Chapter 5

3.3K 84 5
                                    

Chapter 5

"Alam mo, Bella. Mabait si Kuya Wade."

Biglang napakurap si Bella sa narinig na sinabi ni May. Kasalukuyan ay nasa kuwarto sila ulit ng binata upang ituloy ang pagpipinta sa kanya. Ngayon ay muli siyang inaayusan ng dalaga.

"Hmm, alam ko kasi kinaibigan niya ako kahit na may kapansanan ako." Nakangiti niya sagot dito at hindi na pinansin ang tono nito na tila ay tinutukso siya kay Wade.

"Magkaibigan din naman tayo, 'di ba?" Tumango lang si Bella bilang sagot. "Anyway, may gusto lang ako na itanong. Okay lang?"

"O-oo naman. Ano ba 'yon?"

"Kasi 'di ba sabi ko sa 'yo na mabait si Kuya Wade and sumang-ayon ka naman. So, medyo curious lang ako kung minsan ba ay inisip mo kung ano kaya ang hitsura ni Kuya?"

Biglang napalabi si Bella sa tanong nito. Of course! In-imagine din niya. Minsan na siyang naging writer at bilang manunulat ay nai-imagine niya ang bawat hero na nasa isip niya. Napabuntong hininga siya bigla. Bakit ba niya biglang naisip ang tungkol sa pagsusulat? Kinalimutan na niya iyon at ibinaon sa limot na kaya niyang gumawa ng sariling mundo sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga nobelang may happy ending dahil sa totoong buhay naman ay wala talagang, And they live happily ever after...

"Bella? May mali ba sa tanong ko? Na-offend ba kita? Sorry na." Bakas ni Bella sa tinig ni May ang pag-aalala na baka na-offend siya nito kaya naman kinuha niya ang kamay nito at pinisil iyon ng masuyo.

"Hindi mo naman ako na-offend. Okay lang ako." Nakangiti niyang sabi. "At tungkol pala sa tanong mo. Oo naman, ini-imagine ko ang hitsura niya. Lalo at ang sabi ni Lola Isme ay gwapo daw si Wade." Bigla ay napakagat-labi siya. Malakas ang loob niya na magsalita ngayon dahil sigurado siyang wala sa paligid si Wade. Hindi niya kasi naaamoy ang pabango nito.

"True! Gwapo talaga si Kuya Wade!" Napuno ng excitement ang boses ni May na para bang kinikilig ito sa sinasabi niya. Hindi tuloy maiwasan ni Bella na mahawa sa kasiyahan ng dalaga. "Tapos ano pa? Bilis! Excited na ako!"

Naiiling na natawa na lang si Bella pagkuway ipinagpatuloy na ang pagkukuwento.

"Na-imagine ko ang guwapo niyang mukha. Ang magandang mga mata, ang matangos na ilong na tila inukit ng isang batikang iskultor pati 'yong labi niya na manipis. Sa totoo lang ay malinaw ko siyang nakikita sa isip pero sobra naman yata ang iniisip ko, 'di ba? Masyadong mala-prince charming ang iniisip ko." Natawa siya ng pagak.

"Hay naku! Ano ka ba! Tumpak na tumpak ang na-i-imagine mo! Ayaw ko man aminin pero guwapo talaga si Kuya Wade! Promise."

Ngumiti lang siya bilang sagot.

"So, dahil na-imagine mo na gwapo si Kuya Wade. May possibility ba na magkagusto ka kay Kuya?"

Nilimi ni Bella ang sinabi ni May. Siya? Magkakagusto kay Wade? Hindi naman sa choosy siya, in fact ay naisip na rin niya na posibleng magkaroon ng pagkakataon na magkagusto siya sa lalaki. Sino ba ang hindi? Mabait, maasikaso at gentleman pa. Babae siya at may puso. May pakiramdam din siya pero dahil naisip na niya noon pa ang possibility na ito ay natimbang na niya agad kung ano ang magiging sagot niya.

"Bella? Okay lang naman na sagutin mo, 'di ba?" Untag sa kanya ni May.

"Oo naman, okay lang. Actually, mabait si Wade pero hanggang kaibigan lang ang maibibigay ko. Higit pa doon ay wala na. Matagal ng may nagmamay-ari ng puso ko. Habang buhay ay si Jason lang ang mamahalin ko."

Bigla namang naging tahimik ang paligid kaya naman muli niyang ginagap ang kamay ng dalagang kasama.

"May, nararamdaman ko na gusto mo akong mapalapit kay Wade pero gusto ko lang linawin na walang pag-asa na maging kami. Walang gusto sa 'kin si Wade. Hindi siya magkakagusto sa isang bulag na tulad ko. Hindi ako ang babaeng nararapat para sa kanya."

Masterpiece In YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon