Umayos ako ng upo. "Si Papa? Siya talaga ang—"

"Oo, anak... Pero hindi ako ang tunay mong ina." Umiiyak na bulong niya.

"Ma, para sa akin nag-iisa ka lang." Bulong ko.

"Hindi anak..."

"Pero bakit iniwan niya ako?! Kung talagang tunay siyang ina, hindi niya dapat ako iiwanan! Tignan mo ikaw Ma, kahit kailan hindi mo ako iniwan o pinabayaan!" Sigaw ko. Hinawakan ni Mama ang kamay ko at marahan na pinisil iyon.

"Anak, may dahilan lahat..."

Napatingin kaming pareho ni Mama sa pintuan nang may kumatok doon. Tumayo siya para buksan ito at kinagat ko ang ibabang labi ko nang makita ko ang sinasabi ni Mama na tunay kong ina.

"Pwede ko ba siyang makausap?" Puno ng pakikiusap ang boses niya.

Tumango si Mama. Nilingon niya muna ako bago siya lumabas. Pumasok siya sa kwarto ko at umupo sa kama ko.

"Kei, ang tagal kong hinintay 'to. Ang laki-laki mo na." Nakangiti pero umiiyak na sabi niya habang hinahawakan niya ang kaliwang pisngi ko.

"H-hindi ko po maintindihan. Bakit biglang ganito?" Naguguluhan na tanong ko.

Hinawakan niya ang kamay ko. Kanina alam kong nakaramdam ako ng galit sa kanya. Pero bakit ngayong hawak-hawak niya ang kamay ko, pakiramdam ko lahat ng galit at pagkamuhi ko sa kanya nawala?

"Hindi ko gusto na iwanan ka. Pero nang maghiwalay kami ng Papa mo, pinapili niya ako kung sino ang kukuhanin ko sa inyong dalawa ng kakambal mo. Kapapanganak ko lang sa inyong dalawa nang mangyari iyon." Tama ang hula ko kanina, hindi ko lang siya basta kapatid. Kakambal ko ang babaeng nakaharap ko kanina.

Pinapili? E di ibig sabihin, mas mahal niya yung kakambal ko kesa sa akin? Kahit man lang sana pantay na pagmamahal na lang.

"Pinili ko si—"

"Pinili niyo siya dahil mas mahal niyo siya kesa sa akin? Ganun ba 'yon? Kaya hindi niyo rin pinaalam sa akin ang katotohanan?" Ewan ko pero parang bumalik yung kaninang galit na nararamdaman ko dahil sa sinabi niya.

"Anak, hindi ganun! May sakit sa puso ang kapatid mo kaya siya ang pinili ko! At hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang sakit niya." Umiiyak na paliwanag niya. Kahit sinabi niyang may sakit ang kapatid ko, wala akong naramdaman na iba kundi galit. "Hindi ko gustong mamili! Pero dahil sinabi ng Papa mo na pagdating ng araw, makikita rin kita—"

Pinutol ko ang sasabihin niya. Kabastusan man pero ang dami kong tanong na gusto kong masagot lahat. "B-bakit kayo naghiwalay ni Papa?"

Umiling-iling siya. "Dahil ayaw sa kanya ng mga magulang ko anak. Pinagbawalan ako ng Papa mo na makita ka dahil sa pakikinig ko sa mga magulang ko, pero dahil kay Kristina, natitignan kita kahit sa malayo lang."

Binitawan ko ang kamay niya. Si Papa, bakit simula kanina hindi ko pa siya naririnig na nagpapaliwanag sa akin?! Nagmadali akong bumaba at hinanap ko si Papa.

"Pa!" Sigaw ko. Sumasakit na ang ulo at mata ko sa kaiiyak!

Nakita kong nakaupo lang sa sala si Papa katabi ang sinasabi nilang kakambal ko.
Sandali kong tinignan ang kakambal ko pero hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako bigla ng inggit sa kanya. Dahil ba siya ang pinili ng sinasabi nilang tunay ko raw na ina?


"Pa... bakit hindi mo sinabi sa akin?" Nauutal na tanong ko. Pero imbis na sagutin niya ako, tumayo siya at niyakap ako.

"Patawarin mo ako anak." Bulong niya.

"Papa naman." Isang mas mahigpit na yakap na lang ang natanggap ko sa kanya. Bakit naging ganito ang pamilya ko? Ano bang ginawa ko? Panaginip lang sana ang lahat ng 'to. Pero kahit sabihin na panaginip 'to, nararamdaman ko pa rin yung sakit ng katotohanan.

Pilit akong pinaupo ni Papa. Napansin kong namumuo ang luha sa mga mata niya na kaagad niya ring pinahid.

"Si Kei Marie. Ang kakambal mo." Pakilala ni Papa sa babaeng kaharap ko ngayon sa upuan.

Nanlaki ang mata ko at hindi ko maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko ngayon nang sabihin ni Papa ang pangalan nito.

"H-Hi..." Halos magtayuan ang balahibo ko ng marinig kong halos iisa ang boses naming dalawa.

Mariin kong ipinikit ang mata ko. Naloko na. Shit. May mas sasakit pa pala sa nararamdaman ko ngayon. At ito 'yon.

"E-excuse me lang." Paalam ko. Bumalik ako sa kwarto ko at kinalkal ko ang bag na dala dala ko. Nakita ko kaagad ang class picture ni Kyle.

"Hi-hindi ako 'to..." Nanginginig ang kamay ko habang hawak-hawak ko yung class picture.

Tumayo ako at pumunta ako sa cabinet ko kung saan nakatago lahat ng pictures ko simula nang mag-aral ako. Isa-isa kong tinapon lahat ng picture kapag alam kong hindi iyon ang hinahanap ko.

Natigilan ako nang makita ko na yung class picture ko nung kinder ako dito sa Laguna. Mabilis kong kinuha yung kay Kyle na nakalagay pa rin sa frame at pinagkumpara ko ang dalawang iyon. Nabitawan ko ang class picture na nasa frame nang makita ko ang parehong date.

Ngayon alam ko na kung bakit ako nakaramdam ng inggit sa kanya. Hindi lang dahil siya ang pinili ng Mama namin, kundi dahil naramdaman kong siya ang babaeng matagal nang minamahal ni Kyle.

Napansin ko ang pag-ring ng cellphone ko mula sa kama ko.

Sandali akong natigilan nang makita kong si Kyle ang tumatawag d'on. Ipinikit ko ang aking mata at itinapat ang cellphone sa tenga ko.


"Baby, nasa Laguna ka na ba? I miss you right away. Kumusta sila jan?" Masiglang bati niya. Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang hikbing nagtatangkang lumabas mula sa bibig ko. "Baby?"

Lumunok ako ng sunod-sunod at pinunasan ko ang luha ko. Pilit kong tinatagan ang boses ko.

"Ah, Oo. Na-nandito na ako. I miss you too." Pumiyok ako sa huling sinabi ko dahil ang traydor ng luha ko bigla bigla na namang tumulo.

"Baby? Umiiyak ka ba?" Pagtataka niya.


"A-ano. Hindi, ano ka ba? Si-sige Kyle! Tinatawag kasi ako sa baba!" Narinig kong magsasalita pa sana siya pero pinatay ko na ang cellphone ko.

Ang sakit. Ang sakit malaman na nagiging masaya ako sa isang kasinungalingan, na parang nabubuhay ako sa ibang katauhan dahil ang lalaking mahal na mahal ko, hindi pala ako ang totoong mahal.

*

"Kei! Bumalik ka na! Matagal ka nang gustong makasama ni Mama!"
Sigaw niya sa akin. Kanina pa ako naiinis sa kanya dahil sinundan niya pala ako hanggang dito sa tower ng condo ko.

Tumigil ako at hinarap ko siya. Naiinis ako sa mukha niya. Naiinis ako dahil kamukha ko siya. Naiinis ako dahil pakiramdam ko kinuha niya yung buhay ko!

"Bigyan mo ako ng magandang dahilan kung bakit ako babalik sa kanya?!" Pagmamatigas ko.

"Dahil mahal ka ni Mama! Ano ba?! Mag-iinarte ka pa ba?! Nandito na nga kami, 'di ba!"

Oo nga at magkapareho rin ang boses namin, pero kahit papaano may kaunting pagkakaiba pala 'yon kung pakikinggan kong Mabuti. Mas mataray ang boses niya kesa sa akin.

Tumaas ang isang kilay ko.

"Mahal? Huh. Nagpapatawa ka ba, Marie? Iniwan nga ako, 'di ba? At pinili ka dahil ikaw ang mahal niya!" Sigaw ko saka tinalikuran ko na siya. Parang double meaning na din ang sinabi ko. Alam ko iiwanan rin ako ni Kyle kapag nalaman niya ang totoo. Iiwanan niya rin ako kagaya nang pag-iwan sa akin nang sinasabi nilang tunay kong ina.


Hinila niya ang braso ko.

"Alam mo, hindi naman kita pipilitin kung hindi dahil kay Mama eh!" Sigaw niya. See? Napipilitan lang siyang sundan ako dahil sa Mama niya.

Nakipagsukatan siya sa akin ng tingin. Pero siya na rin ang unang bumitaw. Marahas kong hinila ang braso ko sa pagkakahawak ni Marie. Marie ang tawag sa kanya ng Mama niya, ayaw niyang tawaging Kei ito dahil ako lang daw ang naaalala niya. Isa lang ang ibig sabihin non—maging pangalan ko gusto na niyang kalimutan.

Tumakbo na ako papunta sa elevator.

"Kei, sandali!" Hinabol niya rin ako.

"Ahh!!!" Napatigil ako nang marinig kong sumigaw siya. Lumingon ako at kinabahan ako nang makita kong nakaupo na siya sa sahig habang hawak-hawak ang dibdib niya.

Ihahakbang ko na sana ang paa ko palapit sa kanya pero...

"Kei!!!"

... ang lalaking mahal ko, tumatakbo na palapit sa kanya.

Dahan-dahan akong umatras. Umiinit na ang mata ko dahil nagtatangkang tumulong luha mula dito. Kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano siya mag-alala dito.

Paulit-ulit kong narinig sa isip ko ang katotohanang sinasabi nito.

Minahal niya lang ako dahil kamukha ko ang babaeng matagal na niyang minamahal, at hindi niya ako minahal bilang ako.

Akin Ka [Published under Sizzle/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon