Naguguluhan ako sa pinagsasabi ni Itay. Ramdam ko ang panginginig ng mga kamay ko kaya tinanggal ko ang pagkakahawak ni Itay dito.

"Anong ibig niyong sabihin?"

Nanatiling kalmado si Itay, pero ako, tuluyan na talagang dumoble ang kaba ko. Siguro ay natatakot na rin ako sa mga sinasabi ni Itay. Muli naman niyang kinuha ang kamay ko saka pinisil ito.

"Graecielle, kumalma ka. Huwag kang matakot. Basta sundin mo lang ang mga sasabihin ko. Maliwanag?"

Bakit parang may hindi magandang mangyayari dahil sa tono ng pananalita niya? Hindi ako nakaimik dahil sa sobrang kaba.

"Alam kong darating ang araw na mangyayari ito na katulad nga ng sinabi ng iyong Ina. Nararamdaman mo ang bawat presensya nila ng mas malinaw kaysa sa aking kakayahan." Huminto siya saka kinuha ang litrato sa katabing mesa. Tinulungan ko siyang abutin iyon.

"Iyang litratong iyan at iyong bagay na nakalagay sa music box ay isama mo sa iyong pag-alis, higit sa lahat ang kwintas na ibinigay ko sayo noong kaarawan mo ay ang pinaka-mahalaga sa lahat. Kakailanganin mo ang mga iyan sa iyong buhay. Ang bagay na nasa Music Box," Huminto siya saglit at nakita kong may tumulong butil ng luha sa kanyang mga mata. Bakit Itay? Ano po ba ang ibig sabihin ng lahat ng sinasabi ninyo?

"Naroroon lahat ng kasagutan."

Hindi ko mapigilang mapa-iling.

"Pero bakit Itay? Ano po bang pinagsasabi ninyo? Anong kasagutan? Wala akong maalalang kasagutan na gusto kong malaman, pero," Bumilis ang aking paghinga. Ngayon, parang naiintindihan ko na ang pinapahiwatig sa akin ni Itay. Agad akong napatingin sakanya.

"Meron nga ba akong dapat malaman?"

Hindi ko alam pero parang may iba akong naramdaman sa mga sinabi ko. Maaari nga siguro. May mga hindi pa ba ako alam tungkol kay Itay? Agad akong napatingin sa litratong hawak. Tinitigan kong mabuti ang larawan. Ang dalagang may magagandang pares ng mga mata.

"Makikita mo ang kasagutan sa tanong mo na iyan doon sa bagay na nasa loob ng music box, Cielle."

Tumingin ako kay Itay at seryoso lang siya. Napakagat ako sa aking labi. Nararamdaman ko ang kaba sa aking dib-dib. Ano ba ang nasa loob ng music box na iyon? Sa pagkakaalam ko ay nakalagay lang iyon sa may aparador sa maliit naming sala. Hindi ko ginagalaw iyon dahil pag-aari raw dati iyon ng namayapa kong Ina ayon sa kwento saakin ni Itay. Pagdating ng panahon ay ibibigay niya rin daw saakin. Hindi kaya ito na ang panahon na sinasabi niya?

"Kunin mo na ang music box. Isama mo ang litrato at ang kwintas. Kailangan maka-alis ka na rito. Ano mang oras ay darating na sila at hindi natin pareho magugustuhan kung ano man ang maaaring gawin nila sayo." Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong umalis. Nasasaktan ako sa sinasabi ni Itay. Sa halip na sundin siya ay hindi ako gumalaw saaking kinauupuan. Hinawakan ko ang kamay ni Itay.

"Tay, bakit po? Please, ipaliwanag niyo naman po. Bakit kailangan kong umalis?" Hindi ko mapigilang maluha sa sinabi ko. Bakit malakas ang kutob ko na oras na makaalis ako rito ay parang walang kasiguraduhang magkikita pa kami ulit ni Itay.

Lalong nanikip ang dib-dib ko. Maiisip ko palang na hindi ko na ulit makikita si Itay ay hindi ko na kaya. Siya na lang ang natitirang mahal ko sa buhay.

Nagpakawala si Itay ng malalim na hininga bago siya mag-salita.

"Kung ipapaliwanag ko pa sayo ang lahat ay tiyak na maaabutan ka na nila. Hindi ito ang tamang oras. Kaya nga sinasabi ko sayong kunin mo ang music box ng iyong Ina. Ipinahanda ko na ang lahat, Cielle. Naroroon ang kasagutan kaya umalis ka na. Iwan mo na ako rito." Tila'y may bahid na ng pagka-irita ang boses niya. Tuluyan na ring bumuhos ang aking mga luha na kanina pang nagbabadyang tumakas sa aking mga mata.

Heiress(Part One:COMPLETED) Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu