Haraya-Manawari

181 8 3
                                    

Narating na namin ang Ilog ng Haraya. Patungo ito sa pinto ng tagumpay kung saan walang kasiguraduhan ang naghihintay sa amin. Sa mga digmaang kinaharap namin, walo kaming natira para magpatuloy sa paglalakbay. Ang tanging paraan lang para kami'y makatawid ay gamit ang Manawari—ang tren na may walong bagon. Nagsisimula ang riles sa lupang itim ang kulay, tungo sa Ilog ng Haraya na hindi na maaninag pa ng mga mata ang dulo.

"Sa ilang saglit lamang ay aandar na ang Manawari. Kung maaari lamang ay ihanda na ang inyong mga sarili."

Lumakad na ako sa ikaunang bagon. Naliliwanagan ng pulang ilaw ang buong tren. Amoy na amoy ko ang kalawang na lumalamon dito. Nang bumukas ang pinto, umalingawngaw ang paglangitngit nito.

Ito na. Dito na magsisimula ang tunay na laban. Pumanhik na ang pito ko pang kasamahan sa kani-kanilang mga bagon. Mahigpit kong hinawakan ang panulat na sa buong paglalakbay ko ay kasa-kasama. Inilabas ko ang papel sa pagtala ng mga kaisipang makasasalubong ko sa pag-andar ng Manawari. Marahan akong pumanhik sa unang bagon. Sa pagsara ng pinto, yumanig pa ang buong Manawari.

"Ihanda ang mga sarili para sa paglalakbay. Ihanda ang sarili para sa paglalakabay."

Umupo ako sa itim na upuang gulanit na ang tela. Tinanaw ko ang bintana sa aking kanan, ngunit pawang kadiliman lamang ang bumabalot sa buong lugar. Maliban sa Manawari, na tila may kakaibang liwanag na sa kanya lamang nananatili.

Umabante na nga ang Manawari. Dinig na dinig ko ang pagngarag ng makina at ang pagkiskisan ng mga bakal. Muli akong sumulyap sa bintana. Napamulagat ako sa paggalaw ng Ilog ng Haraya. Sa bawat paggalaw ng tubig ay siyang pagliwanag nito at paglabas ng mga larawang bumubuo ng kaisipan sa aking utak. Mga ideya! Agad kong itinatala sa aking papel ang bawat larawang ipinapakita ng ilog. Diwata, halimaw, magkaibigan, kalikasan, kamatayan, trahedya. Iba't ibang ideya. Iba't ibang paksa.

Sa pagtitig ko pa sa nagliliwanag na tubig, isang malakas na asul na liwanag ang sumilaw sa akin. Saglit lang iyon at nawala rin agad. Hinanap ko siya sa ilog ngunit puro larawan lamang ang ipinapakita nito.

"Ihanda ang sarili! Ihanda ang sarili! Ang Ahas ng—"

Hindi ko na narinig ang sinasabi ng tagapag-anunsiyo. Napaigtad ako nang lumabas mula sa ilog ang isang nagliliwanag na ahas. Kulay asul! Patungo ito sa aking bagon, hanggang sa tumagos at lamunin ako. Sandali akong nasemento sa kinalalagyan ko. Habang lumalakbay ang ahas sa buo kong katawan, sari-saring konsepto ang nabubuo sa utak ko. Napakarami. Napakamalikhaing mga konsepto. Asul na liwanag lamang ang nakikita ng mata ko, pero ang utak ko, ang aking imahinasyon, liglig sa larawan.

"Ang Ahas ng Konsepto ay nariyan na." Narinig ko na nga ang sinasabi ng tagapag-anunsiyo.

Sinubukan kong sundan ng tingin ang Ahas ng Konsepto, pero mabilis itong lumusong muli sa Ilog ng Haraya at muling naglaho. Agad kong itinala ang lahat ng nakita ko. Punong-puno ng konsepto at ideya ang Ilog ng Haraya. Mas umigting ang kagustuhan kong marating ang dulo nito.

Samot-sari pang mga larawan ang ipinapakita ng tubig sa ilog. Hindi naglalaho ang mga liwanag na inilalabas ng ilog sa tuwing gumagalaw ang tubig nito. Tiningnan ko ang papel na hawak ko, marami na pala akong naitala. Kailangan kong makabuo ng kuwento gamit ang mga ideyang naitala ko sa paglalakbay ko sa Ilog ng Haraya bago pa man makarating ang Manawari sa dulo nito.

Nakuha ng pagtilamsik ng tubig ang atensiyon ko. Pagsulyap ko sa bintana, isa na namang kakaibang senaryo ang ipinamamalas ng ilog. May mga maliliit na isda ang nagliliwanag sa ilalim, sinusundan ang mabilis na pag-andar ng Manawari. Nakita ko ang pagtalon ng isang isda at paglubog muli nito sa ilog. Bawat pagtilamsik ng tubig ay sumasabog ang iba't ibang mga salita: sa, na, akin, ka, tagumpay, sari-saring mga salita. Nagliliwanag, hanggang sa muling maglaho. Hindi ko na nagawa pang itala ang mga salitang ito, pero...sunod-sunod pang nagsiluksuhan ang ibang mga isda. Bawat paglubog sa ilog ay kapalit ang mga salitang unti-unting nagbibigay sa akin ng ideya.

FINAL I: THE JOURNEY BEYOND SEVEN GATES OF HELLWhere stories live. Discover now