Lulong

166 4 2
                                    

Mula sa apat na sulok ng kwartong 'yon, habang ang liwanag ay lumalagos sa kaunting siwang ng bintana, ikaw ay nag-iisa. Naglulumikot ang iyong mga mata. Tumatawa nang pagkalakas. Kinakausap ang mga nilalang na sa isip mo lamang makikita.

Hawak ang isang papel na nagniningning dahil sa alab ng apoy na nagmula sa iyong panindi. Ibinuhos ang mumunting butil na animo'y buhangin na maputi. Nasisiyahang nilanghap ang usok na nagmula rito, kasunod niyon ay natanaw ang napakagandang paraiso.

Sa paraisong 'yon ay natagpuan mo ang iyong mga kaibigan, nagtatawanan at nagbibiruan. Naglalaro at nagtatampisaw sa may dalampasigan. Hindi ka nagdalawang isip at sila'y pinuntahan.

Tila napansin nila ang paglapit mo, pagkuwa'y tumigil sila at napangiti.

"Kamusta kaibigan?'' ang sambit ng isa na agad mong nakilala. Ngumiti ka lamang at nagpatuloy sa paglapit ngunit sa 'di mawaring dahilan, nag-ibang bigla ang paligid.

Ikaw na ngayon ay nakatayo sa dulo ng bangin, habang ang mga kaibigan mo'y biglang naging halimaw sa iyong paningin. Unti-unti silang lumalapit sa 'yo, may mapupulang mata na tila maninilang lobo. Tingin ay nagawi sa ibaba, malalakas na hampas ng alon ang nakita.

Nilalamig at nanginginig ang iyong buong katawan, sanhi ng malakas na dampi ng hanging amihan. Nilulukob ang buong pagkatao mo ng takot, isang hakbang mo na lang at ika'y maaari nang mahulog. Tumawa ang isa sa mga halimaw at pagdaka'y nagsalita, "Maganda ba ang tanawin sa ibaba? Maganda bang pagmasdan ang magiging sanhi ng iyong kamatayan? Tanggapin mo ng d'yan ka malalagutan ng hininga. Malulunod ka't 'di na makaaahon pa."

At sa isang kisap mata'y nakalapit sa iyo ang halimaw, mapupulang mga mata ay nanlilisik. Kasabay nang pagtulak nito sa 'yo sa bangin, ang sigaw ng mga taong kanina pa sa 'yo nakatingin.

Lumagapak ang katawan mo sa lupa, ngunit hindi mo maramdaman ang sakit. Tulad din nang pagkalunod sa dagat, hindi makahinga't naninikip ang dibdib. Gaya nang sinabi ng halimaw, hindi ka makaaahon kahit anong pilit. Kaibigan, kay pait naman ng iyong sinapit.

..................

This story is actually from a photo interpretation activity in one group. You can check this out in the featured stories of KLPP PRODUCTION.

P.S. The photo above was the exact photo to be interpreted.

-adry

My Stories to TellWhere stories live. Discover now