Walang naninirahan na tao sa isla ng Jolif sapagkat nakadisenyo ang lupaing ito para lamang sa mga dragon. Ito ang sanktwaryo ng nasabing nilalang. Ayon sa batas ng Traveil at Realyansa, ang sinumang tao ma ang mahuhuling pupunta sa isla at mangunguha ng dragon ay hahatulan ng kaparusahang kamatayan.

"Ito ang dahilan kaya sa t'wing mayroon tayong pupuntahan ay sa halip na gumamit ng mahika ay mas pinipili ko na tayo'y sumakay sa dragon. Gusto ko kasi na masanay at makampante ka sa dambuhalang nilalang, dapat ay maging isa kayo sa isip at sa gawa."

Naalala na naman ni Ram ang mga sinabi ni Cazmir sa kalagitnaan ng pagtahak sa masukal na gubat.

"Dapat ay maging isa kami sa isip at sa gawa?" Hinihimas niya nang kanang kamay ang ilalim ng baba habang kausap ang sarili. Ang isang kamay naman ay nakahawak sa Rodria na nagsisilbing tanglaw.

Nagtataasang puno na iba't-ibang klase ang hugis at laki, mga baging na nilumot, mga dahong naglagpakan sa lupa, iba't-ibang uri ng halaman at bulaklak at mga huni ng mga mababangis na hayop, kwago, kuliglig at dragon. Iyan ang napansin niya sa paggala sa kagubatan. Malayo pa ang mabatong bundok na minatyagan niya kanina kaya pansamantala muna siyang nagpahinga upang kumain at bumuo ng mainam na plano.

Sa isang malaking patay na puno na nakatumba ng bahagya sa isa pang matayog na puno ay sumilong siya at gumawa ng apoy gamit ang kapangyarihan. Matapos ang labanan na naganap sa Ozhgo ay nag-ensayong mabuti si Ram upang magamit ng maayos ang supramisiang taglay. Sa ngayon, kahit papaano'y marami na siyang natutuhan subalit hindi pa rin ito sapat kung muli niyang makahaharap ang Jinn. "Kailangan ko pang paghusayan ang pag-eensayo," sambit ng isipan niya matapos maalala ang tagpong iyon.

Hanggang ngayon ay kinukumutan pa rin siya ng takot sa t'wing maaalala ang halimaw na nakasagupa sa Ozhgo at muntik ng kumitil sa kanila ni Deitrich. Sa kabilang banda ay nalulungkot at naiinis si Ram sa sarili sapagkat wala siyang nagawa noong mga oras na iyon. "Hindi ako maaaring sumuko kahit anong mangyari." pagpapalakas-loob niya sa sarili bago lumantak ng makakain.

Mag-isang kinain ng binata ang tinapay na nasa supot. Nang maubos ito ay agad siyang uminom ng tubig at saka napasandal sa gilid ng malaking puno. Muling niyang pinag-isipan ang kahulugan ng mga sinabi ni Cazmir, para kasing bugtong ang dating sa kaniya ng mga katagang iyon, "Dapat ay maging isa kayo sa isip at sa gawa."

"Anong gagawin ko kung makakita na ng dragon?" muli niyang kinausap ang sarili. "Hindi naman mabangis ang mga ito kaya mukhang magiging madali lang ang lahat-ang problema ko lang sa ngayon ay paano ako maka-aakyat sa gilid ng mabatong bundok kung saan sila namumugad?" napabuntong-hininga siya. "Sana kasi may katuwang ako-nasaan na kaya ang magandang babaeng 'yon na napakasuplada?"

Namula ang mga pisngi niya matapos maalala ang babaeng protektor, pagkatapos ay umalis siya sa pagkakasandal. Ayaw mang aminin ng binata ay natipuhan niya talaga si Aliyanah sa unang tingin pa lamang, subalit alam ni Ram na hindi siya magugustuhan nito sa kahit anong aspeto, higit pa sa langit at lupa ang lamang sa kaniya ni Zigfred.

Napa-ismid siya, "Anong panama ko sa pinakamakisig na hari?" iwinaksi niya ang mga kakat'wang bagay na naiisip. "Hindi ito ang tamang oras, Ram. Umayos ka!" saka niya binatukan ang sarili. "Aray."

Muli siyang napasandal sa puno at napapikit, doon ay muli ring bumalik sa ala-ala niya ang bilin ng baronprotektor.

"Mas mainam na humanap ng dragon sa hating gabi dahil natutulog ito ng mahimbing sa gitna ng matataas na batuhang bundok. Kaya lang sa oras na magising mo sila ihanda mo na ang 'yong sarili."

Sa pag-iisip ng mga dapat gawin ay hindi namalayan ni Ram na naka-idlip siya. Naalimpungatan siya ng makarinig ng malakas na huni. Matapos mag-ayos ng sarili ay mabilis siyang lumakad at sinundan ang pinanggagalingan ng ingay.

Alam ni Ram na huni ito ng isang dragon, subalit mas malakas at nakakatakot ito kung pakikinggan. Ang alingawngaw ng nakabibinging tinig nito na parang humihiyaw ay tila ba nagbibigay takot sa mga iba pang nilalang na nasa isla. Napansin iyon ng binata sapagkat habang nangyayari iyon ay nasaksihan niyang nagtatakbuhan ang ilang kuneho, usa, unggoy at iba pa.

Ilang saglit ay humina ang huni kaya minadali ni Ram ang pagsunod dito hanggang sa dalhin siya ng kaniyang mga paa sa tabing ilog. Eksakto na pagdating doon ay nawala na ang ingay.

Mula sa kinatatayuan ay natanaw ng binata ang malinis na kalangitan. Walang ulap na tumatakip kaya nangningning ang buwan at mga bituin. Bumanda ang liwanag nito sa tubig kaya mas naulingan ang malinis at payapang daloy ng ilog.

Sinundan niya ng tingin ang direksyong patutunguhan ng agos. Doon ay napansin ng protektor na ang daloy nito ay papunta sa paanan ng mabatong kabundukan na pupuntahan niya kaya naman nagtuloy na siya sa pagbagtas ng daan sa tabing-ilog.

Ilang kilometrong lakaran bago tuluyang narating ni Ram ang paanan ng mabatong kabundukan. Huminto siya pansamantala upang sundan ng tingin ang dinadaluyan ng tubig-ilog na patungo sa isang yungib na nasa hindi kalayuan. Doon na nasipat si Aliyanah na nakatayo sa trinsera ng kweba.

"Anong ginagawa niya at bakit siya nakatayo sa bukana ng kweba?" may kalituhang tanong ng binata sa sarili.

Tatawagin at lalapitan niya sana ang dilag subalit mabilis itong pumasok sa loob at naglaho sa kadiliman. Naiwan na naman siyang nag-iisa.

"Siguradong may nakita siyang dragon sa dakong iyon," kumbinsido niyang anas saka tumakbo papasok sa madilim na kweba.

Sa trinsera pa lamang ay inilabas na niya ang Rodria upang gumawa ng liwanag na magsisilbing tanglaw sa loob. Hindi siya sigurado kung mainam na ideya ang gagawing iyon subalit mas naunahan ng pagkamausisa ang kaniyang isipan.

Nais malaman ni Ram ang dahilan ng pagpasok ni Aliyanah sa kweba. Maaaring panganib ang naghihintay sa dulo niyon subalit mas nanaig pa rin sa binata ang pagnanais na matunghayan ang mga hakbang na gagawin ng babaeng protektor. Isa pa nais niya rin makita kung paano ito makipaglaban, maaaring makatulong iyon sa kaniya kung sakali.

Namangha si Ram ng makita ang loob ng kweba. Malawak kasi ito na hindi pansin mula sa labas. Sa gitnang bahagi ay umaagos pa rin ang malinis na tubig patungo sa kung saan. Nang lumingon siya sa itaas ay tumambad ang mga matutulis na batong naukit dahil sa mineral sa loob ng yungib, may pangilan-ngilan uri ng mga bato na nagkikislapan sa t'wing bumabanda ang liwanag galing sa Rodria. Dahil naman doon ay nagbubulahaw ang mga paniki na nakapwesto sa itaas ng kweba sapagkat nasisilaw ang mga ito sa liwanag na gawa ng mga nagkikislapang bato.

Nagpatuloy sa paglalakad ng tahimik ang binata upang hindi siya mapansin ng kahit anong nilalang na nasa kweba. Hindi niya maaninag si Aliyanah sa harapan o maging ang tanglaw ng Rodria nito ay hindi mabanaag. Na tantya ng binata ay malayo na ang agwat nila.

Nang nasa kalagitnaan na ng kweba ay nakarinig siya ng tila rumaragasang tubig. Hindi nga nagkamali si Ram, may mababang talon sa loob ng yungib. Pagdating sa hangganan ay inalis na niya ang liwanag ng Rodria matapos mapansin sa ibaba ng talon ang maliit na bahagi ng liwanag.

Nang silipin niya iyon ay nakita niya si Aliyanah na hawak ang Rodria nito at nakaharap sa isang dambuhalang nilalang.

"Ano ang isang iyan?" may pagtataka niyang sambit. "Dragon?"

Hindi na halos natapos ni Ram ang sasabihin sapagkat mula sa kanang bahagi ay narinig niya ang isang kakakikilabot na huni. Ito ang huning narinig niya noong nasa labas pa lamang ng yungib. Nangangalit ang mga ngipin nito na nagbabadya ng matinding panganib.

Naramdaman ng binata ang amoy asupre nitong hininga matapos magbuga ng hangin pagkatapos ay nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.

Nang humarap si Ram ay tumambad sa kaniya ang kaparehong nilalang na kasalukuyang kaharapan ngayon ni Aliyanah. Napansin niya na nakanganga na ang dambuhalang nilalang at may kung anong nagbabagang bagay ang naiipon at nagbabadyang kumawala sa lalamunan nito. Hindi nagtagal ay mas lalong tumindi ang amoy ng asupre at nang maunawan ni Ram kung ano bagay na iyon ay huli na ang lahat. Nakapagbuga na ito ng apoy na direktang tumama sa kinaroroonan niya.

Isang malaking pagsabog ang naganap.

THE REALMS 1 [Unedited.Completed]حيث تعيش القصص. اكتشف الآن