PROLOGUE

2K 28 5
                                        

"Gozon, protect our boss at all cost. Copy?" Malinaw ang utos ni Drew mula sa radio, pero kahit gaano kalinaw ang boses niya...mas malakas pa rin ang tibok ng puso ko sa pandinig ko.

"Roger that," sagot ng bodyguard na may hawak ng radyo, sabay higpit ng hawak sa baril niya. Ang basement ang pinili naming taguan. Madilim, masikip, at ang bawat tunog ay parang banta sa buhay namin. May mga armadong tauhan sa taas at mukhang desperado na talaga sila dahil hindi na nila iniinda ang ingay, ni ang posibilidad na mabisto. Isa lang ang malinaw, gusto nila akong patahimikin, ng permanente.

"Five on foot, heading to your location. Prepare to engage. I repeat, prepare to engage!" Muling sigaw ni Drew mula sa radio. Ngayon, ang boses niya ay hindi na lang mensahe, isa na itong palatandaan kung gaano kahirap ang susunod na minuto.

Napalunok ako. Tumitig sa paligid. Sa bawat sulok ng basement, para akong nasa bitag. Isang maling kilos lang... tapos na.

Kung hindi nakuha ni Drew ang intel na may sasalakay sa bahay, baka kanina pa kami nagsisisi sa ilalim ng mga bubong na akala namin ay ligtas.

Tumitig ako kay Gozon. Tahimik siyang handa. Ako? Halos hindi ko na maikuyom ang kamao ko. Pero isang bagay ang malinaw, wala na itong atrasan.

"Ma'am, magtago lang ho kayo dito sa gilid. Huwag na huwag lalabas. Kami na ho ang bahala." Paniniguro ni Gozon habang pinapwesto ako sa likod ng lumang steel shelf sa basement, isang sulok na kulob at madilim. Ramdam ko ang kabang nakabalot sa boses niya, kahit sinusubukan niyang maging matatag.

Hindi pa man siya tuluyang nakalayo, narinig ko na ang unang putok sa labas. Mabilis na sumunod ang sunod-sunod na putukan, parang nagbukas ng pinto ang impyerno at tinulak papasok sa tahanan ko.

Agad na kumilos ang mga tauhan ko. Nakita ko silang sumasalo sa posisyon, bawat isa alerto, parang sinanay buong buhay para sa gabing ganito. Pero kahit gaano sila kahanda, alam kong dehado kami.

Isolated ang mansion, napapalibutan ng kagubatan, malayo sa kabihasnan. Wala ring signal. Alam naming aabutin ng oras bago makarating ang mga pulis na matagal na naming kinontak. Kung makakarating pa sila.

"Drew... nasaan ka ba?" usal ko, may halong galit at pangamba. Dapat tayo ang magkasama ngayon.

Hindi ito ang unang beses na may banta sa buhay ko. Sa trabaho kong puno ng lihim at kapangyarihan, sanay na akong may nakaabang na panganib sa bawat gilid. Pero sa gabing ito, ibang klaseng kaba ang nararamdaman ko. Parang may niluluto ang kalaban na higit pa sa simpleng pananakot.

Pinaghandaan nila ang lahat. Alam nila ang layout ng bahay. Ang bilang ng tao ko. Ang tamang timing. At walang hirap na isa-isa nilang pinapadapa ang mga tauhan kong sinanay para magtagal.

Hanggang kailan nila kakayanin? Hanggang saan ko kayang magtago masikip at maliit na espasyong nagsisilbing lubid ng buhay ko?

"Take cover!" sigaw ng isa sa mga tauhan ko, sabay habol ng mga paa nila sa pinakamatatag na pader sa paligid. Pero bago pa man sila tuluyang makapagkubli, sumabog na ang pinto. Isang nakabibinging pagsabog na parang sinabayan ng pagkakabasag ng lahat ng tiwala namin sa seguridad ng lugar.

Sabay-sabay silang bumagsak sa sahig. Tumilapon ang debris, nagkalat ang sigaw at ingay.

"Shit!" mura ko habang mabilis na gumapang sa likod ng lumang cabinet. Pilit kong pinipigil ang hininga, ramdam ko ang tunog ng sarili kong puso. Mabilis, malakas, parang baril na nagbabantang pumutok mula sa dibdib.

Isa-isang sinuyod ng mga naka-itim ang bawat sulok ng basement. Mabilis at kalkulado. Sa isip ko...mukhang ito na... ito na ang katapusan ko.

"She's here!" sigaw ng isa, sabay tutok ng baril sa akin. Para akong natulig at nanigas ang kalamnan. Pero bago pa man niya hilahin ang gatilyo, tumilapon ang katawan niya, isang putok ng shotgun ang tumapos sa kanya bago niya ako tuluyang mapuntirya.

Cold-Hearted MistressWhere stories live. Discover now