"Maghanda kayo, isa itong patibong!" bulalas ni Cazmir dahilan upang maging alerto ang mga kasama niyang kawal.

Pumorma na rin siya ng pagdepensa. Gamit ang Rodria ay nagpalabas ang baronprotektor ng asul na zirculo sa paanan ng mga kasamahan.

"El Arma!"

Pagkasabing iyon ay binalot ang mga sundalo ng asul na enerhiya. Kasunod din noon ay ang paglabas ng limang blackamoorluna na nasa loob ng kulungan.

Nagkaniya-kaniya ang kalaban sa paglusob. Lima laban sa lima.

Mabilis na umatake ang isa kay Cazmir. Muli itong nagpalabas ng itim na bolang enerhiya at magkakasunod na itinapon sa kaniya.

Napapahawi ng buhok ang baronprotektor habang iniiwasan ang mga pag-atake. Panay din ang sulyap niya sa mga kasama na kasalukuyan din na nakikipagsagupa.

Sa bawat pag-iwas niya sa mga bolang enerhiya ay sinusundan ito ng maliliit na pagsabog. Nang makakuha ng tyempo ay mabilis siyang nagwika ng salamangka gamit ang Rodria.

"Claudicatis!'

Nagkaroon ng puting zirculo sa paanan ng kalaban dahilan upang hindi ito makakilos. Muling nagpalabas ng puting zirculo si Cazmir sa kanang kamay upang tapusin na ang kaharap nang bigla itong nakapuslit sa kaniyang kapangyarihan.

Nabasag ang puting zirculo na nasa paanan ng kaniyang kasagupa na bahagya niyang ikinagulat. Hindi siya nagpalahata at muling iniangat ang Rodria para sana muling magbigkas ng mahika kaso lang ay magkakasunod na tumama sa baronprotektor ang limang bolang enerhiya.

Nabalot siya ng makapal na usok matapos ang pagsabog. Dahil doon ay napangiti ang kalaban saka tumalon at pumwesto sa bubungan ng karwahe.

Hindi pa man nawawala ang usok ay may asul na liwanag nang lumitaw mula roon at bumulusok patungo sa kalaban.

"Seliumarius!"

Nabalot ang paligid ng kalaban ng asul na zirculo kaya hindi ito nakakilos. Sinubukang kumawala ng lalaki subalit bigo siya.

Nang mawala ang usok na bumalot kay Cazmir matapos ang pagsabog ay tumambad ang itsura nitong nagkaroon ng kaunting galos. Iniangat niya ang rodria gamit ang kaliwang kamay habang nakatutok sa kalabang hindi na makagalaw. Pagkatapos ay inilahad ng lalaki ang kanang kamay at mula roon ay lumitaw ang asul na zirculo.

"Det!"

Mula sa zirculo ay lumabas ang asul na usok na kalaunan ay naghugis sa daan-daang patalim at mabilis itong tumungo sa kalaban. Sa dami ng patalim ay wala ng mapaglagyan ang katawan ng blackamoorluna. Ilang saglit pa ay bumagsak ang lalaki sa lupa na wala ng buhay habang ang mga patalim ay nagsa-usok muna bago maglaho.

Nang makitang bagsak na ang kalaban ay agad niyang tinungo ang ilang kasama na nakikipagsagupa pa rin sa mga blackamoorlunang mayroong mahika.

Mabuti na lamang ay nalagyan niya kanina ng engkantasyon ang mga kakampi kaya nakatagal ang mga ito.

Matapos naman mapatumba ng kalaban ang dalawang kawal ay bumaling ang mga ito kay Cazmir.

Sabay na naglahad ng kamay ang dalawa at mula sa kanilang harapan ay isang malaking itim na zirculo ang lumabas. Mula sa zirculo ay marahang lumitaw ang napakalaking itim na bolang enerhiya. Nang makumpleto ang hugis ng bilog ay mabilis itong bumulusok sa baronprotektor.

Lahat ng daanan ng kapangyarihang itim ay halos matunaw kaya umisip ng magandang paraan si Cazmir. Nagpalabas siya ng puting zirculo sa Rodria at sa kanang kamay. Naging asul ang mga ito ng bigkasin niya ang salitang "Elboud".

THE REALMS 1 [Unedited.Completed]जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें