37-Aftermath

493 30 2
                                    

Unti-unti nang nag-iba ang takbo ng buhay ko pagkatapos ng mga pangyayari. Nawala na rin ang ugong ng balita tungkol sa away na kinasangkutan ni Kathleen at ang isyu. Nakakapasok na ako sa mga klase ko at wala nang kumukulit o nagpapaalala sa akin tungkol sa cook-off o ang naging away sa karinderya.

Hindi ko na rin nasasalubong si Leianne sa uni. Bukod sa malaki ang kolehiyo namin ay di ko sinadya pa na hanapin siya. Kung makikita ko man siya, gusto ko na hindi planado ang lahat, na para bang di sinasadya ang tagpo namin. Siguro wala pa nga akong lakas ng loob na kausapin siyang muli, lalo na at alam ko na nagbago na ang lahat sa amin.

Alam kong may makukuha akong balita kay Tammy, pero di na ako nagtangka na tawagan ang pinsan ko tungkol dito. Galit pa rin siya sa akin, at ayoko nang maging makulit. Gusto ko lang na ma-get over ang lahat at makapagsimula muli.

Hanggang sa nalaman ko na lang ang balitang ito mula sa aking tatay.

"Anak, wala na pala si Mang Ramon sa Tonyo's," bungad niya habang kumakain kami ng tanghalian noong Linggo.

"Bakit po?" Muntik ko nang nabitawan ang mga hawak kong kubyertos.

"Last day na niya noong Friday. Last month ko pa alam ang balak niya pero di ko sinabi sa iyo, para sa ikakabuti mo at ni Leianne. Lilipad na siyang Dubai next week, at magtatrabaho na siya bilang chef sa isang malaking hotel doon," paliwanag ni Papa.

"Kasama po ba si Leianne?" Agad kong tinanong.

"Hindi. Sa dorm na siya tutuloy at ayaw daw pasabi kung saan ito."

Natahimik ako. Siguro nga nangyari ito dahil sa akin.

"Anak, hindi ikaw ang dahilan kung bakit ito nangyari. Si Ramon na ang nagsabi na ni-refer siya sa Dubai ng kumpare niya at di niya matanggihan ito, kasi maganda ang offer na binigay sa kanya. At para na rin ito sa future ni Leianne," kwento ni Papa.

"Di man lang ako nakapag-sorry kahit sa tatay niya..."

"Naiintindihan iyon ni Ramon. Nag-usap nga kami, at pareho naming sinabi na di kami makikialam sa inyong dalawa ni Leianne," tugon ni Papa.

"Hayaan mo munang magpakalayo-layo si Leianne sa iyo," paalala naman ni Mama. "Nasasaktan pa rin siya sa nangyari."

Tumango na lang ako at pilit inubos ang aking kinakain.

Pagdating ng hapon, naisipan kong mag-bike papunta sa parke. Naupo ako sa swings kung saan kami palaging umuupo at nag-uusap ni Leianne tuwing summer vacation. Tahimik lang ako nag-swing at nag-isip-isip.

Wala nang silbi pa na habulin si Leianne.

Iyon ang aking naging desisyon. Napagpasiyahan ko nang umuwi, pero di ko mapigilan ang sarili ko na daanan ang bahay nila Leianne. Dumaan nga ako sa harapan nito at tumigil muna ako saglit. May sign sa harap ng gate na ganito ang nakalagay:

For rent, please call 761-2461

Doon ko napagasiyahan na umalis na. Di ko man lang ito nilingon at binilisan ko na lang ang pag-pedal sa aking bisikleta.

October 17, 2010, Linggo. Ito ang araw na hindi ko na hahanapin pa si Leianne Avila.

Tinago ko na rin ang lahat ng binigay niya na Star Wars stuff, mula sa mga origami na Yoda pati ang keychain na Stormtrooper na iningatan ko mula noong high school.

***
(Two years and five months later-March 2013)

Dumaan ang tatlong Pasko, tatlong bagong taon, tatlong birthday, at dalawang summer vacation. Dumaan din ang isang semester noong second year, dalawang semester noong third year, at dalawa pang semester noong fourth year bago ako umabot sa kinatatayuan ko ngayon.

My Geeky GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon