Iyon sana ang gusto kong isagot pero mas pinili ko na lang manahimik. Ang gusto ko na lang ng mga oras na iyon ay matapos na sa pagkain para makabalik na sa kwarto ko. Ayoko na rito na malapit kay Kuya Nico. Parang ano mang oras ay babalian niya talaga ako ng buto.

"Takot ka ba sa 'kin?"

Napahinga ako nang malalim nang marinig ang sumunod niyang tanong.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako takot kay Kuya Nico. Ang tamang salita ay kaba. Kinakabahan talaga ako sa kaniya. May kung ano talaga sa kaniya na unang tingin mo pa lang ay pangingilagan mo na. At may mga gano'ng tao naman talaga. Iyong wala pa namang ginagawa sa 'yo pero gusto mo na agad iwasan.

Pero hindi lang naman ako ang kinakabahan sa kaniya. Kahit si Uno ay sinabi sa 'kin dati na kabado rin siya kapag kinakausap siya ni Kuya Nico. Naalala ko pa iyong unang beses siyang nilapitan. Namutla si Uno no'n pero imbes na matawa ako ay naawa ako sa kaniya.

Pero overall, mabait naman si Kuya Nico.

Kita ko naman iyon sa kung paano siya tratuhin ng mga tao sa paligid namin. Respetado siya ng mga seniors namin kahit sophomore year pa lang niya sa team. Madalas ding i-consider ng coaching staff ang suggestions niya.

Pwede na nga siyang maging team captain, e.

Siguro, sadyang initimidating lang talaga ang hitsura niya. Sabi ko nga no'ng una ko siyang makilala, gwapo pero mukhang suplado at palaging galit.

Pero hindi talaga siya suplado, a? Mukha lang.

Basta, nasa mukha niya ang problema.

"Takot ka sa 'kin, Seb?" Tanong ulit niya.

Napakurap ako. "Uhm, h-hindi naman."

"E, bakit kinakabahan ka?"

Napalunok ako. Daig ko pa ang ginigisa sa thesis defense kahit freshman pa lang ako. Pwede bang kumain na lang kami ulit? Pakiramdam ko kasi ay tutulo na talaga ang mga luha ko sa pressure ng mga tanong niya.

"Ayaw mo ba sa 'kin?"

Kasasabi ko pa lang na maiiyak na ako, may panibagong tanong na naman!

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko saka siya tinignan ulit. Agad na nagtama ang mga tingin naming dalawa. Pero nagulat ako nang hindi inis ang nakita ko sa mukha niya kundi... hala... kinakabahan siya?

"Hindi mo ako pinapansin sa mga trainings. Akala mo, hindi ko napapansin iyon?"

Hala. Napapansin niya raw! Napaiwas ulit ako ng tingin.

Pero... hindi ko naman sinasadya iyon...

Isa pa, wala rin akong maisip na pagkakataon para pansinin siya. Ibig kong sabihin, abala kasi siya agad at seryoso pagdating sa oras ng training namin. Kausap niya na agad sina Kuya Harold pati sina coach. Nakakahiya naman kung bigla ko siyang kakausapin no'n, 'di ba?

At... kailangan ko ba talaga siyang pansinin?

Napaisip tuloy ako bigla. Oo, teammate ko siya pero paano ba iyong sinasabi niya na pansinin ko siya?

Kapag dumarating naman ako sa gym, bumabati naman ako sa kanila. Iyong bati ko, para sa lahat na iyon. Wala naman talaga akong specific na tao na iyon lang ang pinapansin ko. Maliban na lang siguro kay Uno na kinukulit agad ako.

So... gusto ni Kuya Nico na kinakausap ko siya sa gitna ng trainings namin?

Pero baka pagalitan kami ni coach kung puro kami kwentuhan...

"Uhm," napalunok ulit ako kahit wala namang sinubo na pagkain. "W-Wala rin naman kasi akong sasabihin."

Nagkatinginan ulit kami.

Jersey Number NineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon