Nanlaki ang mga mata ni Brylle sa sugat na nakuha ni Myera. At ito ang ginamit na pagkakataon ng bruha para magpaawa, "Sasaktan niya ako, Kaleel. Gumawa ka ng paraan..."

Tumingin na ng masama saakin si Brylle. At hindi pa man ako nakakagawa ng kahit na ano, sinugod na niya ako. "Ikaw!"

"Sandali..." Tinulak niya ako papunta sa pader, sinakal sa leeg hanggang sa umangat na ang mga paa ko sa sahig. "Brylle... hindi ako... makahinga..." Pumatak ang luha sa mga mata ko. Hindi na niya uli ako naaalala.

"Walang pwedeng manakit sa babaeng pinakamamahal ko!" Pero may mas sasakit pa ba sa mga salitang 'yun? Mas binasag pa niya ako ngayon. "Papatayin kita!"

Wala na akong malanghap na hangin at nagsimula na akong mahilo. Nanlalabo na rin ang mga mata ko sa magkahalong luha at sakit. Kayang-kaya kong labanan si Brylle... pero walang lakas ang puso ko para gawin 'yun.

"Magaling, Kaleel." Lumapit na sa amin si Myera saka ipinatong ang kamay niya sa balikat ni Brylle. "Ngunit hindi mo pa siya pwedeng patayin dahil may plano pa ang kapatid ko sa kanya."

Bago ako tuluyang nawalan ng malay, huling kong nakita ang mukha ni Myera na tuwang-tuwa sa ginawa ni Brylle para sa kanya.


* * *


Nang muli akong magising, ramdam ko pa rin ang sakit ng katawan ko dahil sa pambubugbog sa akin ni Night... at dahil sa ginawa ni Brylle. Minabuti kong 'wag na lang bumangon at sa halip ay inikot na lang ang paningin sa paligid. Napalitan na ang salamin na kulungan ko, mas kumapal na ito ngayon.

Napansin ko naman si Brylle na nakaupo sa isang tabi at nagbabantay pa rin sa akin. Bumalik na sa dating walang emosyon ang mga mata niya. Tinitigan ko siya at hindi ko mapigilan na muling maluha. "Brylle..."

"Don't dare talk to me, bitch."

Lalo pang nanikip ang dibdib ko. Mahaba ang pasensya ko... pero nasagad na niya.

"Ayokong magtampo sayo. Ayokong sisihin ka dahil alam kong sila ang may kasalanan kung bakit ka nagkakaganyan. Pero naalala mo na ako kanina. Hindi mo maipagkakaila 'yun. Naalala mo na ako."

Nanginginig ang boses ko at kumapit sa kumot ko. Pumatak ang luha sa mga mata ko, at nagtuluy-tuloy na ito.

"Pero bakit siya pa rin ang pinili mo? Bakit nakinig ka pa rin kay Myera? Bakit mas pinili mong paniwalaan siya?"

Hindi siya umimik. Nagbuntong hininga lang siya, nababagot sa pakikinig.

"Sa dalawang taon na kasama mo ang babaeng 'yun, talaga bang minahal mo na siya?"

Sa tanong na iyon, sa wakas ay nakuha na niya akong tingnan. Pero hindi naman maipinta ang mukha niya.

"Mas mahal mo na ba siya kaysa sa akin?"

Natatakot akong itanong 'yun sa kanya. Natatakot akong malaman ang isasagot niya pero kailangan.

"Siya lang ang mahal ko."

Napapikit na lamang ako. Gusto kong sumigaw, magmura, at magwala. Pero wala na akong lakas para gawin 'yun. Ayaw ko nang makaramdam. Tumitibok nga ang puso ko pero ang hirap namang huminga.

"Manloloko ka."

Ayaw kong magalit sa kanya.

"Hintayin mo lang kapag natutunan ko nang mahalin si Rouel..."

Ayaw kong magtanim ng sama ng loob.

"O kaya kapag pinatay na ako Night..."

Pero hindi ko kayang pigilan ang sakit. Hindi ko kayang pigilan ang selos ko.

"Hintayin mo kapag nagbalik na ang mga alaala mo, magsisisi ka. Magsisisi ka, Brylle."

Nang masabi ko na ang lahat ng gusto kong sabihin, tinalikuran ko na siya at tahimik nang itinuloy ang pag-iyak. Hindi na ako sumubok na tingnan pa siya uli.


* * *


Hindi ko na alam kung gaano katagal na ako sa lugar na ito. Parang mas mahaba ang patak ng oras dito sa Atreria. Nirarasyunan nila ako ng pagkain pero hindi ko ito kinakain. Bukod sa wala akong gana, baka lason lang din ang nakalagay dun.

Muling may kumatok sa pintuan at pinagbuksan ito ni Brylle. Isang halimaw ang pumasok na hugis tao, pero may ulong mukhang tuko at mahaba pa ang leeg nito.

"Išt nųʼn jœtzŧ vŷciş," sabi nito kay Brylle at saka ito pumasok sa loob ng aking kulungan.

Sa pagkakaintindi ko, ang sinabi ng halimaw ay 'The time has come.' But time for what?

Lumapit ito saakin at tinitigan ako mula ulo hanggang paa. "Anong kailangan mo sa akin?" tanong ko pero hindi ako sinagot nito. Sa halip, nagtawag pa ito ng mga kasamahan niya na may bitbit na mga gamit.

"Vîņķo Ērųş Night võło sæ ïmpețro pŗǿmÞtữş."

Napaatras ako sa sinabi nito. Utos daw ni Night na paayusan ako. Pero bakit? Anong meron?

Lumabas na si Brylle at saka ako inayusan ng mga babaeng halimaw. Hindi na rin ako nanlaban pa at pinabayaan ko na lang silang gawin ang iniutos sa kanila.

Nang matapos ito, pinaharap nila ako sa isang salamin para makita ko ang ayos ko. I am now wearing a bloody red satin gown with a fancy golden headdress. I look pale but presentable enough.

Wala akong ideya kung para saan itong pag-aayos nila sa akin. Iaalay ba nila ako? Pahihirapan? Papatayin? Kung ano man 'yun, hindi maganda ang kutob ko rito.


Wizard's Tale Trilogy (1-3) ✔Όπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα