MULTO

6 0 0
                                        

Mga bulungan na tila lagaslas ng ilog. Mga estranghero na mukha lamang ang pamilyar. Mga pagbati, ngiti, at tawa ng mga palapit na dayuhan. Payapa ang paligid ngunit buong takot, kaba, gulo ang laman ng isip ni Kira habang nasa loob ng silid.

Gaya ng isang hayop sa gitna ng masukal na kagubatan, kilala na ni Kira ang hindi pamilyar na realidad. Nagmistulan siyang munting hayop na laging alerto, takot na masunggaban — takot na mahusgahan. Hindi na siya makapaghintay pa na lumabas. Pagod na si Kira na ngumiti, bumati, at makitawa.

"Mauna na ako!" paalam niya sa halos lahat nang kanyang nakakasalubong. Mangilan-ngilan lamang sa kanila ang kilala niya sa pangalan. Ngunit wala nang pakialam pa rito si Kira basta ba'y uuwi na siya.

Dali-dali siyang pumara nang masasakyan. At nang makasakay ay agad siyang tinabihan ng kanyang isipan.

Nakita ko na naman ang multo. Andoon siya at nakangiti sa gilid ng silid. Hindi ko siya tinitigan— ayaw ko siyang titigan. Hindi maaari at baka ibalik niya ang dalawang pares ng mata na ibibigay ko. Baka biglang mamula at ang ulo ay 'di na magamit ng wasto.

Nang maalala ay napalingon si Kira sa kanyang likuran. Takot na baka ang multo'y nasa loob din ng sasakyan.
Bumuga siya ng hangin, "pinaglalaruan na naman ako ng aking isipan."

Pagdating ay dumiretso na'ng kanyang silid si Kira.
"Klak!" ang tagatak na pitik ng ilaw sa silid.

Nabalot muli ng kadilim ang paligid. Mabuti dahil ito ang nais niya.

Mapayapa sa kadiliman, ito ang katotohanan para kay Kira hanggang sa isang araw ... bigla na lang siyang dinalaw ng multo ng kanyang nakaraan.

Andito na naman siya. Gabi-gabi, araw-araw, tila lumang babol gam kung dumikit sa aking konsensya. Mga senaryong mistulang rolyong pampelikula na inuulit-ulit na pinapaalala. Napapangiwi. Napapalagitik ng dila. Napapamura. Nakakainis naman itong mga alaala.

Papikit na ang mga mata ni Kira, ngunit hindi pa man nagtagpo ang pilik mata niya sa taas at baba ay agad nang lumitaw ang multo sa kanyang gunita.

Eto na naman tayo.
Hanggang dito ba naman sa bahay ko ay sinusundan ako ng multong ito.

Tahimik. Mapayapa. Maliwanag.
Ito ang panlabas na anyong nakataklob sa dilim na ikinukubli. Mga alaala at damdamin na gabi-gabi kung dumalaw at bumati.

Grabe kung magbiro ang Diyos. Sa dami nang maaaring ipadala ang multo pa talaga ng kahapon. Kailan ba ito pwedeng pakawalan at kalimutan? Paano ba ito pwedeng iligaw at nang masimulan? Dahil itong multo ng damdamin sa isipan ko na nananahan.

Kasabay ng palaisipan na ito ay ang pag-anod palayo ng malay ni Kira.

Matutulog na naman akong katabi ang multo ng nagdaan.

At muling dumilat si Haring Araw. Bakas ang tulo ng luha sa pisngi ni Kira sa kanyang pagmulat. Hindi nga siya nagkamali, hindi umalis sa kanyang tabi ang multo. Sa mundo ng panaginip ay kasama niya ito sa sasakyan. Akay-akay nito ang mabibigat na gamit habang magiliw siyang tinititigan. Sabay silang naglakad sa pamilyar na daan. Nag-uusap na tila walang nakatagong kasaysayan. Mga ngiting karayom sa dibdib. Mga tawang sa hangin nilipad. Mga usapang matinis na ulyaw. Mga kamay na usok sa palad.

Ah, multo. Umaga na at hindi pa rin kita nakakalimutan.

MULTOWhere stories live. Discover now