Hindi sa sinasabi kong mahina kami as a player. Sadyang mas malakas lang talaga sa 'min iyong players ng Westmore. Kabisado nila ang galaw ng bawat isa. Kapag may hindi maganda ang laro, may mag-i-step up agad. Sabi nga rin ni coach kanina bago magsimula ang game, champion sila for a reason.

Pero alam kong ilalaban pa rin ng starters namin iyon.

Ilalaban iyan lalo na ni Kuya Nico.

Kung matalo man, at least, nilaban.

Kung ipapasok din naman ako sa game, ilalaban ko rin talaga. Hindi dapat kami papayag na basta na lang matalo nang gano'n lang.

Laban sabi nga ng mga katipunero dati.

"Maniwala ka sa 'kin, Seb," nagtaas-baba pa ang kilay ni Uno na dumadaldal na naman. "Tignan mo rin iyong mukha ng captain nating palaging galit. Nakabusangot, 'di ba? Hindi mo ba napapansin? Kapag busangot si Harold, ang pangit ng sets niya kaya ang ending, talo tayo."

Napatingin ako kay Kuya Harold na nasa service line na ngayon. Bukod sa nakakunot din ang noo niya gaya ni Kuya Nico, wala naman akong ibang napansin na kakaiba. Palagi din naman kasi siyang wala sa mood sa paningin ko. Kumbaga, iyon na ang normal na mukha ng captain namin.

"Hindi naman siguro," sagot ko kay Uno.

"Tsk, tsk. Maniwala ka, Sebby boy. Ano, kapag nanalo ang Westmore dito, lipat na tayo sa kanila-"

"Sinong lilipat?"

Sabay kaming napatingin kay Coach Greg na tumabi rin sa 'kin. Ngumiti siya at napakurap naman ako.

"Joke lang, coach! Sinong lilipat? Walang lilipat! Bakit lilipat? Hindi kami lilipat! 'Di ba, Seb?"

"Dinadamay mo pa si Seb," sabi niya sabay tingin ulit sa 'kin. Ngumiti na naman siya at pinisil ang hita ko. "Magta-transfer ka?" Tanong niya sa 'kin.

"Uhm, h-hindi po," iling ko.

"Dito ka lang sa Northville, 'di ba?"

"Uh, opo."

Lumaki ang ngiti ni Coach Greg at pinisil ulit ang hita ko.

Nanatili ang kamay ni coach doon. At mula ro'n ay binalik ko ang tingin sa court para lang abutan si Kuya Nico na nakatingin sa direksyon namin. Agad kaming nagkatinginan tapos ay nalipat ang mga mata niya sa kamay ni coach na nagpapahinga pa rin sa hita ko.

Nagsalubong ang mga kilay niya pero agad din siyang na-distract nang pumito na iyong referee.

Nag-jump serve agad si Kuya Harold. Isa iyon sa mga tactics na ginagawa niya para biglain ang kalaban. Pero mukhang hindi iyon umepekto kasi maganda pa rin ang receive ng libero ng Westmore. Halos hindi gumalaw iyong setter nila na agad s-in-et ang bola sa middle blocker.

At nagsigawan ang mga supporters nila nang makuha nila iyong unang point.

"Ang bilis! Nasa sahig agad iyong bola!" Sabi ni Uno. "Pero, wait, 'di ba part ng team A nila iyong setter nila? Ang daya naman! Akala ko, team B lang nila lahat itong naka-lineup?"

Hindi na ako nagsalita. Pinanood ko na lang iyong setter ng Westmore na naglalakad papunta sa service line. Ventura ang apelyido niya at jersey number ten siya.

At doon ko lang na-realize na magkasunod pala kami ng jersey number.

Bukod kay Alejo, siya rin talaga iyong isa sa mga pinanood ko ang game highlights. Pareho kasi kaming setter at masasabi ko talagang magaling siya. Ang simple lang ng setting style niya pero sobrang effective.

Literal na humihinto sa ere iyong bola kapag siya iyong nagse-set. Parang papel iyon sa sobrang gaan tignan at sa sobrang ganda ay ang kailangan na lang gawin ng spiker niya ay paluin na lang.

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now