Chapter 23: PUSHING LIMITS

378 13 2
                                        

Pushing Limits

"Bestfriends na talaga kayo, ah..." siko sa akin ni Vito nang makalapit ako sa kanila pagkatapos kong mahanapan ng mauupuan ang boss ko sa may bandang likuran.

Pahapyaw kong nilingon at nakitang nakatutok lang naman ito sa cellphone niya. Lukot pa rin ang mukha.

Para saan pa at sumama siya kung magse-cellphone lang din naman?

Nagbihis pa ng panlabas na akala mo talaga ay malaking okasyon ang pupuntahan. Dark blue ang suot na long sleeves na polo at maluwag ang pantalon na puti. Hindi naman din nakakapanibago dahil kahit sa bahay lang ito ay nakagayak pa rin.

"Sumama lang," maikli kong sagot at sinabit ko na rin ang gitara sa katawan ko.

"Bakit? Walang magawa sa kanila?" tanong ni Vito.

Sinamaan ko siya ng tingin. Kanina pa si Lorenzo ang bukambibig niya, naiirita na ako. Kahit sa eskuwelahan ay nagtatanong pa rin tungkol kay Lorenzo—kulang na lang isipin kong nagkandarapa siya sa kanya.

"Bakit hindi siya ang tanungin mo, Vito?"

Bahagya niyang tinulak ang braso ko. "'To naman, galit agad. Nagtatanong lang 'yung tao, eh."

"Aminin mo nga. May gusto ka ba kay Lorenzo?"

Namilog agad ang mga mata niya at mabilis na napaatras mula sa akin.

"Gago, 'tol. Ano'ng tingin mo sa'kin, bading?" pagtatanggol niya agad sa sarili.

Mukha namang narinig nina Angelo at Alvaro ang usapan namin at agad siyang naging tampulan ng tukso. Sinabi pa nilang ayos lang naman daw kung bading ito at matatanggap pa rin daw nila—pinagkatuwaan lang.

Alam ko namang hindi baliko si Vito, lalo pa't pinapahayag naman niya na may gusto talaga ito kay Rose. Hindi ko lang maiwasang sabihin 'yon sa kanya dahil panay Lorenzo ang bukambibig niya na parang pati pagbabawas no'ng tao ay matatanong na niya.

Kalaunan ay sumige nang sumige ang pang-aasar nila kaya pakiramdam ko ay nabuwisit ito at pumunta na sa mic stand para i-announce ang una naming tutugtugin, kaya tumahimik agad ang dalawa sa pang-aasar.

Ang karaniwan naming piyesa sa mga gig—Same Ground—ang tutugtugin. Dahil isa 'yon sa mga kantang kahit hindi namin mapagpraktisan ay kabisadong-kabisado na.

At pagpatak mismo ng 9:30 ay kinutingting na ni Vito ang electric guitar niya at hanggang sa nabuhay na ang lahat ng instruments naming apat, at doon na namin nakuha ang atensyon ng lahat.

"My love..." pag-uumpisa ko, at sa direksyong nakatingin ang mga mata ko—kay Lorenzo. Naalis ang tingin niya sa cellphone at humarap sa amin. Hindi ko alam kung yabang ba ang nakita ko sa mukha niya o tuwa, dahil sa ngising lumabas sa mga labi niya. Pero mayroong gumaan sa loob ko dahil nawala na ang lukot at galit niyang mukha kanina pa—mula uwian hanggang sa pagpunta rito. Hindi ko tuloy maiwasang magyabang sa utak ko bigla.

Ano? Nabibilib siya?

Dahil gano'ng-gano'n ang reaksyon niya noong acquaintance party nila, habang pinapanood akong kumanta sa harapan.

Habang pinagpapatuloy ko ang pagkanta, ipinikit ko ang mga mata ko nang mas maigi para makapag-focus. Para bang sapat nang nakuha ko ang atensyon ng amo ko.

Pero kahit anong subok kong magseryoso, napapangisi ako sa isiping ipakita sa kanya ang mga bagay na hindi niya makikita at maririnig sa mga club o bar na pinupuntahan niya. Na dito sa balwarte ko... makakahanap ka ng kapayapaan... banayad lang.

Nang muli kong buksan ang mga mata ko, sa kanya agad napadako ang mga mata ko. Gano'n pa rin ang hitsura niya—nanonood pa rin sa amin. Nga lang, ang kaibahan ay hindi siya nakatingin sa akin ngayon, kundi magkasalubong ang mga kilay niya habang ang tingin ay sa kung sino'ng nasa gilid ko.

Faster than River FlowsWhere stories live. Discover now