PANIMULA

154 10 2
                                        

Note: This is a work of fiction. Any names, places, characters, stories or events are fictional. Avoid plagiarism.

__

Laro ng Mahika

PANIMULA

Nakalambitin nang patiwarik. Namamaga ang bibig at patuloy pa ring tumutulo ang dugo mula sa ilong nito. Walang malay habang ako'y nakapwesto lamang sa isang tabi nitong madilim na kwarto. 'Committee Council of Magic, first seat', basa ko sa ID card niya. Gusto kong matawa sa sarili dahil sa ginagawa ko, kahit tapusin ko na ngayon din ang buhay ng isang ito wala ring gaanong epekto iyon laban sa kanila. First seat member lang 'to. Masasayang lang yata ang oras ko nito. Gumalaw ang nakalambitin na lalaki at nagngalit ang mukha nitong nagpupumiglas doon. “Nasaan ako?” sigaw nito sa ‘kin nang mamataan ako. Isang ilaw lang ang gumagabay sa itaas niya at pumipintig ang mga mata kung saan ako naroroon. “At sino ka namang hayop ka?” ang sunod na ibinuka ng kanyang mga labi.

“Sabihin mo kung sino ka!” Pinapanood ko siyang nagwawala roon. “Tinatanong kita kung sino ka!" kahit ilang ulit tumalsik ang laway at halos pagluwa ng mga mata niya, hindi ako gumalaw mula sa pwesto ko. Tila naging isa na lang akong estatwa sa parte ng kwarto ito. Siya naman ay malalim na ang paghinga na pilit nilalabanan ang bigat ng katawan. Pigil-hiningang inangat ang ulo upang abutin ng nanginginig at desperadong kamay ang nakataling mga paa. Ngunit sa kasamaang-palad, bumigay at humampas pa rin ang pagod at humalik sa orihinal nitong pwesto ang katawan niya. Nang siya’y makabawi ng hininga ay minura niya ako nang pagkalakas-lakas. Umalingawngaw iyon sa nakasaradong silid na ito. Pero kahit doblehin pa niya ang lakas ng sigaw na iyon hindi ako nangangambang may makakarinig sa kanya.

Nagsubok akong kumuha ng sigarilyo mula sa 'king bulsa, pero natigilan ang kamay ko nang mapagtantong wala na nga pala akong dala-dalang gano'n. Nakaka-stress naman. Pero paano ko nga ba aayusin ang bagay na 'to nang hindi ko nadadagdagan ang problema? Oo, may plano ako pero hindi ito kasama roon. Isa pa, hindi malaking isda ang nahuli ko, pipityugin lang siya. Ni hindi pa nga niya ako kilala sa loob ng Council Grounds—hindi ko naman sinasabing sikat ako roon pero nandoon na ang punto ko. Napasandal ako sa upuan na iyon at tumingala sa madilim na kisame. Kailangan kong mag-isip. Isip, isip, isip. Kung kailan ka kailangan, saka ka nawawala. Sa ilang segundong katahimikan. Pumikit ako. Huminga nang malalim saka muling binuka ang mga mata.

Tsk. Bahala na nga.

Tumayo ako nang pagkabilis-bilis na nagpagulat sa lalaking nakalambitin. "Anong gagawin mo sa 'kin?!" Nilapitan ko siya. Iniluhod ang isa kong tuhod sa harap niya kung saan siya gulat at takot na naggaga-galaw na parang uod. Pero hinawakan ko siya sa mismong basa nitong buhok at tinitigan sa baliktad nitong mga mata. "Pakiusap, huwag mo 'kong sasaktan." Sa isang iglap, naramdaman niya yatang wala siyang kawala rito kaya bumigay ang palaban niyang boses at mukha.

Hindi ako sanay sa ganito. Iyong gawing katakot-takot ang mukha at ekspresyon para lang mapa-amo ang isang tao. Nagsasanay pa rin ako pero gaya nga ng sabi ko, hindi ito ang araw ng naka-plano para roon. Pero bahala na. Nandito na rin naman ako kaya paninindigan ko na lang. Mas hinigpitan ko pa ang kapit sa buhok niya kaya't pigil ang sigaw niyang napapikit sa sakit. Ilang sandali na lang baka makita ko na itong maluha. At hindi nga ako nagkamali. Maiisip mo tuloy na puwede na silang patawarin sa lahat ng kasalanang nagawa nila dahil lang dito. At literal na gano'n ang takbo ng batas meron ang bansa ko. At iyon ang mismong bagay na gustong-gusto kong magbago.

"Sigurado ka bang hindi mo 'ko namumukhaan?"

Umiling siya nang umiling sa 'kin sa gitna ng naluluhang mga mata. "Pakiusap, kung sino ka man ano man ang naging kasalanan ko sa 'yo patawarin mo na ak—"

"Pangalawang tanong; sinong nakakaalam sa lugar na 'to maliban sa 'yo?"

"Ako lang. Maniwala ka, ako lang! Ako lang! Pakiusap, pakawalan mo na ako."

Huminga ako nang malalim. "Huling tanong..." Hinintay niya ang muli kong pagsasalita nang nakapikit ang mga mata. Rinig ko ang mabibilis na pintig ng puso niya. Kahit ako mismo kinakabahan pero wala akong magagawa. "... baril o kutsilyo?"

"Hindi, pakiusap, huwag!"

Laro ng MahikaStories to obsess over. Discover now