Tumayo siya at itinukod ang mga palad sa kanyang desk. "Come to think of it. Magagawa bang pilipitin ni Cristina ang leeg ni Bart nang 360 degrees? Patumbahin ang pulis na may baril? Ang pira-pirasuhin ang katawan ni Mrs. Joy Garcia?"

Tigagal lang ang dalawa sa kanya.

"Malaki ang pangangatawan ng lalaking iyan at may taas ng doble sa atin. Baliw lang ang makakagawa nito at may alam sa pakikipaglaban."

"M-may alam sa pakikipaglaban? A-ano ibig mong sabihin, Chief?" nagkandabulol si Rox.

Bumaling siya sa malayo at umiwas ng tingin sa dalawa. "Dating pulis ang baliw na iyan." Ibinalik niya ang mga mata sa mga kausap. "Kapatid siya ni... Bart."

***

ISAAC

NANGANGAWIT NA SI Isaac sa cellphone na nasa kanyang tainga. Kanina niya pa kasi tinatawagan si Madelle pero hindi ito sumasagot. Kasalukuyan siyang nasa loob ng kanilang police mobile car kung saan si Cristina ay nasa backseat. Katabi niya si Mike na nagmamaneho ng kanilang sasakyan. Ito ay isa rin sa mga pulis na kasamahan niya.

"Sinong naiwan doon, Mike?" Untag niya sa kasamahan na abala sa kalsada.

"Si Dan, sir."

"Eh, bakit hindi niya sinasagot ang tawag ko?"

"Baka nagyo-yosi yun, sir. Adik iyon sa sigarilyo, eh." Natatawa pa ito habang nakakapit sa manibela.

"Hindi rin kasi sumasagot ang anak ko." Sabi niya sa pagitan ng kanyang pagtitipa sa touchscreen ng phone.

"Hindi sumasagot si Madelle?" may pag-aalala sa tinig ni Cristina na nasa kanilang likuran. Dinig kasi nito ang kanilang pinag-uusapan. "Baka kung ano nang nangyari kay Madelle!"

Kumunot ang noo ni Isaac. Bakit parang mas nag-aalala pa si Cristina sa anak nila kesa sa dalawang mas bata pa nitong anak? Napahugot na lang siya ng paghinga. "Ihinto mo ang sasakyan, Mike."

"Sir?" nangunot ang noo nito.

"Ihinto mo."

Inihinto naman ng lalaki ang sasakyan.

Tumingin siya sa rearview mirror upang pagmasdan si Cristina na sa likuran. "Naalala mo noong ikinasal tayo, Cristina?"

"Ha?" Napanganga ang babae sa tanong niya.

"Kay Bart tayo unang nagsabi. Kinuha natin siyang ninong sa kasal natin." Unti-unting napangiti si Cristina.

Napabuga ng hangin si Mike. "Sir, hindi pa ba tayo aalis?"

"Iyong ginamit nating kanta sa kasal, iyong kanta ni Kendo... 'di ba paborito iyon ni Bart?" sa pagkukwento niya ay para bang wala si Mike sa tabi nila.

"O-oo... paborito namin ni Bart ang kantang iyon..."

"Amora," anas ni Isaac. "Yeah, that's the song."

Napahalakhak si Cristina. "Amora. Gustong-gusto ko ang compose na iyon ni Kendo. Lalo na ang pagkakakanta niya."

Umikot ang bilog ng mga mata ni Mike. Nakokornihan yata ito sa kanila. "Sir..."

Napapikit si Isaac makalipas ang ilang sandali. "M-mahal mo pa ba ako, Cristina?" biglang sumeryoso ang kanyang mukha.

Napatitig sa kanya ang babae sa rearview mirror.

Dinig niya ang malalim na paglunok ni Mike sa tabi niya. "C-Cristina..." gumaralgal ang boses niya. "M-mahal mo pa ba ako?"

Lumamlam ang mga mata nito at saka marahan itong tumango. "M-mahal pa rin kita, Isaac..."

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon