Awit ng Katotohanan sa Likod ng Catharsis 2

250 9 4
                                    

"Mandirigma rito sa loob ng pinto

Ika'y narito't saan ba patutungo?"

Mataman kong inilibot ang aking paningin sa paligid at pilit inaaninag ang lugar na kinaroroonan para sa kahit ano na maaring maging senyales ng buhay na pinanggagalingan ng boses na kanina ko pa naririnig. Ngunit wala akong nakita na kahit ano. Ang tanging nababagtas lang ng aking mga mata ay ang walang katapusang kadiliman, mula sa hilaga, maging sa kanan man o kaliwa.

Sa pagkakataong ito ay ipinikit ko ang aking mata at sinubukang pakiramdaman ang paligid habang iniisip na marahil ay nililinlang ako ng aking nakikita. Subalit tulad kanina ay wala pa rin akong nararamdaman na kakaiba maliban sa lamig na yumayakap sa'king pagak na katawan. Ito ang uri ng lamig na unti-unting nanunuot sa balat hanggang sa kaibuturan.

Tanging ang pagsalpok lang ng tubig ng ilog sa sagwan at sa bangka na kung saan ako nakalulan ang maririnig. Bukod dito ay wala na; isang patunay ang lugar na kinaroroonan ko'y...patay na.

"Nilalang na may pumipintig na puso

Kamay mo'y nariya't may bahid ng dugo"

Agad akong napamulat at halos ay mapatayo sa aking kinatatayuan nang muling marinig ang boses na iyon.

Kaparehong malamyos na boses, nakakahalina...nakamamatay...

Kung kanina ay marahan akong tumingin sa paligid, ngayon ay marahas ko nang hinagod ng tingin ang lugar. Sinipat at pinakiramdaman ang kadiliman na yumayakap sa akin; ang kadiliman na ngayon ay tila may mga libu-libong mata na nakatuon sa'kin. Sinusuri, kinikilatis at inoobserbahan. Bagama't hindi nakikita ay tila nakangisi ang mga ito, nagugustuhan ang takot na mababakas sa'king mukha, naririnig ang malakas na pintig ng puso at nararamdaman ang nanlalagkit na kamay dahil sa hilakbot na nararamdaman.

"Pakinggan yaring awit at huwang matakot

Sapagkat tawag namin, iyong sinagot."

Tulad ng isang senyales, isang malakas na hampas ng tubig ang humataw sa'king sinasakyan. Halos mabuwal ako sa'king kinatatayuan kung hindi ako nakahawak agad sa magkabilang gilid nito. Patuloy ang hagupit ng tubig at patuloy din ang paghigpit ng aking kapit.

Pero tila pinaglalaruan; isang nakakasulasok na amoy ang kumalat sa paligid. Isang amoy na animo'y nagmula sa pinaghalo-halong basura, naaagnas na katawan at mga sugat na nagsasarnak. Isang amoy na may nakakadiring hilatsa.

At mula rin sa kawalan, mga nakabibinging boses naman ang maririnig. Mayroong naghihinagpis, pumapalahaw, nagtutungayaw habang nanlilimahid sa sakit.

Nakakarindi.. nakakabingi.

Gustong-gusto kong takpan ang aking ilong at bibig dahil sa nagbabadyang pagbaliktad ng aking sikmura. Gayun na rin ang pagtakip sa'king tainga dahil sa nakabibinging mga boses na aking naririnig. Gusto kong gawin kahit ang isa man lang sa mga iyon para ibsan ang hirap na nararamdman, subalit hindi ko magawa.

Ang mga kamay kong nakakapit sa bangka, ang tanging dahilan kung bakit hindi ako nagagawang itilapon nang naghihimagsik na tubig patungo sa ilog ng kawalan.

"Ayoko na! Tama na!"

Ang pumipiyok kong boses, ang agos ng luha at sipon sa aking mukha ang nag-ani ng isang bago ngunit pamilyar na halakhak mula sa niulalang na hindi ko inaakala.

"Ikinagagalak kong makilala ka, magiting na mandirigma."

Mula sa'king harapan, ang nilalang na kanina'y walang mukha, gamit ang kaniyang mga kamay ay unti-unting humulma ng mukhang tulad sa isang tao...tulad sa isang babae. Ang kanyang buhok ay ay nagtataglay ng kulay na wala ang mundong ito; ng payapang kaparangan...ang kulay ng luntian.

FINAL I: THE JOURNEY BEYOND SEVEN GATES OF HELLWhere stories live. Discover now