Oo, alam ko namang may attitude minsan si Kuya Harold pero bakit parang dinadala niya iyon hanggang sa mismong game?

"Ang tagal na sa team tapos wala pa ring connection sa mga spikers niya? Anong klase setter siya? Tangina niya. Patalo si gago, e."

"Baka wala lang talaga sa mood," mahinahong sabi ko.

Umirap si Uno. "Palagi namang wala sa mood iyan, e. Ano bang bago? Kung wala siya sa mood, sana naman galingan niya rin. Wala siyang karapatan na mag-attitude kung iyong mismong role niya sa team ay hindi niya magampanan nang maayos."

Napabuntong-hininga na lang ako. Tinapik ko ang likod ni Uno saka siya inabutan ng saging.

Mabait itong si Uno. Madalas nga lang na maligalig at maingay pero masunurin at masipag lalo na sa training. Palagi pang nakangiti at palabiro. Pero minsan ay may mga pagkakataon din na nagseseryoso siya lalo na pagdating sa performance ng team namin.

Nadagdagan na lang din siguro ng inis niya sa team captain namin kaya nadadala na talaga siya ng emosyon.

"Isa pa si Coach Greg," akala ko ay tapos na siya pero may sasabihin pa pala. Nakalobo pa ang pisngi dahil sa nginunguyang saging. "Ba't ayaw ka niya ipasok, Sebby? Bulag ba siya at hindi niya nakikita na nagkakalat iyong isa?"

"Shh," agap ko agad para manahimik na siya.

"Dapat ikaw na magkusa na pumasok. Tadyakan mo si Harold palabas ng court."

Pinanlakihan ko siya ng mata. "May makarinig sa 'yo."

"Ubos na nga pakialam ko, Sebby," umirap ulit siya sabay kagat ulit sa saging. "Bata pa nga talaga si Coach Greg. Wala pang diskarte hindi tulad ni Coach Al."

Nilingon niya iyong team namin kaya napalingon na rin ako ro'n. Nagha-huddle pa rin sila pero natigil ang tingin ko sa assistant coach namin.

Base sa kwento ng seniors namin, alumnus si Coach Greg ng Southern University. Gr-um-aduate siya 5 years ago. Former volleyball player at isang taon lang na naglaro sa professional league bago kinuha ng Northville bilang parte ng coaching staff. Sa edad niyang 28 years old ay siya na yata ang pinakabatang assistant coach ngayon sa Pilipinas.

Kwento pa sa 'kin, naging Best Setter pa nga raw si Coach Greg dati. Pero... bakit gano'n? Bakit hindi siya nag-a-adjust ngayon sa game lalo na't setting ang problema namin?

"Tara, lapit tayo ro'n," sabi ko na lang kay Uno at buti na lang ay hindi na siya umangal.

Sakto namang tumunog na rin ang buzzer na nagsasabing magsisimula na ang set 2.

Paglapit namin ay si Kuya Benny na ang nagsasalita. Nilibot ko ang tingin at nagtama agad ang mga mata namin ni Nico. At iyong naudlot niyang paglapit sa 'kin kanina ay natuloy rin niya. Tinawag siya ni Kuya Harold pero hindi niya iyon pinansin.

Bahagya akong umatras at pumunta sa gilid kasi mukhang kakausapin ako ni Nico. Para na rin hindi kami masyadong mapapansin na hindi nakikinig sa huddle.

"Tawag ka ni Kuya Harold," sabi ko no'ng nasa harap ko na si Nico.

"Sa 'yo ko 'to kukunin mamaya," sagot niya sabay bigay sa 'kin ng tumbler at towel niya. Hindi niya rin pinansin iyong sinabi ko. "H'wag mo ibibigay sa iba. Sa 'yo ako didiretso, Seb."

Wala sa sarili akong tumango. "Okay..."

"Kain tayo pagkatapos ng game?"

Napakurap ako. "S-Sige. Kasama sina Uno?"

"Tayo lang dalawa. Okay lang ba?"

"Hindi natin sila aayain?"

"No. I want some peace after this."

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now