Ikawalong Kabanata

67 7 1
                                    

VONN



Milagro raw ang nangyari kay Friedrich.

At totoo naman ito. Doktor na mismo ang nagsabi na wala ng pagasa ang asawa ko dahil bugbog na ang katawan niya at 'di na kakayanin pa na suportahan ang buhay. Kumbaga, isang pitik na lang ay mawawala na siya nang tuluyan sa mundo. Kaya hindi makapaniwala ang doktor sa nangyari sa asawa ko. Biglang naging maayos ang kalamnan niya na parang hindi siya naaksidente; bigla siyang lumakas na parang walang nangyaring masama sa kaniya. Kaya pinalabas na siya ng doktor sa ospital makalipas ang tatlong araw dahil wala ng dahilan para mamalagi pa siya roon.

Matapos lang ng isang buwan, naghilom na rin ang sugat niya sa katawan at lumabas na muli ang Friedrich na dati kong nakita, minahal, at pinakasalan. Hindi naman sa hindi ko na siya mamahalin dahil nag-iba na ang itsura niya dahil sa aksidente, pero ang paglaho ng mga sugat niya ay senyales na bumabalik na ulit kami sa dati, na nagiging maganda na ulit ang lahat.

Ang kaibahan lang ngayon, hindi na ako papayag na mawala pa siya sa akin. Babantayan ko na siya bawat segundo kung kinakailangan. Nagpaalam ako sa boss ko at pumayag naman siya na sa bahay na lang ako magtrabaho matapos ang nangyari sa asawa ko at dahil malapit na ring ipanganak ni Alex ang baby namin. May kaltas nga lang sa sweldo ko – 'yong porsyento ng supervisorial kong trabaho – pero hindi rin naman gano'n kalaki ang kawalan. May mangilan-ngilang araw rin akong kailangan pumunta sa opisina para magpasa ng disenyo o para sa mga meeting, pero isa o dalawang beses lang ito sa isang linggo.

Kaya ngayon, pinagsasaluhan na namin ni Friedrich ang bigat ng pag-aalaga sa buntis. Hindi ko na rin pinapayagang umalis ang asawa ko ng mag-isa Kailangan kasama niya ako kung lalabas man siya sa bahay, kahit na sa palengke lang siya pupunta o sa tinda-tindahan sa kabilang kanto. Ayokong malingat na naman ako ng saglit at bigla na naman siyang mawala. Baka hindi na ako mabigyan pa muli ng pagkakataon na makasama siya.


* * *


Setyembre ng manganak si Alex.

Hindi na pumasok si Friedrich sa loob ng delivery room dahil ayaw niyang makakita ng dugo. May mga pagkakataon talaga na ganyan siya, lalo na kapag hindi niya inaasahang makakita ng maraming dugo. Madalas naman ay ayos siya dahil nakakapanuod nga siya ng madudugong palabas at pelikula – pero may limitasyon na siya lamang ang nakakaintindi. Kahit ako, nalilito pa rin sa kaniya.

Mangiyak-ngiyak ako ng lumabas na sa sinapupunan ni Alex ang bata. Dahil mukhang hirap pa si Alex na kumilos at dahil naghahabol pa siya ng hininga, ako na muna ang unang bumuhat sa munting paslit pagkatapos siyang punasan ng nurse at ibalot sa isang puting lampin.

Agad akong lumabas, nang may permisyon mula sa nurse, para ipakita ang anak namin kay Friedrich.

"Look," halos pabulong kong sambit. May kung anong nakaharang sa lalamunan ko kaya hindi ako makapagsalita ng maayos. "H-He's beautiful."

Pareho kaming natawa ng mahina ni Friedrich nang ginalaw-galaw ng bata ang kaniyang kamay at paa na parang may sinusuntok at sinisipa na kalaban.

"He's not crying," mahina na pagkakasabi ni Friedrich, ayaw gambalain ang bata sa kaniyang pagsasayaw.

Inilapit niya ang kaniyang hintuturo sa mukha ng bata, pero bago pa man ito dumikit sa pisngi nito ay nauna ng hawakan ito ng anak namin. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa kaniyang mga mata na isa-isang nagsimulang tumulo.

PahiramTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon