LINLANG

49 4 1
                                    

Sa matuwid na daan ikaw ay naglakad patungo sa 'di makitang hinaharap. Nakatuon lamang ang iyong mga mata sa malawak na kawalan, at habang ikaw ay naglalakbay ay may tatlong higanteng uwak na sa 'yo ay sumabay.

Sa una'y nahintakutan ka at naguluhan. Hindi mo malaman ang gagawin. Ngunit ng sila'y magsalita at ngumiti, nalusaw ang agam-agam sa puso at agad mo silang pinagkatiwalaan.

"Maaari ka ba naming tulungan sa iyong mga dalahin kaibigan?" sambit ng isa. Dagli mo itong pinaunlakan at ang mga dala'y agad mong ibinigay ng walang pag-aalinlangan.

"Maaari ka din ba naming ihatid sa iyong paroroonan?" turan ng isa pa. Sumang-ayon ka at hindi na nagdalawang isip pa.

"Kung iyo ring mamarapatin, bibigyan ka namin ng konting makakain." wika ng isa pa. Hindi ka nag-atubili at tila natuwa pa.

Walang pagsidlan ang iyong galak sa mga bagong kaibigang iyong nahanap. Hindi mo alintana ang kapaguran 'pagkat nalilibang ka sa iyong mga kasamahan. Ngunit habang ikaw ay nasisiyahan, sa likuran mo nama'y may kung anong kababalaghan. Mga bagong kilalang kaibigan ay may balak pa lang gawan ka ng kasamaan.

Hindi mo namalayang ika'y kanilang nililinlang. Kabaitang taglay ay pawang kasinungalingan. Kinuha lamang ang iyong loob upang sa plano nila'y ika'y magpatianod. Habang ikaw ay masaya, sila rin ay tumatawa 'pagkat alam nilang ika'y hulog na hulog na sa patibong na kanilang ginawa. Tulad ng kulay ng kanilang balahibo, budhi nila'y walang kasing itim. Uwak na matalino pa sa matsing, umaatake ng hindi mo napapansin.

Sa una sila'y nagpakabuti, halos lahat ng ibig mo'y kayang ibigay. Umarteng tila sila'y napakabait husto palang sila'y mga ganid. Kung makiharap sila'y nakangiti, tila ang uwak ay biglang pumuti. Mistulang anghel na pagkadakila, balat kayo lang pala ang lahat ng ipinakita.

Hindi napansing ikaw na pala'y nag-iisa habang sila ay pinagkakaisahan ka. Uwak na itinuring mong kaibigan at nagbigay kaginhawaan ay ang siya rin palang magiging dahilan ng iyong kahirapan. Unti-unti nilang kinuha sa 'yo ang lahat, kulang na lang ika'y maglakad na suot lamang ang iyong balat. Sa huli, naiwan kang lumuluha sa tabi dahil huli na ng iyong matanto ang kanilang pagbabalat kayo.

................

Another photo interpretation featured in KLPP PRODUCTION.

-adry

My Stories to TellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon