Lalong nanghaba ang nguso ni Almira. “Nakakainis ka naman, eh!”

“Tara na kasi. Mamaya na ‘yan.” Hinila niya ang braso ni Almira dahil huminto ito sa paglalakad at mukhang wala itong balak na magpatuloy.

“Naiinis kasi ako, best! Alam mo ba kung anong ginawa ng ate mo, ha? Ipinagkalat niyang pinalayas ka sa inyo dahil may karumaldumal kang ginawa. At alam mo ba kung gaano kasakit sa’kin na hindi ka man lang maipagtanggol kasi kahit ako hindi ko alam kung anong nangyayari sa’yo?”

“Best, sorry na. Promise, magkukwento ako sa’yo mamaya,” sagot niya. Hindi niya maiwasang malungkot dahil sa sinabi nito.

Siguradong masayang-masaya ang Ate Patrice niya dahil wala na siya sa poder ng mga ito.

“Saan ka nakatira ngayon?” pagtatanong uli ni Almira.

“I’ll tell you the whole story later, best. I promise.” Itinaas pa niya ang kanang kamay para tumigil na sa pagtatanong si Almira.

Humugot lang nang malalim na hininga si Almira at tahimik silang nagpatuloy sa paglalakad.

Batid ni Aya na nagtatampo na sa kanya si Almira. Ikukwento naman talaga niya lahat dito ang mga nangyayari sa buhay niya. Ayaw niyang maglihim sa nag-iisang kaibigan. Sa mga nangyayari ngayon sa kanya, si Almira lamang ang mapagkakatiwalaan niya.

Hindi mapigilang mapangiti ni Aya nang tuluyan na siyang makapasok sa loob ng classroom. Nasasabik na siyang makapag-aral uli. Matagal-tagal din ang dalawang linggong pagliban niya sa klase.

Pinunasan niya ang upuan gamit ang tissue at akma nang uupo nang may bumunggo sa kanya.

"A-Ate Patrice," mahinang usal niya nang makilala ang babae sa kanyang likuran.

"Tumabi ka nga sa daanan! Pakalat-kalat ka!" bulyaw nito sa kanya.

Nagtawanan naman ang mga kaklase nila. Imbes na patulan ay hinayaan na lamang niya ito. Sanay naman na siya sa ganoong pagtrato ng nakatatandang kapatid sa kanya. 

Ipagtatanggol pa sana siya ni Almira pero mabilis na napigilan niya ang kaibigan. Masama na ang tingin ni Almira sa Ate Patrice niya at alam niyang hindi nito uurungan ang kapatid niya.

"A-Aray, Ate! Nasasaktan ako!" Napahiyaw na lang si Aya nang sabunutan siya ng ate niya. Hindi niya inaasahan na gagawin nito iyon sa kanya kaya hindi agad siya nakaiwas.
Nag-umpisa nang magsigawan ang mga kaklase nila. Hindi para umawat, kundi para pagpustuhan kung makakalaban ba siya sa ate niya.

"Huwag mo akong tatalikuran, malandi ka!" bulyaw ng Ate Patrice niya sa kanya. Nakita niya ang pagtayo ni Almira ngunit naging maagap ang mga kaibigan ng ate niya at hinarangan ito.

"Baliw ka! Bitawan mo si Aya! Ikaw ang malandi!" Nagwala na si Almira pero hindi pa rin pinapakawalan ng ate niya ang kanyang buhok.

"Huwag na huwag mo akong tatawaging ate dahil hindi kita kapatid! Wala akong kapatid na kabit!" bulyaw nito sa tapat ng tainga niya pagkatapos ay pabagsak siyang binitawan.

Muntik na siyang mawalan ng balanse. Mabuti na lang, mabilis siyang nadaluhan ni Almira.

“Lumalabas na ang totoong pagkatao mo! Akala mo hindi ko alam, ‘no? Sinabi sa’kin ng MAMA KO na sumama ka sa matandang lalaking may asawa na." Mas diniinan pa nito ang pagsasabi ng 'mama ko' na parang sinasabi nito na ito lang ang anak ng mama nila.

"Hindi ‘yan totoo!"

"Huwag mo nang i-deny! Malandi ka talaga!"

Hindi na siya nakapagsalita.

Nag-umpisa nang magbulungan ang mga kaklase nila at iba't-ibang masasakit na salita na ang naririnig niya mula sa mga ito.

"Hoy! Nababaliw ka na ba at hindi mo na alam ang mga lumalabas sa marumi mong bibig?! Hindi malandi ang kaibigan ko! Huwag mo siyang itulad sayo! Gago!" Susugod na sana si Almira pero agad niya itong pinigilan. Ayaw niyang madamay pa ito sa problema niya sa kapatid.

"Anong kaguluhan ito?" Kanya-kanyang pulasan ang mga kaklase nila dahil sa pagdating ng pinaka-terror na Professor nila.

"We're not yet done, slut!" pahabol ng Ate Patrice niya bago pumunta sa pwesto nito.

Kinakausap pa siya ni Almira ngunit tanging tango na lang ang naisagot niya. 

What the hell just happened? Nanghihinang napaupo na lamang siya sa upuan.

Pumatol daw siya sa matanda? Naalala niya ang mga narinig na usap-usapan kanina.

So, all along ay siya pala ang pinag-uusapan ng mga ito? 

Nagsimula nang magturo ang Professor nila pero hindi siya makapag-focus sa kung anong sinasabi nito. Iniisip pa rin niya ang sinabi ng Ate Patrice niya. Nagngingitngit ang kalooban niya sa mga maling balita na ipinagkalat nito.

His Wife [Published by PSICOM] [Now Available on DREAME]Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ