TAMBAKAN

652 5 1
                                    

Genre: Non-fiction

Marumi, mabaho, at sadyang napakaraming basura ang iyong makikita. Isang lugar na kung saan maraming tao ang umaasa. Isang lugar na siyang sagot sa kumakalam na sikmura ng mga matatanda at bata. Isang lugar kung saan nabubuo ang pangarap ng ilan. Isang lugar na kung tawagin ng karamihan ay "Tambakan".

Hindi lingid sa ating kaalaman na may mga taong nabubuhay sa pangangalakal, ngunit magkagayon pa man, kasabay ng kanilang pagbubungkal sa tambakan ay ang pangarap na makaahon din sa kahirapan. Isang pangarap na para sa kanila'y imposible dahil ni pagkain nga sa mesa'y wala silang sapat na pambili. Natatandaan ko pa noon na may isang batang lalaki na sa akin ay lumapit. Sa laylayan ng aking damit siya ay nangunyapit. Inis ko siyang hinarap pagka't damit ko'y narumihan, imbis na bigyan ng makakain ay akin siyang ipinagtabuyan. Tumingin siya sa akin na may lungkot ang mga mata, at ang pagkainis ko'y bigla namang nawala. Narinig ko kasi ang kaniyang tiyan, nagngangalit ito sa kadahilanang walang laman.

Dumukot ako ng ilang piso sa aking bulsa at sa kaniya'y iniabot at pagdaka'y aking itinanong, "Nasaan ang mga magulang mo?" Ngunit sa halip na siya'y tumugon, tumingin lang siya sa akin at ang sabi niya'y, "Wala na po sila. Nagkaguho po kasi dito sa tambakan, natabunan po sila."

Napatitig lamang ako sa kaniyang mukha. Napakabata niya pa para makipagsapalaran sa mundong napakagulo. Napaisip ako, habang ako'y nakakakain ng higit pa sa tatlong beses sa isang araw, heto't may mga ganitong tao na kung minsa'y hindi kumakain ng wasto at lumalaboy sa lansangan pagka't wala silang bahay na masisilungan. Habang ako ay nagpapakasarap, mayroong mga taong sadyang naghihirap.

"Wala ka bang ibang kamag-anak?" Muli kong tanong sa kaniya. "Mayroon, kaso salbahe kasi yung tiyahin ko eh. Binubugbog niya kami ng kapatid ko." Sagot niya na parang napaka-kaswal lamang niyon sa kaniya.

"Bakit naman? Hindi ka ba pinag-aaral ng tiyahin mo? Hindi ba dapat nasa eskwelahan ka at nag-aaral?" tanong kong muli sa bata.

"Eh kasi pinagpapalimos niya kami, tapos kapag wala kaming pagkaing dala pag-uwi, gulpi kami. Saka hindi kami pag-aaralin n'on. Ipangsusugal na lang niya yung pera kaysa ipampaaral sa 'min." sagot niya sa akin habang nilalaro ang mga piso sa kaniyang kamay.

"Ano bang pangarap mo? Gusto mo bang mag-aral?" Bago siya sumagot ay ngumiti muna siya sa akin.

"Siyempre gusto ko din mag-aral parang sila Cedric. Yung napasok sa school. Pangarap ko maging Engineer eh, kaso sabi ng tiyahin ko huwag ko na raw pangarapin kasi hindi naman daw 'yon matutupad. Wala naman kasi kaming pera. Hindi naman na daw kami makakapag-aral." Habang tinuturan niya 'yon ay hindi ko maiwasang makadama ng awa para sa kaniya. Gusto niyang mag-aral, may pangarap siya...pangarap na agad pinatay ng mga taong walang kwenta.

Matapos ang aming pag-uusap ay nagpaalam na siya sa akin, hahanapin pa raw niya ang kaniyang kapatid. Nang iwan niya ako ay saka ko napagtanto, na ang tambakan kung saan sila nabubuhay, kung saan sila nagsimulang mangarap, ay ang siya ring tambakan na sisira at paglilibingan ng kanilang mga pangarap.

-Wakas-

...................
An entry that I passed to a photo interpretation...and got the highest place. Yey!!! hehehe

-adry

My Stories to TellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon