"I'm dealing with my loss my own way."

"You're keeping it all in."

"Pabayaan mo ako."

Sinubukan ko na naman na lagpasan siya pero hinuli niya ako sa braso. "I can't," sabi niya. "I care about you."

Tumigil ako at saka tinanggal iyong kamay niya na nakahawak sa braso ko. I can't deal with his feelings right now.

"See? This is the reason why I can't stay with you. You have feelings for me. I can't deal with feelings right now."

Hindi ko alam kung sakit ba iyong nakita ko sa mata niya. Nasaktan ko ba siya? Siguro. Pero bakit niya ako ginaganito? Alam niya na hindi ako okay. Alam niya na may Candy siya. Bakit ba mas lalo niyang pinapagulo iyong magulo kong buhay?

Nilagpasan ko siya at saka naunang bumaba. Nung nasa labas na ako, at saka ko naalala na siya nga pala ang kasabay ko papunta sa school. Bahala na. Mas gusto kong maglakad palabas ng subdivision nila kaysa makausap ko na naman siya.

Naglalakad ako nung magring iyong cellphone ko. Bigla na lang akong napaigtad. Tuwi na lang magriring ito, lumalakas ang kabog ng dibdib ko.

"Hello, Pa? Yes, Pa. I'm alright. I'm still going. Yes, Pa. Thank you, Pa." At saka ko ibinaba iyong tawag niya. My life's a mess. Simula pagkabata ko hanggang ngayon, magulo. Ni minsan sa buhay ko, wala pa akong bagay na natawag ko na akin talaga. Palagi na lang hiram. Ganito ba talaga?

Ilang minuto akong naglakad bago ako nakarating sa dulo. Mabuti na lang at mabait iyong guard kaya pinatawag niya ako ng taxi. Sumakay ako. At nung tinanong niya sa akin kung saan ako pupunta...

"Sa St. Peter po."

Tibok ng dibdib ko. Iyon lang ang naririnig ko. Walang ibang pumapasok sa isip ko kung hindi ang tibok ng dibdib ko na nagpapaalala sa akin na buhay pa ako. Iyon lang ang pinakinggan ko hanggang sa makarating kami sa paroroonan ko. At nung nandun na kami, ilang segundo akong nakatayo lang sa labas. Iniwan na ako ng driver pero, nandun pa rin ako.

Memorial for Parker Adrian Yapchengco

September 13, 1994- December 3, 2015

Ayun na. Nakikita ko pero ayaw niyang pumasok sa utak ko. Sumasampal na sa mukha ko pero ayaw ko pa ring tanggapin. Patay na, Imo. Patay na. Pinatay mo na. Ayaw mo pa ring maniwala?

Ilang tao ang lumagpas sa akin. Ilang mga ka-eskwela namin ang nakatingin sa akin. Naaawa sila? Nagagalit? Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman nila para sa akin dahil ako mismo, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko para sa sarili ko.

Ilang beses kong itinaboy si Parker? Isa? Dalawa? Hindi ko na mabilang sa sobrang dami... pero ni minsan hindi ko hiniling na mamatay siya.

"Condolence," sabi ng iba sa akin. Tumango lang ako kahit wala namang magagawa ang mga salita na iyan sa akin. Maraming nagtanong kung okay lang daw ba ako. Parang tanga. Kapag sinabi ko bang okay ako, maniniwala sila?

Nagsisimula na namang pumatak ang ulan. Paunti-unti hanggang palakas ng palakas. Hanggang sa wala na akong nagawa kung hindi pumasok sa loob.

Pagpasok ko, mas lalo ko siyang naramdaman. Maraming mga tao. Hindi ko sila kakilala. Maraming nagluluksa para sa pagkamatay ni Parker. Mabait kasi siyang tao kaya hindi na ako nagulat.

At ayun... nakita ko 'yung picture niya na katabi ng isang urn. Nakangiti siya roon. Parang buhay na buhay siya. Hindi mo aakalain na wala na siya ngayon... kasi ang saya-saya niya... kasi ang bata pa niya... kasi alam mo na marami pa dapat siyang maranasan sa buhay niya.

Napako ako sa kinatatayuan ko. Hanggang sa makarinig ako ng hikbi.

Nandun siya. Nandun si Bianca. Iyak siya ng iyak. Mayroon siyang katabi na manika. Iyak talaga siya ng iyak.

Nainggit ako sa kanya kasi siya, nakakaiyak. Gusto ko rin na umiyak para mas maramdaman ko iyong sakit pero wala. Kahit isang luha, walang gustong lumabas mula sa mga mata ko. Wala talaga.

Kaya naman kusang naglakad ang mga paa ko. Umupo ako malapit sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ko ginawa iyon. Alam ko na posible na sampalin niya ako kagaya ng palagi niyang ginagawa pero ganun pa rin ang ginawa ko. Nararamdaman ko kasi siya. Alam ko kung ano ang pinagdadaanan niya.

Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang magalit sa kanya. Wala naman na kasing magagawa ang galit ko. Tapos na. Patay na. At pareho lang naman kaming mahal siya.

Iyak pa rin siya ng iyak.

"Siya ba si Bea?" tanong ko. Agad siyang napatingin sa gawi ko. Pulang pula ang mata niya. Magulo ang buhok. Mukhang walang tulog. Malayong-malayo sa Bianca na nakilala ko.

Puno ng luha ang mukha niya pero nagawa niyang tumango.

"Kamukha mo siya."

"Kamukha siya ni Parker," sabi niya habang pinupunasan ang mukha. Hindi siya nakapagpatuloy sa pagsasalita dahil biglang may dumating. "Ate..." sabi niya.

"Hindi ka ba talaga marunong umintindi?! Hindi ka nga pwede rito!" sigaw ni Ate Kach. Natahimik lahat ng tao. "Alis!"

Umiyak ng umiyak si Bianca. Pulang-pula na ang mukha niya.

"Ate... ate, please... Gusto ko pang makasama si Parker... Ate naman..."

"Lumayas ka nga!"

Napaupo si Bianca sa sahig habang yakap ang binti ni Ate Kach. Umiwas ako ng tingin. Ayokong makita. Hindi ko alam pero naaawa ako sa kanya.

"Guard, pakitapon naman sa labas 'to! Kapag nakita ko ulit dito sa loob 'yan, papatanggalan ko kayo ng trabaho!" sigaw niya ulit. Umiiyak si Bianca habang dinadala siya ng mga gwardiya sa labas. Wala akong nagawa. Nakatayo lang ako roon.

Natapos ang lahat. Bumalik na naman sa dati. Na para bang walang nangyari kanina. Ganito ba talaga? Mabilis lang nakakalimutan ang lahat. Na pagkatapos ng ilang araw, nakalimutan na ng mga tao.

Bakit ang bilis nating makalimot?

Kumalma na si Ate Kach. Napatingin siya sa gawi ko. Biglang lumakas ang tibok ng puso ko. Lumapit siya sa akin. Hinanda ko na ang sarili ko kung sakaling palayasin niya ako. Gusto ko lang namang makita si Parker.

"Imo," Iyon ang sinabi niya. Tahimik lang ako habang nakatungo. Nagulat ako nung bigla niya akong niyakap. "Stay strong," bulong niya sa akin at saka ako binitiwan. Wala na siyang ibang sinabi. Iniwan niya na ako.

Nakatayo lang ako sa gilid. Nakatingin sa litrato ni Parker. Siguro ilang oras ako na nakatayo lang doon. Kahit na nandito ako sa lamay niya, hindi pa rin talaga pumapasok ng buo sa utak ko na wala na siya. Parang isang malaking panaginip lang talaga ang lahat.

Ilang minuto pa, lumabas na ako. Nagsimula akong maglakad nung makarinig na naman ako ng hikbi. Sinundan ko iyon hanggang sa makita ko si Bianca na umiiyak sa isang tabi.

Lumapit ako sa kanya at saka siya niyakap. Ni minsan, hindi ko naisip na kailanman ay yayakapin ko siya... Pero sa nakikita ko ngayon, siya ang pinakanasasaktan sa aming lahat.

Mahal na mahal niya si Parker.

"Stay strong," bulong ko rin sa kanya.

Iniwan ko siya agad pagkatapos nun. Naglakad lakad na naman ako. Sumakay ulit ako ng taxi hanggang sa ibaba niya ako sa isang bar na pinuntahan namin dati ni Tobi. Wala na akong balak pumasok. Para saan pa? Wala akong libro, wala akong notebook, ni wala akong ballpen. Nasunog na lahat.

Pumasok ako sa loob. Nagsimula akong umorder ng alak. Alak tapos isa pa ulit. At isa pa. At isa pa hanggang sa makalimutan ko kahit pansamantala lahat ng nangyayari sa buhay ko.


Just The Benefits (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon