Wala na. Hindi ko na napigilan. Tumulo na iyong luha ko pero mabilis ko ring pinunasan iyon.

Bakit ka umiiyak, Seb?

Kasalanan mo naman kaya hindi ka dapat umiiyak.

"Cap, grabe ka naman. Normal lang naman kabahan. Kinabahan lang si Seb. Hindi naman niya iyon sinasadya. Wala namang may gusto no'n-" rinig kong sabi ni Uno na agad ding pinutol ni Kuya Harold.

"H'wag ka makikisali rito! Isa ka pa, e! Mag-training ka na lang nang maayos para hindi ka na ibangko."

Nakita ko na nagkuyom ang kamay ni Uno kaya hinawakan ko agad iyon. Nang lingunin niya ako ay inilingan ko na lang siya para hindi na siya madamay sa galit ng captain namin.

"Si Nico pa talaga ang na-injure. Dapat ikaw na lang ang nabalian-"

"Harold, tama na iyan."

Napalingon kaming lahat sa bagong pasok na si Kuya Nico. Nakasakay siya sa wheelchair habang tulak ng assistant coach namin na si Coach Greg. Nakabenda na ang kanang paa niya at na-guilty agad ako nang makita iyon. Doon ko na-realize na malala nga ang sprain na nakuha niya kasi kinailangan na siyang i-wheelchair.

Nagkatinginan kaming dalawa pero yumuko rin ako agad. Sobrang nagi-guilty ako. Kasalanan ko talaga lahat ng 'to. At ako lang din ang dapat sisihin kung matatalo kami sa mga susunod naming games dahil mukhang hindi agad makakapaglaro si Kuya Nico.

Tama nga si Kuya Harold. Ang tanga ko. Ang bobo ko. Mas okay nga siguro kung ako na lang ang na-injure kasi hindi naman ako malaking kawalan sa team.

Naiinis ako sa sarili ko.

"Anong nangyayari?" Tanong ni Coach Greg.

Pero walang sumagot. Hindi na rin nagsalita si Kuya Harold. Lumabas na lang siya ng dugout dala ang mga gamit niya. Sumunod din naman agad iyong iba naming teammates sa kaniya hanggang kami na lang nina Uno, Kuya Nico, at coach ang natira.

Bumuntong hininga ako. Nakakainis. Nakakahiya lalo na kay Kuya Nico.

"Seb, ayos ka lang?" Tanong ni coach.

"Opo," tango ko.

"Pagpasensyahan mo na si Harold. Mabilis lang talaga uminit ang ulo no'n pero mabait naman iyon. Baka na-frustrate lang dahil sa game."

Kahit sino naman ay mafu-frustrate dahil sa katangahan ko kanina. Panalo na, naging bato pa.

Tumango ako at hindi na nagsalita. Nakayuko lang ako ro'n saka unti-unting dinampot ang mga gamit ko. Ayokong itingala ang ulo ko kasi nahihiya talaga ako kay Kuya Nico.

"Pero, coach, grabe pa rin iyong mga sinabi niya kay Seb. Sana raw si Seb na lang ang na-injure. Sinong captain ang magsasabi ng gano'n sa teammate niya?" Si Uno na hindi ko na napigilan.

"Hayaan n'yo. Pagsasabihan ko," sagot ni coach.

"Ang OA niya. E, gano'n talaga! May natatalo at may nananalo sa game. Hindi lang talaga natin araw ngayon. Ang sakit niya magsalita-"

Hinawakan ko sa braso si Uno saka siya inilingan. Ngumuso lang siya ro'n at maya-maya lang din ay dinampot na rin ang mga gamit niya.

"Ako nang bahala. Kakausapin ko si Harold mamaya. Sumunod na kayo sa bus ha?" Sabi ni coach saka tinulak na ang wheelchair ni Kuya Nico palabas ng dugout.

Saglit pa nga kaming nagkatinginan pero yumuko lang ulit ako. Hindi ko talaga siya kayang tignan lalo pa't ako ang may gawa kung bakit hindi siya makalakad ngayon.

Pero kailangan ko pa rin mag-sorry sa kaniya. Kahit alam kong wala rin namang silbi iyon kasi nangyari na ang hindi dapat mangyari. Siguro, mamaya na lang pag-uwi namin sa dorm.

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now