Chapter 6 - Days With Raisa

256 9 0
  • Dedicated kay Jr Ravarra Real
                                    

Anong ginagawa mo diyan? San ka pupunta? Bakit ka nakasuot ng pang-alis?” tanong ni Tommy.

“Uhmmm...” di makasagot mabuti si Macario at ni hindi rin siya makalingon sa kaibigan. Kitang-kita sa tuhod niya na nanginginig siya. Mas lalo pa tuloy itong pinagtaka ni Tommy.

“Bakit ka nanginginig? Anong meron?” 

“Uhmmmmm....”

“Di kaya, di kaya—” 

“Saglit—saglit! Mali yang iniisip mo, kung ano man yan. Basta, kung anong nakita mo ngayong gabi, wag mo nalang ipagsabi kahit kanino lalo na sa principal please?” sabi ni Macario.

“Ah? Ano bang meron? Sagutin mo nga tanong ko nang di ako magduda sa’yo. Bakit ka gising sa gitna ng gabi at—”

“At?”

“At sino ngayon nakahiga sa kama mo?” tanong ni Tommy.

Agad-agad bumalik si Macario sa kama niya. Hanggang ngayon kasi, mukhang may natutulog parin dito at nakatalukbong pa mula ulo hanggang paa. Kalauna’y nasagot ang mga tanong ni Tommy nang tanggalin ni Macario ang kumot.

Bundok-bundok na unan na naghugis tao ang ngayo’y nakalatag sa higaan ng kaibigan. Agad namang nagtakip si Tommy ng bibig dahil sa kanyang pagkabigla.

“So unan lang pala lagi ang nakahiga diyan sa buong gabi? Ilang beses mo na ginagawa yan?” tanong ni Tommy.

“Sa katanuyan niyan. Matagal na...” ngiti ni Macario.

Nakataas na ngayon ang mga kilay ni Tommy.

“Uhmmmm... ginagawa ko lang yan kapag tulog na tulog ka na pati si Armand,” dagdag ni Macario.

Huminga ng malalim si Tommy. “Macario, di mo naman kailangan isikreto kung anong ginagawa mo depende nalang kung.... may ginagawa kang masama?” 

“Wala akong ginagawang masama. Sadyang—ayaw ko lang na malaman niyo kung anong ginagawa ko. Basta matulog ka nalang. Basta wag mong kalimutan kung anong pinag-usapan nating dalawa ok?” 

“Ang weird mo talaga no? O sige ikaw bahala. Ang akin lang naman, gawin mo kung anong gusto mong gawin basta siguraduhin mo nga lang di yan masama,” sabi ni Tommy.

Ngumiti si Macario pabalik. Umalis na siya at sinara ang pinto. Bumalik nalang si Tommy sa kama niya at hinintay nalang ulit na dapuan siya ng kanyang antok.

Ano kayang mga bagay ang ginagawa ni Macario? Matagal na silang magkaibigan ni Tommy pero pakiramdam niya, may mga bagay parin sa kaibigan ang di niya alam at nananatili paring misteryo. Kailan niya ito malalaman? 

Nagising ng maaga si Tommy. Kailangan pa nilang maghanda para sa pasok nila mamaya. Tumingin siya ulit sa paligid para tignan ang mga kaibigan niya. Nakita niya si Armand na tulog parin at si Macario na nakahiga na sa kama nito. Nakabalik na siya mula sa lugar na nanatiling tanong sa utak ni Tommy.

Tumayo si Tommy at inayos agad ang kama. Nag unat-unat muna siya bago niya punasan ang mga mata niya. Humikab siya at lumapit kay Armand. Gigising niya na sana ito ng biglang...

KNOCK. KNOCK. KNOCK.

Napatingin si Tommy sa pintuan. “Ano na namang problema ni Orli at Pierre? Kailangan bang palaging may nangyayari tuwing umaga?” reklamo ni Tommy.

KNOCK. KNOCK. KNOCK.

“Saglit lang!” sigaw ni Tommy.

Inalog-alog ni Tommy si Armand. Ayaw parin nitong magising.

KNOCK. KNOCK. KNOCK.

“Saglit lang Orli puwede? Ano na naman ba kasing problema mo?” tanong pa ni Tommy. Lumapit pa ito kay Macario. Ginising niya rin pero nabigo lang din siya.

TropaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon