1: Happy birthday, Elara.

27 0 2
                                        

000:00:05:03—ang mga numero na nakadisplay sa countdown clock, mabigat na parang nakasabit sa Manila. Tuloy lang ang buhay ng mga tao, pero alam ng lahat: isang taon na lang.

Isang taon na lang.

Tanaw mula sa balcony ng one-bedroom apartment ni Elara ang malaking countdown clock na tila laging nagpapaalala na ang oras ng mundo ay bilang.

"Happy birthday, Elara. Enjoy your day!" post ng mga tao sa feed niya sa social media.

Bumangon sa pagkakahiga sa kama si Elara, pagod mula sa overtime sa trabaho kagabi.

Enjoy your day? Para kang pinagtripan ng universe. Pinanganak sa araw kung kailan nadiscover yung black hole, ilang dekada na ang nakakaraan.

Lumabas si Elara sa balcony ng apartment, hawak ang kanyang cellphone. Nakatitig sa malayo, sa mga gusali sa paligid, at sa mahabang overpass na walang gaanong tao at sasakyan. Ang mga tao, mabagal kumilos, parang ang oras ay humihingal.

Mas tahimik kaysa sa dati. Kakaiba rin ang kulay ng langit—asul, lila, at kahel.

Nakasabit ang kanyang mga tuyong damit sa balcony. Karamihan ay pambahay dahil hindi siya gaanong lumalabas. Kung lalabas man siya, yun ay para pumunta sa café sa ikatlong kanto.

Parang mas malamig ngayon. Uulan ba?

Ang panahon, pabago-bago—minsan mainit, minsan biglang umuulan.

Sana nabuhay ako ng mas maaga. Sana pinanganak ako nung '90s. Bago pa nadiscover tong black hole na 'to. Bago pa nagkaroon ng malaking orasan para ipaalala kung hanggang kailan ka na lang.

May email notification si Elara sa cellphone. "'Nak, happy 29th birthday. Sana magkita na tayo uli."

Bumalik si Elara sa kanyang kwarto, habang nakatitig sa kanyang cellphone. May kaunting kurot sa puso. Napaupo sa sofa at pinikit ang kanyang mga mata, na tila sinusubukang kalimutan ang nabasa.

Tahimik sa apartment ni Elara—isang kwarto, isang maliit na kusina. May espasyo para sa sala at kanyang mga koleksyon mula sa kanyang paglalakbay sa iba't ibang lugar. May mga halaman sa bawat sulok, nakatayo sa kanilang pastel na paso. Hindi makalat, hindi rin sobrang pulido. Sakto lang. Parang siya.

Muted ang mga kulay—rosas na parang pabulong, bughaw na parang alaala. Lahat ng bagay sa loob may saysay, walang sobra. Minimalist, oo, pero may lambing. Parang kahit anong bigat sa labas, pagpasok niya rito ay maaliwalas at magaan. Parang walang bilang ang mga araw.

Sa gitnang dingding mula sa kanyang kwarto ay mayroong maliit na kabinet na may nakapatong na isang litrato. Isang babae na nakangiti at nakatayo sa ilalim ng malaking puno, suot ang isang blue floral dress—ang pinakamamahal na namayapang nanay ni Elara.

Tumayo si Elara sa sofa at pinuntahan ang litrato . Niyakap ng mahigpit habang pinipigilan ang nangingilid na mga luha sa kanyang mga mata.

Miss na kita, 'Ma. Sana nandito ka pa ngayong birthday ko.





Isang Taon PaHistórias para pegar e não largar. Descubra agora