Wizard's Tale 2: Chapter 27

107K 2.8K 178
                                    


(Alyanna POV)


Maghapon lang kaming nakatambay ni Brylle. Nakatuon ang atensyon niya sa book of spells na kanyang binabasa habang nakasandal ako sa balikat niya. Minsan ay nagdadaldalan kami, ngunit sandali lang 'yun dahil itinutuloy niya uli ang pagbabasa. Minsan naman ay nagtatawanan kami, pero hindi ko man lang maramdaman ang saysay ng pagtawa namin.

"Akala ko ba date ito, Brylle? Wala ka bang balak na ipasyal ako? Maglibot naman tayo sa mall o kaya ilibre mo ako sa mamahaling resto. O kung gusto mo, ayain natin sina Dustin at Elysse na makipag-double date!"

Napatingin ang tila ba blankong mga mata ni Brylle sa akin, "Gawain lang ng mga hamak na mortal 'yun, Yana. Not my style."

"Tss! Ang KJ mo talaga!" Napahampas ako sa braso niya pero wala man lang siyang naging reaksyon. "Nakakatampo ka!"

Napangisi naman siya. Tapos nun ay ipinagpatuloy niya lang uli ang pagbabasa.

Pumapatak ang segundo, minuto at oras na parang walang nangyayari. Lumilipas ang bawat saglit na parang hindi talaga kami magkasama.

Sa inis ko, hinablot ko yung librong binabasa ni Brylle.

"Yana!" sigaw naman niya at pilit na inaagaw pabalik ang kanyang libro sa akin.

Dahil doon, nakaisip ako ng naughty plan na itakbo 'yung libro para habulin niya ako at maisip niyang mas masaya kung may iba kaming ginagawa bukod sa pagbabasa niya.

Pero nakalayo na ako't lahat, nanatili lamang si Brylle sa pwesto niya. Nakatayo na siya pero mukhang wala siyang balak na habulin ako.

"Anong ginagawa mo? Hindi ka ba napipikon? 'Di ba pikunin ka? Bawiin mo 'tong libro mo, dali! Habulin mo ako!"

Ngunit parang estatwa lang ang kausap ko. Ang blanko ng itsura niya. At sa ginagawa niya, parang may kung anong sumasaksak sa puso ko. Masakit. Makirot. Malungkot.

Muli ko siyang nilapitan at hinawakan ang kamay niya ng mahigpit. "Brylle naman! Ano bang problema mo? Bakit ang tamlay mo?"

"Ako pa ang matamlay ngayon, Yana? Magkasama na tayo, 'di ba?" Ang cold ng pagkakasabi niya. "Bakit hindi ka makuntento? Bakit hindi ka pa rin masaya?" Natigilan ako sandali sa mga sinabi niya. Parang may pinanghuhugutan siya.

"Pakiramdam ko lang kasi, huli na natin 'to kaya gusto kong maging espesyal 'to. Gawin mo man lang 'yung ginagawa mo sa akin noon. Supresahin mo ako, gulatin o pag-tripan. Kahit anong kakaiba basta 'wag lang masayang ang oras natin na magkasama."

Ang kanina pang blankong mukha ni Brylle ay mas lalong nabalot ng kalungkutan. Napayuko siya at hindi na makatingin sa akin. Feeling ko tuloy, na-hurt ko ang feelings niya ng hindi sinasadya.

"Brylle..."

"Nararamdaman mo na siguro, Yana."

"Ang alin?"

"Nararamdaman mo na ang katotohanan sa lahat ng 'to. Na kahit magkasama tayo ngayon dito, hindi ka talaga masaya."

Naguluhan ako bigla sa sinabi niya. Parang—parang tama siya. Pero hindi eh!

"Masaya ako! Masaya ako kasi magkasama tayo!"

"You're smiling but you're not really happy. You are no longer the same Yana that I used to know. And you know that I am not the Brylle you want to be with."

Napaisip ako sa mga sinabi niya. Masaya nga ba ako? Masaya nga ba ako na magkasama nga kami pero dito lang sa lugar na 'to?

Lalong nanikip ang dibdib ko sa pagtanggap sa katotohanan. Tama siya. Hindi talaga ako masaya sa ganito lang. Hindi ako masaya dahil alam kong hindi ito totoo at hindi ang totoong Brylle ang kasama ko.

Panaginip lamang ito. Panaginip na pinilit kong ibigay sa akin ni Prince Rouel. At ang tagal kong sinubukang paniwalain—lokohin ang sarili ko sa bagay na 'to.

Ngayong tinanggap ko nang kahibangan lang ang mga ito, parang nalaman na rin ni Prince Rouel na natauhan na nga ako.

Nagsimula nang maglaho ang buong paligid. Naging parang usok si Brylle na naglaho sa paningin ko. Itinigil na niya ang spell at wala na ang epekto nito.

Everything turned black and empty. At ang kalungkutan sa panaginip na ito ay sa akin na mismo nanggagaling.

Napasalampak akong muli sa lupa at niyakap kong mag-isa ang aking sarili. Kung sarili ko nang panaginip ito, mas mabuti pa sigurong manatili na lang ako rito. Mas mabuti pa sigurong wag na lang akong magising tutal wala namang pinagkaiba.

Gising man o nanaginip, pakiramdam ko ay nag-iisa na lang ako.

Maya-maya, naramdaman kong may isang kamay ang pumatong sa balikat ko. "Alyanna..." Tinawag ng maamo at maganda niyang boses ang pangalan ko. Nang tingnan ko siya, nakita ko ang isang babaeng kamukha ko. Nababalot siya ng nakasisilaw na puting liwanag.

"Ikaw?" Ang Luxurian Being. Naririto siya. "Parte ka pa rin ba ng spell ni Prince Rouel?"

"Nagkakamali ka, mahal kong Prinsesa. Narito ako dahil kailangan mo ako. Narito ako para damayan ka at para ipaalam sayo na hindi ka nag-iisa."

Akala ko natuyo na ang mga mata ko, pero nagsimula na namang pumatak ang aking mga luha. Napayakap ako ng mahigpit sa kanya at pakiramdam ko'y nakagaan ito ng loob ko kahit kaunti lang.

"Hindi ko na po alam ang gagawin ko." Humihikbi akong nagsalita, nagmamakaawa. "Masyado nang maraming problema ang dumarating. Maraming beses ko nang binigo ang mga taong nasa paligid ko na umaasa sa akin. Sabihin niyo po, karapat-dapat pa rin po ba akong maging Prinsesa?"

"Ang mga problemang dumarating ang nagpapatatag sa mga tagapagmana ng Lux." Mahinahon niyang ipinaintindi sa akin. "Kung sa tingin mo ay binigo mo ang mga taong umaasa sayo, hindi ba't nararapat lamang na bumawi ka sa kanila?"

"Pero paano ko sila haharapin? Maraming nasawing Terrashaw nang dahil sa kahinaan ko."

"Naiintindihan ng mamamayan mo ang iyong kalagayan. At ang mga nasawi noong araw na 'yun, lahat sila'y nasa mabuti na ring kalagayan."

"Si Brylle? Kasama po ba siya roon?"

Hindi ako sinagot ng Luxurian Being. Sa halip ay nginitian niya lang ako.

"Kung buhay pa siya, bakit hindi niyo na lang siya ibalik sa akin?"

"Kapag bumalik ba siya ngayon, matututo ka nang tumayo sa sarili mong mga paa?" Hindi ako agad nakasagot sa tanong niya. "Gusto mong ibalik si Brylle dahil iniisip mong hindi mo kakayanin ng mag-isa. Pero Alyanna, hindi pwedeng palagi ka na lang umasa na ipagtatanggol at ililigtas ka niya. Darating ang panahon na ang kinabukasan ng lahat ay nakasalalay na sa iyo."

Hindi ko napigilan na hindi kabahan. Masyadong malaki at mabigat ang tungkulin ko. "Kakayanin ko ba ang lahat ng 'yun?"

"Kakayanin mo... kung sisimulan mo nang bumangon at pagbutihin ang iyong sarili."

Hinawakan ng Luxurian Being ang mga kamay ko. Ang liwanag na nagmumula rin sa kanya ang nagsisilbing liwanag rin sa isip ko ngayon. Unti-unti ay nagiging mas malinaw ang lahat.

"Ito na ang panahon, mahal kong Prinsesa. Mag-ensayo ka upang ikaw naman ang magtanggol sa mga minamahal mo. Maging matapang ka upang ikaw naman ang magsilbing lakas ng mga tagasunod mo. Patunayan mo sa lahat na ikaw ang karapat-dapat."

Pinunasan ko ang mga luha ko. At tumango ako bilang pagsunod sa mga sinabi niya.

Napangiti naman ang kamukha kong Luxurian Being.

"Iiwan mo na ba ako uli?"

"Ikaw at ako ay iisa. Tayo ang Lux. Kailanman ay hindi kita iniwan. 'Yan ang lagi mong tatandaan."

'Yun ang huli niyang sinabi sa akin bago niya ako yakapin at balutin ng liwanag ng mga bituin ang buong paligid.



Wizard's Tale Trilogy (1-3) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon