"Hindi siya dumadalaw lang dito, Madelle." Sabad ng kanyang ama. "Dito muna siya pansamantala."

Kuminang ang kanyang mga mata. "Talaga?! Edi mas okay!" kay Vanessa siya nakabaling. Ni tapunan ng tingin si Cristina ay hindi niya ginawa.

Tumukhim si Isaac mayamaya. "Hindi lang siya, anak." Pagkuwan ay tumingin ito sa babaeng katabi. "Pati sila."

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Halika na, Vanessa. Ipapakita ko sa'yo ang magiging kwarto mo." Nagbago rin ang timbre ng boses niya. May isa silang bakanteng kwarto, mabuti na lang at palagi niyang nililinis iyon.

"Hindi na, Madelle. Si Cristina na ang maghahatid kay Vanessa." Awat sa kanya ng ama.

"Hindi ba pwedeng ako?"

"Hindi. Dahil mag-uusap pa tayo. Saka don din mag-stay sila Cristina habang nandirito sila."

Wala siyang nagawa kundi ang magtungo sa kwarto niya nang mag-isa. Ilang minuto pa lang siya sa kanyang silid ay kumakatok na ang kanyang ama. Pinagbuksan naman niya ito agad.

"Dito muna sila pansamantala." May pagsusumamo ang tono ng lalaki.

"Ano ba kasing nangyari, Pa?" umikot ang bilog ng kanyang mga mata.

"Nawawala ang asawa ng mama mo."

"Mama? Hindi ko siya ina. Kung ina ko siya, sana ay hindi niya tayo iniwan noon!"

"Madelle, ano ba?!" nagtaas na ng boses si Isaac. "Ngayon pa ba natin ito pagtatalunan?"

Natahimik siya sa sinabi ng kanyang ama.

Napayuko ito bago humugot nang malalim na paghinga. "Kahit baligtarin ang mundo ay ina mo pa rin siya. Hindi ko siya pwedeng pabayaan dahil..." Bahagya itong natigilan. "Dahil..."

"Mahal mo pa rin siya?" Naglandas na ang mga luha niya.

Napatigagal ito.

"N-nakalimutan mo na ba, pa? P-pinagpalit niya tayo... niloko ka niya... tayo... naghanap siya ng iba dahil ayaw na niyang maghirap..." garalgal ang boses niya. "I-iniwan niya tayo at sumama siya sa iba..."

"M-Madelle..."

"K-kaya hindi ko maintindihan, Pa..." Napahagulhol na siya. "B-bakit ang bilis mo siyang napatawad? B-bakit hindi mo magawang magalit sa kanya?"

Hindi na makaimik ang lalaki.

"D-dahil ba mahal mo pa rin siya?"

"H-hindi mo naiintindihan, anak..."

Napapikit siya kasabay ng pag-agos ng kanyang mga luha. "M-matutulog na ako. Kailangan ko na ring magpahinga."

"M-Madelle..."

"Papa, please..."

Walang nagawa si Isaac kundi ang humakbang palabas ng kwarto. Bago ito tuluyang nawala sa kanyang paningin ay nilingon muna siya nito. Pagkasara niya ng pinto ay sumalampak siya sa kama pahiga.

Sumubsob siya sa unan at doon nag-iiiyak. Hindi niya talaga masikmurang makasama ang Cristina na iyon. Ang ina na nag-abandona sa kanila noong mga panahong naghihirap sila. Ang ina na piniling sumama sa mayaman at pinabayaan sila. Ang ina na kailanman ay hindi na niya yata mapapatawad.

***

BINUKLAT NI ISAAC ang folder na inilapag ng kanyang chief of police sa kanyang desk. Naroon ang kuha ng mga larawan na magagamit sa pag-iimbestiga na kinunan sa bahay nina Cristina. Wala siyang masilip na bagay doon na maaaring dahilan ng pagkawala ni Flexus maliban sa foot prints na nasa kisame.

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon