Simula

19 0 0
                                    

"Ang galing niyo naman po mag drawing."
 
 
 
Saglit akong napahinto sa pagguhit nang dahil sa narinig na boses ng isang batang babae. Hindi ko napigilan ang mapangiti nang marahan siyang umusog palapit sa akin upang silipin ang ginagawa ko. 
  
  
"Dati ka pa po nagd-drawing, kuya?", tanong niya at tanging ngiti at marahang tango lamang ang iginawad ko bilang tugon.
  
  
"Ako po pala si Amara. Kayo po, ano pong pangalan niyo?", pagtatanong nitong muli.
     
  
"Azrael", sagot ko.
  
  
"Kuya Azrael.", "Ang ganda naman po. Bagay sa gwapo niyong mukha. Ano po palang ginagawa niyo rito? May sakit din po kayo?", nakatitig sa'kin ang masisigla niyang mga mata. Hindi ako umimik, hanggang sa nabaling niya ang kaniyang paningin sa kwartong pinagmulan niya.
  
  
"Hindi! Hindi totoo 'yan! Anak!", umugong ang malakas na pag-iyak ng isang ginang na siyang nakaagaw sa atensyon ng paslit.
  
   
"Si mommy ko po 'yon!", sigaw niya at nagmamadaling pumasok sa kwarto. Tumambad sa amin ang tanawin ng isang inang niyayakap ang walang buhay na katawan ng kaniyang anak.
  
   
"Hindi totoo 'to! Mga wala kayong puso! Ibalik ninyo ang buhay ng anak ko!", patuloy na iyak ng ginang.
  
  
"Pasensya na, Mrs. Ocampo. We— we already did everything that we can to—"
   
  
"Shut up! Anong klase kayong mga doktor?! Trabaho ninyong gumamot ng pasyente, hindi ang hayaan silang mamatay!", galit na sigaw ng asawa nito.
  
  
"Mommy? Daddy? Ano po bang nangyayari? Bakit po kayo sumisigaw?", tila nalulunod ang mahinang tinig ng paslit sa lakas ng iyak ng kaniyang ina at pagsinghal ng kaniyang ama.
  
   
"Anak, Amara ko. Gumising ka riyan, anak. Wag mong iwan ang mommy, please? Anak, please!"
   
   
"'Wag iwan? Pero mommy, andito lang naman po ako.", nakangiti at inosenteng sagot nito saka sinubukang hagkan ang kaniyang ina.
  
   
"Mommy? Mommy, andito po ako. Mommy, tumingin ka po sakin!", unti-unting pumatak ang luha sa mga mata ng paslit. Bakas sa mukha nito ang magkahalong takot at pagkalito nang lingunin ako.
  
  
"Kuya Azrael? Ano pong nangyayari?", nilingon niyang muli ang kaniyang ina, at saka ito humagulgol nang mapagtantong hindi na nga siya nito nakikita.
  
  
Tumakbo ito palapit sa kaniyang ama habang umiiyak at sinusubukang tawagin ang atensyon ng lahat ng naroroon sa silid. Sa huli ay bumaling ito sa akin at saka patakbo akong nilapitan at niyakap.
  
  
"K-kuya Azrael, h-hindi na po nila ako nakikita. P-patay na p-po ba ako?", humihikbing tanong nito sa akin.
  
  
"P-paano na po ang m-mommy at daddy ko? Iiwan k-ko na po ba s-sila? Natatakot p-po ako.", lumuhod ako upang magpantay ang tingin namin. Pinalis ko ang mga luhang nag-uunahang lumandas sa kaniyang mga pisngi.
  
  
"Huwag kang matakot, nandito ako. Sasamahan kita. Tahan na, Amara.", ginawaran ko siya ng matamis na ngiti habang hinahagod ko ang kaniyang likod. Dahan-dahan namang nahinto ang kaniyang pag-iyak at sa huli'y marahan na tumango.
   
  
"Sasamahan po? Bakit po? Saan po tayo pupunta?"
  
  
"Uuwi ka na, pabalik sa Kaniya", tugon ko at hinawakan ang kamay niya upang akayin palabas ng silid. Sinipat niyang muli ang umiiyak niyang mga magulang bago tuluyang sumamang tahakin ang daan patungo sa liwanag.
  
  
Paulit-ulit, parang siklo. Ang tao ay ipanganganak, at babalik din sa kaniyang tagapaglikha.
  
   
Sa misyon ko, ang tanging nararamdaman ko lamang ay ang pag-asa para sa kapayapaan at katarungan sa bawat pagsilang at paglisan.
   
  
Dahil sa kabila ng hinagpis at pagdadalamhati ng mga naiwan sa lupa, kapayapaan dapat ang hatid ng kamatayan sa puso at kaluluwa ng taong namaalam.
  
  
"Sa Kaniya? Kay Lord?", nginitian ko lamang siya bilang sagot.
  
  
"Maganda po ba roon? Masaya?", untag ng paslit. tinanguan ko siya, subalit huminto siya sa paglalakad.
  
  
"Makikita ko pa po ba sila mommy?", may mumunting lungkot at pag-asang sumungaw sa kaniyang mga mata.
  
  
Pinisil ko ang kaniyang maliit na kamay, "Magtiwala ka lang, at sa takdang panahon sinisiguro kong magsasama kayong muli."
  
   
Masakit ang bawat pagpapaalam, subalit wala rin naman akong kakayahang ibalik ang buhay ninuman. Sapagkat Siya lamang, na pinakamakapangyarihan sa lahat ang tanging nakakagawa ng milagrong 'yon.
  
  
Isa pang ngiti ang natamo ko mula sa paslit bago namin sabay na tinungo ang pinto.
   
  
"Nagtitiwala po ako.", sambit niya saka bumitaw sa aking kamay at naglakad na papasok. Naiwan akong tinatanaw siya, at sa huling pagkakataon ay nilingon niya ako upang nakangiting kawayan. Tanda ng panandaliang pamamaalam.
  

***
  
  
Sa muling paglapat ng mga paa ko sa lupa, ay narinig ko agad ang pamilyar na atungal ng isang pagod na nilalang.
   
   
"Pasensya ka na kung buong buhay mo ay pasan mo ang napakabigat na bagay at trabahong ito.", hinaplos ko ang kaniyang ulo at nahalata ang matinding pagod sa kaniyang mga mata.
  
  
"Hayaan mo, nandito naman na ako, oras na ng iyong pahinga. Binabati kita, nagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin.", nakangiting sambit ko saka inakay ang isang kalabaw paalis sa palayan.
   
   
Hindi ako ang Diyos.
   
   
Sa mundong ito, isa lamang akong gabay.
   
  
Ngunit may kakayahan akong magbigay ng hatol.
   
   
Ang tungkulin ko ay maghatid ng mga kaluluwa pabalik sa kanilang tunay na tahanan...
   
   
Gayundin ang pagdusahin ang sinumang lalabag  at lalapastangan sa batas ng buhay.
   
   
Sapagkat ako ang inatasan bilang anghel ng kamatayan.


Angel of DeathWhere stories live. Discover now