La Luna

81 4 5
                                    

"Galing ako sa buwan," wika niya. Maganda siya, tama lang ang pangangatawan at makinis. Para siyang anghel. Hindi—baka prinsesa! Prinsesang anghel!

Tawa lang ang iginanti ko sa kaniya. Ano ba'ng sinasabi niya? Sayang, ang ganda pa naman niya. Kaso, mukhang may tama sa ulo. Napailing ako sa naisip.

"Sa buwan? Niloloko mo ba 'ko?" tanong ko sa babaeng mukhang nakawala sa Mental Hospital. Sayang talaga!

"Totoo. At hindi mo ito dapat ipagsabi kahit kanino."

Tinignan ko siya nang taimtim. Mukha nga siyang sincere sa sinabi, pero hindi talaga, e. Sa buwan? Imposible.

Oo nga't biglaan na lang siyang sumulpot dito sa likod-bahay namin, pero ang sinasabi niyang sa buwan siya nanggaling—'yon ang 'di ko kayang paniwalaan.

"At bakit ko naman dapat 'di ipagsabi?" hamon ko sa kaniya. Dahan-dahan kong isinara ang hose na ipinangdidilig ko kanina bago siya sumulpot.

"Dahil manganganib ang mundo niyo."

Muli na naman akong natawa sa sinabi niya. Ano daw? Kung makapagsalita siya, para siyang alien. Teka...

Napatigil ako sa pagtawa.

"'Wag mo sabihing... a-alien ka?" Gusto ko ring matawa sa sarili sapagkat parang 'di ako ang nagsasalita. Alien? Saan ko naman napulot 'yon? Ano ako, batang naniniwala sa mga kathang-isip?

Umiling siya. Sabi na nga ba, niloloko lang ako nito, e. Baka naman masamang-loob ito, at ito ang taktika niya o nila para makagawa ng masama, magnakaw? Naku, maling-mali na kinakausap ko pa 'to!

"Alam mo, miss, umalis ka na lang. Bumalik ka sa buwan kung do'n ka nga galing. Marami pa akong gagawin," pagtataboy ko sa kaniya. Patay ako kay Mama, hindi pa ako yaring magdilig!

Yumuko siya.

"Ngunit, wala akong matitirhan. Sa susunod na isang buong pag-inog pa ng buwan ang balik ko roon," malungkot niyang tugon.

Napatakip ako sa mukha. Mukhang napipintigan ko na ang gusto niyang iparating.

"Ano'ng pangalan mo?" Nagulat ako sa sarili dahil nagkusa itong magtanong. Ano ba naman, pinalalala ko pa imbis na magpatuloy ako sa pagdidilig, e.

"L-Luna. Ako si Luna mula sa buwan. Ako ang pangalawang prinsesa ng mga Lunarian."

Luna...

Bagay sa kaniya ang pangalan niya. Para siyang... para siyang lunatic!

Hindi ko na isinatinig 'yon sapagkat alam ko namang gumalang sa mga babae, lalo na't ang Mama ko lang ang nakasama ko sa nakaraang dalawampu't tatlong taon.

Pero kung totoo ngang prinsesa siya, tama ako. Baka ro'n ay maniwala ako dahil ang ganda niya talaga.

"Kung galing ka nga sa buwan, edi alien ka," pagdidiin ko sa kaniya.

"Hindi. Hindi alien ang tawag sa amin. Lunarian. Kami ay mga Lunarian. Ikaw ginoo, ano ang ngalan mo? Pansin ko ang iyong kaibahang kisig sa ibang tao sa mundo ninyo."

Umiwas ako ng tingin sa kulay abo niyang mga mata. Oo, abo. At habang papadilim ay lalong tumitingkad ito.

"Adam," maikling tugon ko, ipinagwawalang-bahala ang sinabi niya. Hindi ko naman bihirang marinig 'yon mula sa ibang babae. Pero bakit parang iba 'pag galing sa kaniya? Dahil ba malalim siyang magsalita?

"Adam... Maaari ba akong makituloy dito hanggang sa dumating ang tamang panahon ng pagbabalik ko sa amin?"

Sabi ko na nga ba, e. 'Eto na 'yung napipintigan ko. E, paano kung masamang-loob nga siya? Kahit maganda siya, 'di dapat ako magpalinlang. Saka, patay ako kay Mama nito. Halos 'di ko natapos ang pagdidilig ng—

La LunaWhere stories live. Discover now