Nakaraan Natin

486 9 7
                                    

Nakaraan Natin

------------------------------------------

Tuwang-tuwang si Igna sa kanyang nabalitaan nuong siya'y nasa plaza dahil maninirahan na raw muli ang kanyang kababata sa kanilang nayon bilang normal na mamamayan―makikita niya muli ito.

Tahimik na namumuhay bilang normal na tao, napagpasiyahan na raw kasi ni Carmen Romero na mamahinga na sa pinilakang-tabing kaakibat pa nito ang lubos na kasikatan sa batang edad na beinte-singko anyos at maraming proyekto sa pelikula at telebisyon.

Kung si Igna lamang ang nasa posisyon ng kababata ay hindi kailanman siya magreretiro. At hindi siya magtitiyagang magbungkal ng lupa't magtanim ng palay sa bukirin maghapon. Ang kaso, sinong makakadiskobre sa balat niyang natusta sa araw? Pero mareremedyuhan pa naman iyon sa pamamagitan ng pagpapa-'bleach' niya.

Ipinasya ni Igna na magpahinga muna sa ilalim ng punong mangga habang himas-himas pa ang alagang kambing na pinangalanan nilang 'Beauty'.

Hapong-hapo ang binata sa maghapong trabaho nang araw na yuon. Mag-isa lamang kasi siyang nagtatanim ng palay dahil may sakit ang ama at ang kapatid niyang mga lalake ay napakabatugan at hindi siya tinutulungan.

Sobrang presko ng hanging kanyang nalalanghap hanggang sa...

"Sino 'to?" pamilyar ang boses ng tumakip sa kanyang mga mata.

Halos napatalon siya sa tuwa dahil dumating na pala sa kanilang nayon ang kababatang iniibig, "Carmen!" Sabay yakap pa niya nang mahigpit dito.

Napamulahan si Igna sa kanyang iginawi sa dalagang may kaliitan subalit napakagandang nilalang. Hinihihiling niya na maintindihan siya ng kaharap sapagkat labis lamang siyang natutuwang makita muli ito.

Mahaba-habang kwento ang kanilang pinag-usapan habang naglalakad sila sa bukirin.

Natutuwa siya na hindi pa rin nagbabago si Carmen, sa kabila ng pitong taong hindi nila pagkikita at sa kabantugang natamo.

"Hindi ko matalos na mapapabilis ang pagdating mo rito sa Plaridel," ani Igna.

"Hindi mo ba gusto?" nangingiting biro nito.

Nangiti rin siya, "Bakit hindi ka na nag-artista? Sayang, alam mo ba yuon?"

"Batid ko 'yon subalit dusto ko nang manirahan muli rito kasama ka―"

BANG! BANG! BANG!

"Anong sabi mo ulit?" hindi kasi narinig ng binata ang huling inihayag ni Carmen dahil sa mga paputok nuong hapon na yuon. Marahil nailabas na ang resulta ng eleksyon sa kanilang bayan kaya't nagpupunyagi na ang mayor.

"Wala!"

"Eh, Maiba tayo ng salitaan. Siguro may nobyo ka na dahil maraming gwapo kang nakakahalubilo sa bawat palabas na ginagawa mo?" Pabiro pero mayruong laman ang kanyang usisa kay Carmen; umaasang hindi niya maririnig rito na may kalaguyo na ito dahil kung meron nga'y tiyak magkikita si Igna at ang kanyang mga kaibigan kinagabihan upang maglasing.

Pero imbes na wala pa o meron na ngang nobyo ay ito ang naiganti ni Carmen kay Igna: "Baka ikaw na ang may nobya diyaan?"

"Hindi pa nga niya ako sinasagot, eh." tila may pagpaparinig na sagot niya sa katabi.

Hindi niya maiwasang mahalungkat muli ang nakaraan nila, hindi pala, nakaaraan niya lang pala nuong nanliligaw pa siya rito nuong kapwa binatilyo't dalagita pa lamang sila.

"Kawawa ka naman, dusto mo tulungan kita? Sino ba iyong napupusuan mo?"

Agad nadismaya si Igna sa winika ni Carmen. Pakiramdan niya limot na nito ang lubos niyang pagtangi para rito. Hindi niya tuloy maikubli ang pagkayamot sa dalaga.

"Huy, sagutin mo naman ako!" hindi pa rin siya kinakausap nito. Kaya humarap si Carmen sa kanya. Aninag ang nangungusap nitong mga mata na kahit kailan ay hindi matitis ni Igna.

"Sagutin mo na ako?" Naiirita si Igna sa muling pag-usisa nito. Ayaw na nga niyang sabihin ang kasawian niya na dulot nito pero mapilit si Carmen!

"Bakit ba?"

"Para maging nobyo na kita."

BANG! BANG! BANG!

Muli na naman nilang narinig ang paputok. Maganda sana kung sa gabi nagpaputok para magandang panuorin ang makukulay na paputok sa kalangitan.

Kahit na malakas ang mga paputok ay narinig niya ang ipinapahiwatig ni Carmen. Halo-halo ang emosyon ni Igna nang sandalimg yuon. "T-teka," nauutal pa niyang sabi. "Hindi ba ako nagkakamali ng dinig? Ikaw ba'y nangliligaw sa akin?"

"Ayaw mo ba?" Pabirong muling sabi ni Carmen at idinagdag pa nito na, "Ang aking kinang ay para lamang sa'yo, Igna"

Walang pagsidlan ang saya ni Igna sa kanyang nabatid. kaya hinagkan niya ang kanyang iniibig.

Nagpaputok na naman at dahil sa ingay na yuon ay naalimpungatan siya at laking gulat niya dahil ang kahalikan niya nang sandaling yuon ay si... Beauty!

Author's Note:

dedicated kay Ms. Pretty Organizer ng Battle of Stories, ipapasa ko sana 'to kaso 700 words lang 'to..kaya pinost ko na lang dito.. Hoypa like it ♥

Mga Maiikling Kwento ni Lolo TeppeiWhere stories live. Discover now