Tahimik lang ang lalaking pulis na nakikinig sa kanya.

"Tinayuan siya ng bahay ni Bart upang may matuluyan siya. Pamin-minsan ay umuuwi siya roon subalit hindi madalas."

"At doon niyo siya natagpuan, Chief?"

"Oo. Kinidnap niya pa ang anak ni Isaac na inaanak ko."

"Si Madelle?"

Tumango siya habang napapangiti. "Confirmed. Siya ang killer."

Namamanghang ngumiti rin sa kanya si Mike. "Ang galing nyo pala, Chief!"

Napaatras sila nang padaskol na kinapitan ni Inon ang mga rehas. "Kayo... mamatay!"

"Baliw talaga!" Natatawang ani Mike.

"Malapit... na..." nandidilat ang mga mata nito. "Mamamatay... kayo..." kasabay ng paglitaw ng mga nabubulok nitong mga ngipin. "Mamamatay tayo! Galit siya! Bumalik siya! Mamatay tayo!"

Napahalakhak si Joshua. "Baliw!" pagkasabi'y binulungan niya si Mike. "Alam mo na ang gagawin sa kanya. 'Dispatsa mo na."

Umangat ang sulok ng bibig ng lalaki. "Yes, Chief."


***


ISAAC

INIHIMPIL NI ISAAC ang police mobile car na minamaneho niya sa gate ng bahay ni Kendo. Palinga-linga siyang bumaba at dinala niya si Cristina papasok. May kinuha rin siyang envelope at folder sa compartment ng sasakyan. Hindi pa man siya kumakatok sa pintuan ay may nagbukas na nito.

"Brad, what happened?" bungad sa kanila ng kaibigan.

"Nandiyan ba ang mga katulong mo?" Tanong ni Isaac.

"Wala lahat. Off nila. Bakit?" tanong din nito sa kanya.

Hindi na niya ito tinugon at hinila pahakbang sa loob ang babae.

"Kendo, pasensya na..." si Cristina na ang humingi ng tawad.

"It's okay. Tutol din ako nang posasan ka nila." Sabay lapit nito sa kanya na sisilip-silip sa bintana. "Pwede ko kayong tulungan makalayo. Just tell me dahil may mga contacts ako."

Humarap siya rito. "Salamat, brad. Pero hindi na kailangan."

"Pero paano kayo? Labag sa batas itong ginawa mong pagtakas kay Cristina."

"May plano ako."

"A-anong plano mo, Isaac?" Sabat ni Cristina na nasa kanilang likuran.

"Plano ko munang kunin ang mga bata." Umupo siya sa sofa na malapit lang sa kanya at inilapag sa tabi ang hawak na papeles. "Saka ko na pag-iisipan kung paano kami makakaalis ng San Martin. Itatago ko sila, iingatan... aalagaan."

"P-paano si Flexus?" nagbago ang tinig ng babae. "P-paano ang asawa ko?"

Nagkatinginan sila ni Kendo. Hindi niya alam kung paano titingin kay Cristina. "Wala na ang asawa mo."

Nagulat ito sa sinabi niya.

"P-patay na siya... hindi mo na siya makikita..." Ibinagsak niya ang paningin sa sahig.

"H-how did you know that? N-nakita mo ba ang katawan niya? Wala naman, 'di ba?!"

Hindi na niya ito kinibo. Tumahimik na lamang siya habang ang kanyang mukha ay nakakulong sa sarili niyang mga palad.

"Brad, how are you certain with this?" untag sa kanya ni Kendo.

Tumayo siya at tumungo sa bintana gamit ang mabibigat na mga paa. Sinabunutan niya ang sarili na para bang masakit ang ulo niya. Pero ang totoo ay halos mabaliw na siya sa kakaisip. Hindi niya matanggap ang totoo. Pumihit siya paharap sa dalawa.

Napatingin si Kendo sa envelope at folder na nakalapag sa sofa matapos kay Cristina. "Ano ang mga papeles na ito?"

Umiling siya. Hindi maipinta ang kanyang mukha na parang hindi malaman ang gagawin.

"A-anong nangyayari, Isaac?" may pag-aalala sa tinig ng babae.

Huminto siya sa paghinga. Napasintido siya bago niya hinugot ang baril sa kanyang bulsa. Agad niya iyong itinutok kay Cristina. Nagulat ang dalawa at napaatras sa ginawa niya.

"Hey, Isaac!" awat sa kanya ni Kendo. "What the hell are you doing?"

Si Cristina naman ay napanganga sa ginawa niya. "A-ano ba talagang nangyayari, Isaac?"

Nanlilisik ang kanyang mga mata habang ang kanyang baril ay nakatutok sa babae. Tila ba anumang oras ay handa na siyang patayin ito.

"Isaac, please! Say something!" pagmamakaawa ni Kendo.

Samantalang siya ay nakatuon lang ang mga mata sa taong tinututukan niya.

"I-Isaac..." napaluha na si Cristina.

"Hindi kita itinakas para iligtas," wika niya nang may diin. "Itinakas kita para patayin!"

JF

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon