Rick 4

4.6K 261 12
                                    

Kanina pa pabalik-balik si Rick sa loob ng sala. Napapakagat pa siya sa kaniyang kuko dahil sobrang natetense na siya. Hindi siya mapakali dahil sa kapalit nang isinulat niya sa wishlist. Akala niya ay mga pagkaing hindi kanais-nais lang ang ipag-uutos sa kaniya.

Pabigla ang ginawa niyang pag-upo sa sofa sapo pa ang noo. Sumasakit ito sa kaiisip kung gagawin pa ba o huwag na lang ang utos. Kapag hindi naman niya ginawa baka siya naman ang mamatay.

Hindi siya makapagdesisyon. Napatingin siya sa orasang nasa dingding. Tatlumpung minuto lang ang ibinigay sa kaniyang taning at kailangan magawa na niya iyon ngayong gabi mismo.

Tumatakbo ang oras kaya kailangang magmadali na siya. Pagpatak ng alas-dose ng gabi ay magsisimula na ang oras niya para matupad ang isinulat niya sa wishlist.

Huminga muna nang malalim si Rick bago pumasok sa kuwarto. Hinanap sa kabinet ang itim na T-shirt at pantalong itim rin. Pagkatapos, makapagpalit agad na nagsuot ng sapatos. Lalabas na sana siya ng kuwarto nang maalala ang panyo. Kailangan pala niyang takpan ang mukha at baka may makakilala sa kaniya.

Hinila na lang niya basta sa sipitan ng mga brief ang panyo at agad nang lumabas ng kuwarto. Kinakabahan pang sumulyap sa orasan.

Alas onse y media na.

Humanda na siya para lumabas. Hindi na siya nagdala ng anumang maaaring makasagabal o kaya ay maging dahilan ng kaniyang pagkakahuli. Matapos ikandado ang bahay at ilagay ang susi sa sikretong lagayan ay handa na siya para sa gagawin.

***

Sinulyapan muna ni Rick ang oras sa relong nasa bisig. Quarter to twelve na. Tahimik ang paligid at ang bahay na nasa harapan ang isinasaad ng nasa notebook. Ang pang-limang bahay mula sa inuupahan niyang bahay. Pati ang kulay ng gate ay nakalagay sa notebook kaya sigurado siyang ito iyon.

Huminga muna siya nang malalim bago itinakip sa kalahating mukha ang itim na panyo. Mata na lang ang nakikita sa kaniya. Mabuti na lang at mababa lang ang pader na aakyatin niya. At wala ring aso kaya medyo madali na para sa kaniyang makapasok dito.

Eksaktong alas-dose ang nakasaad sa kaniyang orasan kaya magsisimula na ang tatlumpung minuto na kaniyang taning. Walang dapat sayangin kahit isang segundo.

Nagulat pa siya dahil hindi naka-lock ang pinto. Baka nakalimutan i-lock, buti naman. Subalit, maingat niya pa ring pinihit ang seradura. Sumilip sa loob at nang matiyak na walang tao ay maliksing pumasok sa loob.

Agad na tinungo ang pakay; ang kusina. Madilim ang paligid at pilit niyang kinakapa ang daraanan nang hindi gumagawa ng anumang ingay.

Agad niyang tinanggal ang hose sa gasul at pinasingaw. Kinakabahang napalingon siya sa likod nang may marinig na ingay. Nanginginig na sinindihan ang lighter. Nakakatatlong pagbabakasali na siya nang biglang bumukas ang ilaw. Kagyat siyang napalingon at isang suntok ang kaniyang natamo sa lalaking may-ari ng bahay. Dahilan para mabitawan niya ang lighter at matanggal ang kaniyang takip sa mukha.

Nagpambuno sila ng lalaki. Nasuntok niya rin ito sa panga dahilan para mapasubsob ito sa baldosa. Napasulyap siya sa orasang nasa bisig at sampung minuto na lang ang natitira para maisagawa niya ang utos. Isang malaking bahay ang kapalit nito kaya dapat maisagawa niya nang mabilis bago pa man matapos ang oras niya.

Subalit, agad na nakabawi ang lalaki, tumayo ito at kinuha ang kutsilyo na nasa lamesa. Iwinasiwas at agad na tinamaan si Rick sa braso. Napahawak si Rick sa tinamaang sugat at pilit na nagpapakatatag. Buti na lang at daplis lang.

Pitong minuto na lang ang natitira...

Nang sasaksakin na siya nito sa tiyan ay agad na sinipa niya ito. Agad na napaupo ito at naihagis ang kutsilyo. Kinuha niya ang pagkakataong iyon para hanapin ang lighter. Nakita niya ito malapit sa upuan. Subalit nang dadamputin na niya ito, sinipa siya ng lalaki at napasadsad siya sa upuan. Kahit napapaigik sa sakit ay agad niyang dinampot ang lighter na nasa malapit na niya.

Apat na minuto na lang ang natitira...

Sisipain sana ulit siya nito nang hawakan niya ang paa nito at hilahin, dahilan para bumagsak ito nang pahiga. Mabilis siyang tumayo at hinawakan nang mahigpit ang lighter, may dalawang minuto pa siya. Amoy na amoy na ang gas sa paligid.

Agad siyang tumakbo sa pinto ng kusina, papuntang likod bahay. Hahawakan sana siya ng lalaki sa paa subalit sinipa niya ang pagmumukha nito. Binuksan niya ang pinto at basta na lang inihagis ang sinindihang lighter sa loob at pa-dive na tumalon sa lupa. Bumagsak siyang nakatakip pa ang dalawang kamay sa magkabilang tainga.

Isang malakas na pagsabog ang narinig sa paligid. Napalingon pa si Rick sa nasusunog na bahay bago agad na tumayo at sumampa sa bakod. At parang walang anumang naglakad palayo sa lugar na iyon.

Sana lang umabot siya sa takdang oras.

Wishlist 1:
Rick
2016


Wishlist 1: RICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon