Death Penalty: Solusyong Walang Epekto

92.1K 260 103
                                    

Isa sa mga kontrobersyal na isyu na minsang pinag-usapan at pinagtalunan ng mga mamamayang Pilipino ay ang death penalty. Ayon sa Republic Act No. 7659, ang death penalty ay ang parusang ipinapataw sa mga gumawa ng mga kagimbal-gimbal na krimeng nakahahapis, nakaririmarim,  kakilakilabot, at nakapopoot. Ilang halimbawa ng mga krimen na maaaring humantong sa kaparusan ng kamatayan ay parricide, murder, qualified bribery, piracy, kidnapping, robbery, rape, at drug pushing. Maraming may gustong ipatupad ang batas na ito dahil di umano’y mapipigilan nito ang pagtaas ng antas ng krimen. May nagsasabi namang bakit bibigyan ng pamahalaan ng tirahan at pagkain ang mga kriminal na gumawa ng mali sa kanilang kapwa tao. Ang argumento naman ng iba ay mas malaki ang gagastusin ng gobyerno kung ikukulong ng panghabang buhay ang isang tao kaysa kung tatapusin na lang ang buhay nito. Ang aking opinyon ay salungat sa kanilang paniniwala. Bakit? Marami kasing makabuluhang dahilan para hindi natin suportahan ang death penalty.

            Una sa lahat, hindi natin masasabing mapapababa ng death penalty ang antas ng krimen. Wala pang pagsasaliksik na nakapagpatunay rito. Sa katunayan nga, ang Estados Unidos na mayroong Death Penalty Law sa ilan nilang estado ay may mas mataas na antas ng krimen kaysa sa Britanya at Australya na walang ganitong parusa. Hindi mo rin naman masasabi na mas maraming tao ang lumalabag sa batas sa mga estado ng Estados Unidos na walang death penalty kaya mataas ang antas ng krimen ng kanilang bansa. Ayon sa mga pagsasaliksik, simula noong 1990 hanggang ngayon, ang mga estado ng US na may death penalty ay palaging may mas mataas na antas ng krimen kaysa sa mga estadong hindi nagpapatupad ng death penalty.

            Ikalawa, kung pera lang rin at kakulangan sa budget ng pamahalaan ang pag-uusapan, mas mabuti pa rin na hindi magkaroon ng death penalty. Totoo naman ang sinasabi nilang mas malaki ang malulustay kung pananatilihing buhay ang mga kriminal na gumawa ng isang karumaldumal na krimen kaysa sa presyo ng lethal injection. Pero hindi iyon ang basehan ng halagang magagastos sa death penalty. Ang presyo ng lethal injection ay parte pa lang ng sobrang laking magagastos para sa isang kriminal na ilalagay sa death row. Syempre mga ekspertong doctor ang magtutorok ng lethal injection sa papatawan ng death penalty. Isama mo pa rito ang presyo ng mas istriktong kulungan kung saan ikukulong ang mga nasa death row. Sila rin ay babantayan ng masa maraming at mas eksperyensadong mga bantay. Mas mahaba ang ibibigay na oras para sa mga appeals ng nasasakdal. Mas marami at mas mahahaba rin ang mga pagdinig na gaganapin para malaman kung dapat ba talagang patawan ng parusa ng kamatayan ang isang kriminal. Sa mga hearings na ito, mas marami ang mga abogado na kinakailangan dahil nga sa sobrang senstitibo ng kasong dinidinig at pinagdedesisyunan. Karaniwan, dalawa ang abogado sa kada panig. Walang problema ito sa mayayaman ngunit kapag mahirap ang kliente, ang gobyerno ang magbabayad sa mga abogadong hahawak ng kaso. At kung may katarungan talaga sa bansang ito, karapatdapat lang na magaling at bihasa rin ang abogadong hahawak ng kaso ng isang mahirap na nasasakdal lalo na kung mayaman ang kabilang panig na nagdiriin sa suspect. Isa pang problema ang uusbong dahil dito.

            Sa “jusTIIS” na sistema natin dito sa Pilipinas, Kung walang pera ang isang tao, kahit sabihin mo pang inosente siya, malabong maipanalo niya ang isang kaso. Wala namang nakulong sa mga nagnakaw ng milyon o bilyon sa bulsa ng pamayanan samantalang yung mga nanghahablot ng bag sa mga mall at mga mandurukot ng cellphone ay nadun na sa kulungan. Ang parusang ito ay masasabing ko na “anti-poor” sa kadahilanang kayang-kayang bilhin ang hustisya dito sa ating bansa. At dahil mas mabigat ang parusa, ang mga may pera ay mas lalong maaakit bilhin ang hustisya para makatakas sa kamatayan. Pwede rin itong magamit ng mga mayayamang may galit sa isang taong ordinaryo o mahirap. Ipapalabas lang ng taong ito na ang may mabigat na kasalanang ginawa ang kanyang kahidwaan, gagamit ng pera, at maparurusahan ang kanyang kaaway ng kamatayan ng hindi nababahiran ng dugo ang kanyang mga kamay. Kung ang magkalaban sa kaso ay mahirap at mayaman, walang duda na ang mapapatwan ng parusa ng kamatayan ay ang mahirap.  Sa mga pamumuno ng mga nakaraang pangulo na nagpatupad ng death penalty, wala pang kahit isang sikat na personalidad ang napatawan ng parusang ito. Lahat ng nailagay sa death row ay may iisang kalagayan sa buhay. Sadlak sila sa kahirapan, may gutom na mga pamilyang umaasa sa kanila, at hirap at pagod na sa buhay nilang hindi umuunlad.

            Isa pa, kung ang sintensiyang ipinataw sa suspect ay habambuhay na pagkakulong at napag-alaman na siya ay walang sala, madali siyang mapakakawalan at matitkman na niya uli sarap ng kalayaan na marapat lang na nilalasap niya. Kung ang isang naparusahan ng death penalty ay napag-alamang inosente, wala nang magagawa para ibalik ang buhay na kinitil ng gobyerno gamit ang lethal injection.

            Karapatan ng bawat isa saatin na mabuhay. Hindi rason ang “an eye for an eye, a tooth for a tooth” sa kasong ito. Ang death penalty ay ang siyang sumisira sa prinsipyo niya. Ang prinsipyo nito ay ang pagkitil ng buhay ng kriminal kapalit ng buhay na sinira o kinitil niya ng dahil sa paggawa ng isang kagimbal-gimbal na krimen. Pero kung ang isang taong may sinira o kinuhang buhay ay papatayin ng mga doktor gamit ang lethal injection, hindi ba dapat patayin rin ang mga doctor dahil may kinuha silang buhay? Lahat naman tayo ay pantay-pantay. Kahit isang kriminal pa yan, o isang inosenteng tao, pareho lang ang kahalagahan ng buhay nila. Hindi pa ba sapat na kamalian ang may isang namatay at kailangan pang pumatay ng isa pang sagradong buhay? Ika nga sa ingles, “two wrongs don’t make a right.”

            Isa pa, ayon sa Death Penalty Law, ang uri bribery na ang opisyal mismo ang namili ng kanyang gustong kapalit para “magserbisyo” sa isang tao ay karapat-dapat sa parusang kamatayan. Nakakatawa mang aminin, ang totoo ay lalo pang mahihikayat na magpabayad ang mga opisyal na ito dahil buhay ang katumbas ng kanilang hiling. Alam nilang kahit gaano kalaki iyon, pagsisikapang ibigay iyon ng mga mayamang nagkasala ng malubha na gusto pang magtagal sa mundo.

            Hindi naman talaga kailangan ng death penalty kung tutuusin. Magagarantiya rin naman na hindi na makagagawa ng masama ang isang tao sa bansa niya kung aayusin ang sistema sa mga kulungan. At isa pa, ang death penalty ay isang “easy way out” sa paghihirap at. Oo, maraming takot sa kamatayan. Kaya nga lalala ang kaso ng bribery kung maipapasa itong batas na ito. Pero marami rin namang taong pipiliing mamatay kaysa makulong sa piitan. Parang ang mga ibang taong pinipiling magpakamatay na lang kaysa harapin ang pansamantalang problema. Paano pa kaya kung palagi mong naaalala ang iyong pamilyang naiwan sa labas ng kulungan, ang mga responsibilidad na dapat mong ginagampanan, at ang kalayaang dapat mong tinatamasa kung hindi ka lang nagkamali sa tuwing makikita mo ang rehas na naghihiwalay sayo sa malayang mga tao? At paano kung ito ang mararanasan mo araw-araw na lang na gigising ka sa umaga? Mas matinding parusa ito diba? Kaya kung paghihiganti rin lang ang pag-uusapan, mas masakit na kapalit itong pagdurusang ito kaysa sa madaling pagkamatay ng may atraso sa isang taong malapit sa iyo.

            Ang dapat gawin ng pamahalaan para bumaba ang antas ng krimen ay ang pagbubudget ng maigi sa kaban ng bayan. Kung mas maraming feeding programs, health drives, at kung daragdagan ang mga benepisyong nakukuha ng mga mahihirap, mababawasan ang mga magnanakaw at mababawasan rin ang pera na gagastusin ng gobyerno para sa mga nakakulong. Dapat ayusin ng gobyerno ang sistema ng hustisya saatin. Marapat  lang na walang diskriminasyon sa mga kaso at desisyon ng korte pagdating sa mga mahirap Dapat hindi na tumanggap ng lagay ang mga kawani ng gobyerno at hayaang diktahan ng pera ang hustisya sa ating bansa. Ang isa pang kailangan sa ngayon ay ang maipatupad ng maayos ang mga batas nating naaprubahan na. Wala rin namang mangyayari kung ipapatupad uli natin ang Death Penalty Law. Hangga’t hindi naaayos ang sistema ng hustisya sa Pilipinas, malabong may ibubunga ang mga ganitong klaseng solusyon.

Death Penalty: Solusyong Walang EpektoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon