"LOUIE?"

Nagulat naman ako nang bigla ko siyang makita. Nasa harapan ko siya at nakangiti sa akin.

Napakabilis ng pagtibok ng puso ko. Sobra-sobrang saya lang ang nararamdaman nito.

Si Louie... Buhay pa si Louie.

Nginitian ko rin siya nang bigla siyang umiling.

"Huh?" Pagtataka ko, pero ngumiti lang ulit siya. "Lulu-"

Inabot ko siya, nang bigla namang kumulog nang napakalakas.

Bigla akong napamulat ng mga mata. Nakatulog nga pala ako. At si Louie... panaginip lang pala. Isang panaginip lang pala ang makita siyang buhay.

Malungkot akong napangiti, nang muling kumulog.

Buti pa 'yung pagkulog, totoo...

Mula pagkakadapa sa sofa ay umupo ako at nagkusot ng mga mata, nang mapansin ko ang orasang nakasabit sa itaas ng TV rack.

Pa-alas singko na pala ng hapon. Parang sabi ko kanina, thirty minutes lang ako matutulog ha? Pero halos dalawang oras ako nakatulog.

Tumingin ako sa paligid. Wala si Cloud. 'Yung TV naman, nakapatay na.

"Cloud?" Malakas kong tawag sa kapatid ko. Naghintay ako ng ilang segundo para magpakita siya. Pero wala.

Nasaan na kaya 'yon?

Una kong tiningnan kung nasa garahe siya at naglalaro ng basketball. Pero wala siya roon.

Sunod ay umakyat ako sa mga kuwarto namin. Pero ni isa sa dalawang kuwarto na naroon, wala si Cloud.

Kinabahan ako. Pero kumalma rin ako nang maisip ko na hindi ko pa pala nache-check ang CR naming nasa ibaba. Malamang naroon lang ang batang 'yon at dumudumi.

Bumaba na ako at pumuntang CR. Nang makita ko ang pinto no'n na medyo nakabukas at walang ilaw sa loob, muli akong kinabahan. At halos lumabas na mula dibdib ko ang puso ko dahil sa sobrang kaba.

Si Cloud... wala rin doon sa CR.

God, nasaan na ang kapatid ko?!

Lumabas ulit ako sa garahe. Pero wala talaga si Cloud doon. At nang i-check ko ang mga tsinelas namin, nawawala pati ang tsinelas niya.

Lumabas siya? Bakit? Hindi naman siya lumalabas ng bahay nang walang kasama ah!

Cloud naman, saan ka nagpunta?!

Mangiyak-ngiyak akong sumilip sa labas ng kalsada. Walang tao roon. Wala kahit na anong trace ng kapatid ko. 

Muling kumulog nang napakalakas. Kasabay no'n ay ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ko.

Sobra akong natatakot at nag-aalala. Unang beses lang ito na nawala si Cloud-nang umalis siya mag-isa at walang paa-paalam sa akin.

Ano bang pumasok sa isip niya at ginawa niya 'to?

Tuliro akong pumasok ng bahay at kinuha ang cellphone ko. Gusto kong i-text si Mama pero pinapangunahan ako ng takot ko.

Magagalit si Mama... Ayoko no'n... Hahanapin ko na lang muna si Cloud. Baka sakaling makita ko siya. Sana-sana makita ko siya.

Muling may tumulong luha sa mga mata ko na muli ko ring pinahiran gamit ang mga kamay ko. Pagkatapos ay tumakbo ako palabas ng bahay.

"Cloud!" Sigaw ko habang naglalakad-tumatakbo sa kalsada ng village at iniikot ang paningin sa paligid. "Cloud!"

May iilang tao akong nakasalubong na pinagtanungan ko. Pero wala raw silang nakitang bata na katulad ni Cloud.

Maya-maya, bumagsak na ang napakalakas na ulan at mabilis akong nabasa.

Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)Where stories live. Discover now