[Author's Note]
Ito ay ang mas pinahabang bersyon na nailathala ko sa isa kong ginagamit na account ( @haveuseenthiskyutguy ). Ganoon din ang takbo ng kuwento ngunit may mga idinagdag ako sa bersiyon na ito.
O siya, salamat sa'yo kung babasahin mo ito.
______________________
Malagkit ang tingin mo sa pamilyang naglalaro sa parke, malapit sa kinaroroonan mo. Masayang-masaya sila, parang kanila ang mundo at solong-solo nila ang oras. Tuwing nakakakita ka ng ganitong eksena, hindi mo pa rin mapigilan ang sarili mong mainggit, malungkot at maiyak. Sa panahong ito, hindi mo na sana nararamdaman ang mga ganoon. Maraming taon na ang lumipas.
Ilang taon na nga ba? Isa? Dalawa? Tatlo? Marami na. Ni hindi mo na mabilang sa iyong mga daliri sa kamay pati na sa paa. Pero kahit ganoon pa man, sariwa pa rin sa iyong alaala ang nakaraan. Nakaraang kailanman ay hindi mo malilimutan.
Nagbalik ka sa tamang huwisyo nang maramdaman mo ang pagtama ng sinag ng araw sa'yo. Lumipat ka ng puwesto. Inayos mo ang suot mong jacket na may hood para matakpan ang mukha mo. Masakit na balat ang sikat ng araw at talagang maskit kung sa'yo pa mismo tatama ito.
Sa paglipas ng mga oras, unti-unti nang nababawasan ang mga tao sa parke. Wala na 'yung mga nagdya-jogging pati na 'yung pamilyang pinapanood mo. Nagpasya ka na ring lisanin ang parke dahil masakit na talaga sa balat mo ang araw kahit pa makapal ang suot mong hoodie.
Sa daan, nalampasan mo ang matatayog nang puno ng akasya na kailan lang yata ay naaabot mo pa ang mga sanga. Ngayon, kailangan mo pang lumukso para lang makaabot sa mga sanga. Nadaanan mo rin 'yung lumang bahay ng dating gobernador na ilang dekada ring namuno sa probinsiya. Lumang-luma na ito pero matatag pa rin tulad ng pagiging matatag noon ng gobernador sa pulitika.
Kahanay ng lumang bahay ang pangunahing kalsada ng bayan na maya't-maya ay dinadaanan ng mga sasakyan. Kotse, trak, dyip, bus, bisikleta at ang pinakamarami - traysikel. Malaki na ang ipinag-unlad ng bayan dahil ang nakikita mong dumadaan sa kalsadang ito noon ay tanging kalesang hila-hila ng mga kabayo at kariton na hila-hila ng kalabaw o 'di kaya ay baka.
Ilang hakbang pa at nakarating ka na sa bahay na tinitirhan mo. Pumasok ka at dumiretso sa silid mo para magpahinga. Hindi ka naman matutulog, basta mahihiga ka lang. Hindi ka rin naman inaantok at hindi mo rin kailangan ng pahinga. Bago ka pa tuluyang makahiga, hinubad mo ang suot mong hoodie at ihinagis sa tabi mo.
Ipinikit mo ang iyong mga mata hindi para matulog kundi para hindi masyadong masilaw sa liwanag na nagmumula sa labas ng bintana. Dumilat ka lang nang maramdaman mong may papalapit.
"Vyniel, dumating ka na pala?" tanong ng maputing lalaki, pumasok ito sa silid mo. "Pumunta ka na naman sa parke?"
"Opo kuya Vlad" sagot mo. "Nagpalipas-oras lang."
Ngumiti siya ng tipid sa'yo, naupo siya sa tabi mo at hinaplos-haplos ang noo mo. Nakita mo sa mga mata niya ang awa para sa'yo.
"Masokista ka talagang bata ka" sabi nito. "Kasiyahan mong pasakitan ang sarili mo."
Hindi ka nakaimik. Tama kasi ang sinabi niya. Alam mo na ngang masasaktan ka sa pagpunta mo sa parke ngunit ginagawa mo pa rin.
"Ilang babae na ba ang napasagot mo doon at nakipagkalas din sa'yo?" tanong niya. "Kung hindi ako nagkakamali, mahigit treinta."
Tama siya. Mahigit tatlumpo na ang napasagot mo sa parkeng iyon ngunit kung isasama mo pa ang ang mga napasagot mo sa ibang lugar ay aabot na ng cincuenta. Ni isa sa mga babaeng ito, walang gustong magpakasal sa'yo.
YOU ARE READING
Memoirs of Vyniel [Extended Version] (Completed)
VampireAyon sa mga sabi-sabi, kahinaan daw ng tulad ni Vyniel ang sikat ng araw, pilak na bala, mga sagradong bagay at apoy. Pero sa pagdaan ng panahon, napagtanto niyang walang epekto ang mga iyon sa kanya. Ngunit habang lumilipas ang mga araw, nalaman ni...
![Memoirs of Vyniel [Extended Version] (Completed)](https://img.wattpad.com/cover/45478544-64-k704237.jpg)