Kung Paano Mo Naalalang Nakalimot Ka

186 6 4
                                    

Napakalalim ng bawat apak, bawat lapag at bawat bakat ng iyong mga paa sa lupa.

Dahil kailangan mo siyang abutan...

Kanina pa kumagat ang dilim. Hindi mo man makita nang maayos ang daan, takbo ka pa rin nang takbo na para bang hindi ka sinasapian ng kahit katiting na kapaguran.

Dahil kailangan mo siyang pigilan...

Dikit-dikit ang mga sasakyan kaya nakuha mong ipitin ang sarili mo nang ilang ulit para lang magkasya sa pagitan ng mga ito. Hindi mo ininda ang bawat sugat na iyong natatamo mula sa mga nasasagi mong parte ng makina, o 'di kaya ay ang pagkapunit ng ilang bahagi ng sleeves ng suot-suot mong unipormeng pang-trabaho.

Dahil kailangan mo siyang panagutan...

Ilang butil ng pawis na nga ba na may kahalong luha ang gumihit mula sa iyong mukha pababa sa iyong katawan? Bilang mo ba sila? Halos mapigtas na ang mga ugat na nakakapit sa iyong puso sa sobrang bilis ng tibok nito. Pero wala kang pakialam. Patuloy ka pa rin sa pagtakbo.

Dahil kailangan mo siya...

"Manong! Sandali lang!"

Hindi mo pa natatapos bigkasin ang mga salitang iyon ay dali-dali ka nang pumasok sa loob ng bus. Alam mong ito iyon, alam mong narito siya. Masyadong mahigpit ang pagkakabigkis ng puso mo sa puso niya para magkamali pa ito ng dikta. Hindi mo mapigilang mangalumata at manghina sa ideyang napakalapit lang niya sa 'yo.

Pero kailangan mong maging malakas para sa kaniya.

Siniksik mo ang iyong sarili sa bungkos ng kumpol-kumpol na mga tao, sinuyod ang kalagitnaan ng nakatayong mga nilalang. Hanggang sa makita mo ang napakaganda niyang mga mata.

Hindi ka nakahinga sa loob ng limang segundo.

Sa pagkakataong ito, magiging matapang ka na para sa kaniya.

Sa pagkakataong ito, hindi mo na siya pakakawalan pa.

Sa pagkakataong ito, hindi mo na iintindihin pa ang sasabihin ng iyong mga magulang at kapatid na pare-pareho lang umaasa sa araw-araw mong kinikita. Balewala na sa iyo kung magagalit man silang nakabuntis ka na kahit katatapos mo pa lang sa kolehiyo, ilang buwan ang nagdaan.

Hinawi mo ang mga taong nakaharang sa babaeng naka-uniporme at nakatayo sa 'di kalayuan. Iniangat mo sa ere ang iyong mga kamay, akmang dadakmain nang marahan ang kaniyang balikat. Ngunit kung kailan abot-kamay mo na siya, biglang yumanig sa loob ng bus at bumagsak ang lahat sa sahig... kabilang siya.

Tumigil ang oras sa pagpatak.

Nawala ang lahat ng ingay sa kapaligiran.

Nawala ang lahat ng kulay sa kahit saan.

Puwera ang pula.

Nanginig ang kabuuan ng iyong mga laman nang nakita mong gumagapang ang pulang likido mula sa kaniyang palda papunta sa I.D. niya.

SHARMAINE DELA CRUZ

GRADE 5-MANGO

STA. ISABEL ELEMENTARY SCHOOL

Sa gitna ng sandaling pahinga mula sa kapagurang binuno mo kani-kanina lang, sa gitna ng pagkaluray ng sinasakyan mong bus dahil sa pagkakabangga rito ng isang truck, at sa gitna ng tuluyan mong pagkawala sa katinuan nang rumehistro sa iyong isipan ang kinahantungan ng iyong mag-ina, pakiramdam mo ay tumigil sa pag-ikot ang mundong iyong ginagalawan.

Anong nangyayari?

O ang mas inosenteng tanong, bakit ngayon pa?

Bakit ngayon pa humahantong sa ganito ang lahat? Bakit ngayon pa kung kailan malapit mo nang mabuo muli ang mga dinurog mong parte niya? Bakit ngayon pa kung kailan malapit mo nang maitayo muli ang mga binuwal mong haliging minsan niyang sinandalan at pinagkatiwalaan? Bakit ngayon pa kung kailan malapit mo nang maituwid ang mga nalukot mong bahagi ng kaniyang pagkatao?

FINAL I: THE JOURNEY BEYOND SEVEN GATES OF HELLWhere stories live. Discover now