket, ha. Mainit ang pandesal kaya tiyak na hindi ka giginawin," aniya sa itlog habang tinatabunan ng nakabalot na tinapay.

Masiglang-masigla ang pakiramdam niya habang naglalako. Nakasalubong niya ang isang kalaro at buong pananabik na ikinuwento ang tungkol sa napulot. Hindi ito naniniwala kaya pinasilip niya ang loob ng basket.

"Ang laki naman niyan. Baka mamaya itlog pala 'yan ng buwaya." Nahihintakutang sabi ng bata.

"Hindi naman siguro, Buboy. Wala namang buwaya sa lugar natin. Puro bukid ang nakapaligid sa baryo natin kaya paano magiging itlog ng buwaya si Puti." Pagtatanggol niya sa itlog na binigyan na ng pangalan.

Natawa ang kalaro niya, "Bakit puti ang pangalan niya?"

Napakamot siya sa ulo, "E, kasi kulay puti siya."

"Talaga namang kulay puti ang mga itlog, a." Natatawang sagot ni Buboy.

Natawa rin siya. "Tama ka, pero 'yong inahing manok ni Aling Noemi kulay kapeng may gatas ang mga itlog. Batik-batik pa nga, 'di ba? Saka 'yong itlog sa tindahan ni Aling Ga, kulay pula."

Nagkatawanan na silang magkalaro, pagkaraang magpalitan ng paliwanagan.

"Ipaluto mo na lang 'yan sa nanay mo, Gamay. Siguradong maraming laman 'yan, ang laki e. Ilalagay lang 'yan sa inihaw na talong tapos pipirituhin, masarap na ulam na." Mungkahi ni Buboy.

"H-ha?" nasambit niya.

Hanggang sa magkahiwalay silang magkalaro ay iniisip pa rin niya ang mga sinabi nito. Nang maubos ang paninda at maihatid sa may-ari ng panaderya ang pinagbentahan, nagtuloy na siya sa talipapa. Bumili siya ng isang kilong bigas, dalawang latang sardinas at... apat na itlog.

Pagdating sa kanila ay agad siyang nagmano sa kanyang nanay. Napansin ni Aling Jesel ang pananamlay niya. 

"Bakit, pinagtawanan ka na naman ba ng mga kalaro mo?

"Hindi po, Inay."

"Aba e, bakit ganyan ang mukha mo? Nagkulang ba ang bayad mo sa panaderya?" Tanong uli ng nanay niya.

Imbis na sumagot, ipinakita niya ang laman ng basket.

"Ang laking itlog niyan, a. Saan mo 'yan nakuha?"

"Sa bukid po. Kawawa naman po si Puti kaya inuwi ko dito sa atin. Ang sabi po ni Buboy masarap daw po itong iluto sa inihaw na talong kasi maraming laman," malungkot niyang sabi.

Nangiti si Aling Jesel. 

"Kaya ka ba bumili ng itlog para hindi siya ang iluto ko?"

Tumango siya. Hinaplos ni Aling Jesel ang kanyang ulo. 

"Hindi ko siya iluluto kaya lang, paano siya makakalabas kung wala ang nanay niya para magbigay ng init sa kanya?"

"May alam po akong paraan, Inay!" Sagot niya agad at sinabi ang paraang naisip.

"O, sige ikaw ang bahala. May pinaglumaan tayong basket sa likod bahay. Lalagyan lang iyon ng dayami para kahit paano'y hindi malamigan si Puti," nakangiting sabi ng ginang.

Tuwang-tuwang niyang niyakap ang ina. 

"Salamat po, Inay. Iiwanan ko muna sa'yo si Puti. Babalik po ako sa bukid para manguha ng dayami. Sandali lang po ako." Pagkasabi'y nagtatakbo na siya palabas.

TUWING UMAGA ay nag-iiwan si Gamay ng isang balot na pandesal sa basket upang magbigay init sa itlog na napulot. Ngunit sa umaga lang siya nagtitinda , kaya nag-isip siya ng ibang paraan.

Tuwing masikat ang araw, nagbibilad siya ng dayami at inilalagay sa basket na nagmistulang pugaran. Sa gabi naman ay gumagawa sila ng nanay niya ng siga, malapit sa kinaroroonan nito. Matiyaga niyang binabantayan ang alaga sa likod-bahay na pinaglagyan niya ng pugad.

Hanggang isang araw...

"Inay! Inay! S-si Puti po... si Puti po!" sigaw niya.

Agad namang lumapit ang kanyang ina.

"B-bakit? Ano'ng nangyari?" Nag-aalala nitong tanong pagkakita sa nagluluha niyang mga mata.

"S-si Puti po... n-nakalabas na sa bahay niya!" Umiiyak niyang sabi dahil sa labis na tuwa.

Nagluha rin ang mga mata ni Aling Jesel sa nakita. Isang inakay ang kumukislot at nagpipilit humulagpos sa natitira pang balakbak ng itlog.




Ang Higanteng Ibon at Si GamayWo Geschichten leben. Entdecke jetzt